Makapangyarihang kapayapaan
Sa mundong sanay sa ingay, madaling isipin na ang pinakamalakas ang siyang may katotohanan.
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon – 1 Hari 19:9a, 11-13a | Salmo 84 | Roma 9:1-5 | Mateo 14:22-33
Minsan naiisip ko kung bakit maraming sinaunang kuwento ang nagbibigay ng mukha sa mga puwersa ng kalikasan. Nitong nakaraan, pinanood namin ng mga kapwa ko junior professed religious ang “The Odyssey”.
Isa sa mga nagustuhan ko rito ay kung paano nagiging mga tauhan ang dagat, ang hangin at maging ang kapalaran. Sa kuwento, isa sa pinakamalaking kalaban ni Odysseus ang dagat, sapagkat iyon ang nasasakupan ni Poseidon. Dahil sa galit ng diyos na ito, tila bawat alon ay may layuning pigilan siyang makauwi.
Marahil kaya madaling isipin na ang kapangyarihan ay laging maingay. Ang malalakas na hangin, ang nagngangalit na dagat, ang mga kulog at kidlat, parang sila ang tunay na may kontrol. Kapag ganoon ang ating imahinasyon, madali rin nating ilarawan ang Diyos bilang laging kahanga-hanga sa lakas, laging gumagawa ng mga bagay na nakayayanig.
Ngunit ibang larawan ang iniaalok ng ating mga pagbasa ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa, nakatayo si Elias sa Horeb habang dumaraan ang malakas na hangin, ang lindol at ang apoy. Lahat ng ito’y sapat upang sindakin ang sinuman. Gayunman, malinaw ang sinabi sa pagbasa: wala roon ang Panginoon. Dumating Siya sa isang banayad na tinig.
Hindi ibig sabihin nito na mahina ang Diyos o na wala Siyang kapangyarihan. Ang ipinakikita ng kuwento ay may uri ng lakas na hindi kailangang sumigaw upang marinig. Minsan, may kapangyarihang hindi kailangang manggulat upang makakilos. Ang Diyos ay hindi nakikipagpaligsahan sa ingay ng mundo. Sa halip, Siya ang katahimikang nananatili kahit matapos ang unos.
Inaanyayahan tayong unti-unting sipatin at kahit na nga baguhin ang ating larawan ng Diyos na madalas nating binubuo sa isip. Baka masyado tayong humahanga sa mga mukhang makapangyarihan. Madaling mabighani sa malalakas na tinig, sa mga taong tila kayang baguhin ang lahat sa isang utos.
Sa lipunan natin, madalas ding ipinapakitang ang lakas ay nasa dahas, sa pananakot, o sa kakayahang patahimikin ang iba. Kapag iyon ang naging sukatan natin ng kapangyarihan, madali nating makaligtaan ang Diyos na nagsasalita sa katahimikan ng budhi, sa mahinahong paalala ng isang kaibigan o sa tahimik na pagdurusa ng mga taong halos wala nang boses.
Ang salmo rin ay nagbibigay ng magandang mensahe. Ang Diyos ay nagdadala ng kapayapaan sa mga nagbabalik-loob. Hindi ito pangakong walang kondisyon, sapagkat ang kapayapaan ay may hinihinging tugon. Hindi ito dumarating habang matigas pa rin ang puso. May kailangang iwan, may kailangang aminin, may kailangang baguhin.
Posible palang napakalapit ng Diyos ngunit hindi pa rin natin Siya makita dahil iba ang anyong inaasahan natin. Hinihintay natin ang pambihirang pagpapakita, samantalang dumarating Siya sa banayad na tinig. Hinahanap natin ang makapangyarihang pagpapamalas ng lakas, samantalang lumalapit Siya sa gitna ng ating mga ordinaryong araw.
Pagdating sa Ebanghelyo, muli na namang dagat ang tagpuan. Sa sinaunang pananaw ng Israel at ng maraming kultura sa Sinaunang Malapit na Silangan, ang tubig ay larawan ng kaguluhan at ng mga puwersang hindi kayang kontrolin ng tao.
Kaya sa kuwento ng paglikha, unang ipinakita ang Diyos na nagbibigay ng kaayusan sa ibabaw ng katubigan. Hindi nawawala ang larawang ito sa Ebanghelyo. Habang sinasalanta ng hangin at alon ang bangka, lumalakad si Hesus sa ibabaw ng tubig.
Ang paglalakad ni Hesus sa ibabaw ng tubig ay hindi simpleng himala upang hangaan. Isa itong pahayag na kahit ang dagat, na sagisag ng kaguluhan, ay hindi lampas sa Kanyang paghahari. Habang ang mga alagad ay nakatingin sa unos, si Hesus ay mahinahong lumalapit. Habang sila’y sumisigaw sa takot, Siya ang nagsasabing, “Huwag kayong matakot.”
Si Pedro marahil ang pinakamadaling makaugnayan sa ating lahat. May lakas siyang humiling na makalakad din sa tubig. Lumabas siya ng bangka. Ngunit nang ituon niya ang pansin sa hangin, nagsimula siyang lumubog.
Ganyan din ang madalas mangyari sa atin. Nagsisimula tayong may tapang dahil naniniwala tayo sa tawag ng Diyos. Ngunit habang tumatagal, mas nagiging malakas ang boses ng ating mga pangamba. Nagiging abala tayo sa posibilidad ng kabiguan, sa opinyon ng iba, at sa kawalan ng katiyakan. Nais nating sumunod kay Kristo, ngunit gusto rin nating kontrolado natin ang lahat. Kapag nawala ang kasiguruhan, doon nagsisimulang mangibabaw ang takot.
Habang inilalarawan ng Ebanghelyo ang takot ng mga alagad, ipinakikita naman ng ikalawang pagbasa ang ibang anyo ng pagdurusa. Nasasaktan si Pablo para sa sarili niyang bayan. Ang Mesiyas na matagal nilang hinihintay ay nasa kanilang harapan, ngunit hindi nila Siya nakilala. Ang kapayapaang ipinangako ng Diyos ay dumating, subalit marami ang nanatiling bulag sa Kanya.
Hindi lang ito kuwento tungkol sa Israel. Posible palang napakalapit ng Diyos ngunit hindi pa rin natin Siya makita dahil iba ang anyong inaasahan natin. Hinihintay natin ang pambihirang pagpapakita, samantalang dumarating Siya sa banayad na tinig. Hinahanap natin ang makapangyarihang pagpapamalas ng lakas, samantalang lumalapit Siya sa gitna ng ating mga ordinaryong araw.
Sa mundong sanay sa ingay, madaling isipin na ang pinakamalakas ang siyang may katotohanan. Ngunit ipinakikita ng mga pagbasa na ang Diyos ay kumikilos sa paraang madalas nating hindi inaasahan. Habang abala tayo sa unos, naroon Siya sa banayad na tinig. Habang nakatingin tayo sa lakas ng hangin, patuloy Siyang lumalapit.
May Diyos na hindi kailangang makipagsabayan sa lakas ng hangin upang ipakita ang Kanyang kapangyarihan. At kapag natutuhan nating makinig sa Kanyang banayad na tinig, baka doon din natin matagpuan ang kapayapaang matagal na nating hinahanap.