Ilegal na interogasyon sa mga inaresto sa SONA ng Bayan, kinondena
Kinondena ng mga tanggol-karapatan ang anila’y ilegal na interogasyong ginawa ng tatlong hindi nakilalang lalaki sa pitong kabataang aktibista na inaresto ng pulisya nitong Hulyo 27.
Kinondena ng mga tanggol-karapatan ang anila’y ilegal na interogasyong ginawa ng tatlong hindi nakilalang lalaki sa pitong kabataang aktibista na inaresto ng pulisya nitong Hulyo 27.
Sa pinagsamang pahayag ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), Public Interest Law Center (PILC), Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (SENTRA), Pro-Labor Legal Assistance Center (PLACE) at NUPL-National Capital Region, inilarawan nila bilang “unlawful, deceptive at intimidating” ang ginawang interogasyon.
Bahagi ang pitong kabataan ng 51 na mga inaresto ng pulisya dahil sa umano’y paglabag nito sa lokal na ordinansang nagbabawal ng face covering, ecological solid waste management at vandalism.
Karamihan sa mga inaresto ay miyembro ng mga grupo na Vandals United, Hiphop United Against Corruption, Skaters United at Defend the Hood.
Pinakawalan kinalaunan ang 43 sa kanila ngunit nanatili sa Camp Karingal, punong himpilan ng Quezon City Police District, ang siyam pa. Dalawa rito ay mga paralegal na sinampahan ng kasong obstruction of justice ng Philippine National Police at Meralco habang malicious mischief at direct assault naman sa pitong kabataan.
Ayon sa pahayag ng mga tanggol-karapatan, natanggap nila ang ulat mula sa pito nang dinala sila sa isang conference room at kinuwestiyon kahit na walang abogado.
Nagpakilala umano sa kanila ang tatlong lalaki na mga abogado at paralegal na may kaugnayan sa Commission on Human Rights at NUPL. Ngunit nang hingin na ipresenta ang kanilang identipikasyon, tumanggi raw ito at sinabing confidential ang kanilang pagkakakilanlan.
Agad namang kinumpirma ng NUPL na wala ni isa sa mga lalaking ito ang kanilang abogado, paralegal o awtorisadong kinatawan.
Dagdag pa, hiningi raw ng mga nag-interrogate ang personal na mga impormasyon ng mga inaresto tulad ng mga detalye tungkol sa kanilang pamilya, kasalukuyan at dating tinitirhan, tattoo, social media activity at iba pa. Pinilit din silang pasagutin tungkol sa pagiging kasapi nila ng mga organisasyon.
Ayon sa mga tanggol-karapatan, tahasang nilalabag nito ang Article III, Section 12 ng Konstitusyon at ang Section 2 ng Republic Act 7438. Sa ilalim ng mga batas na ito, may karapatang manahimik at may karapatang samahan ng isang independiyenteng abogado ang mga taong inaresto, dinakip o isinailalim sa custodial investigation. Ipinagbabawal din ng Konstitusyon ang pagbabanta, pananakot at iba pang paraan na sumisira sa malayang pagpapasya ng isang tao.
“Nananawagan kami ng agarang pagtatapos ng custodial interrogation at political profiling sa mga aktibista at ng pananagutan para sa lahat ng nag-utos at nagsagawa sa mga gawaing ito,” pahayag nila sa Ingles.