Mga manggagawa sa iba’t ibang lugar, nagprotesta bago ang SONA 2026


Sumiklab ang mga sunod-sunod na protesta ng mga manggagawa sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ilang araw bago ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sumiklab ang mga sunod-sunod na protesta ng mga manggagawa sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ilang araw bago ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sigaw ng mga grupo ang nakabubuhay na sahod, makabuluhang benepisyo at pagpapatalsik sa administrasyong Marcos-Duterte. 

Larawan mula sa Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations (ANGLO-KMU)

Nagprotesta noong Hulyo 22 ang Manggagawang Nagkakaisa sa Umicore Specialty Chemicals Subic, Inc., kasabay ng negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA). 

Anila, inilaan lang ng gobyerno para sa mga manggagawa sa National Capital Region ang barya-baryang P85 dagdag-sahod, habang napag-iiwanan ang mga manggagawa sa probinsiya na humaharap din sa mataas na presyo ng bilihin.

Larawan mula sa Pamantik-KMU

Nagpiket-protesta nitong Hulyo 24 ang manggagawa sa San Miguel Integrated Logistics Services, Inc. (SMILSI), kaugnay ng ikatlong pandinig sa kaso ng 800 manggagawang ilegal na tinanggal sa trabaho. 

Bandang 11:00 ng umaga, pormal na idineklara ng Liga ng mga Manggagawa ng San Miguel Integrated Logistics Services, Inc. (LSMILSI) ang welga at tuluyang sinarado ang tarangkahan ng San Miguel Corporation Santa Rosa Industrial Complex, upang pigilan ang pagpasok at paglabas ng materyales.

Bukod sa pagiging makunat ng manedsment sa hinaing ng mga manggagawa, ibinunyag din ng Defend Workers-Southern Tagalog ang nararanasang intimidasiyon at pananakot sa unyon.

“Noong Hulyo, habang nasa Umento sa Sahod Wage Forum ang mga manggagawa ng SMILSI, pinaghahanap ng mga hindi pa nakikilalang indibiduwal ang tagapangulo ng LSMILSI. Malinaw na ito ay pagtatangka ng sabwatang kapitalista-estado na pagdurog sa unyon ng mga manggagawa,” pahayag ng Defend Workers-Southern Tagalog.

Larawan mula sa Ilaw at Buklod ng mga Manggagawa

Nagsagawa rin ng breaktime protest noong Hulyo 24 ang mga manggagawa ng YYD System Interiors Inc. sa Carmona City, Cavite upang kondenahin ang ipinatupad na Temporary Work Stoppage sa isa sa mga planta nito.  

Ayon sa United Workers Union (UWU-YYD-IBM), pinatupad ang naturang patakaran noong Hulyo 1 nang walang sapat na dokumento o kautusan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE). Nagresulta ito sa pagkawala ng trabaho ng mahigit 50 na manggagawa. 

Ipinanawagan din ng unyon ang agarang pag-remit ng mga mandatory benefit tulad ng SSS, Philhealth at Pag-IBIG na kinaltas umano sa kanilang sahod ngunit mahigit isang taon nang hindi binabayaran ng kompanya. 

Nagpiket-protesta din sa noong Hulyo 24 ang mga manggagawa ng Philippine Span Asia Carrier Corporation, sa harap ng tanggapan ng DOLE sa Intramuros, Maynila. Pinangunahan ito ng SM-PSACC-NAFLU-KMU matapos ang negosasyon sa pagitan ng unyon at ng manedsment para sa CBA.