Lasapin ang linamnam ng mga piling putahe ng Batangas
Kung sakaling maisipang dumalaw, hindi dapat palapmpasin ilang lutong Batangueño.
Kilala ang lalawgan ng Batangas sa maraming bagay tulad ng mayaman nitong kasaysayan, naggagandahang pasyalan, malalim na pagkakaugat ng Kristiyanismo at sa matapang na pananalita ng mga Batangueño.
Upang mas mapalalim ang pagkakaintindi sa pagkakakilanlan ng lalawigan, kailangang tikman ang mga lutong pagkain na doon lang inahahain. Kaya kung sakaling maisipan mong dumalaw, hindi mo dapat palapmpasin ang mga sumusunod na lutong Batangueño.
Sinaing na tulingan

Isa sa mga tanyag na pagkain sa Batangas ang sinaing na tulingan. Tradisyonal itong niluluto sa loob ng maliit na palayok sa loob ng apat hanggang limang oras ang isdang nakabalot sa dahon ng saging.
Nagsimula ang pagluluto sa pagkaing ito dahil sa maraming nahuhuling isda ang mga komunidad ng mga mangingisda. Dahil dito, naging sagisag ang sinaing na tulingan sa kasipagan at pagtatiyaga ng mga Batangueño—mga katangiang mainam na pamarisan.
Tapang Taal

Sa bayan ng Taal, kilala rin bilang isang pangunahing pagkain ang tapang Taal. Kaiba sa karaniwang tapa, hindi ito gawa sa baka.Gawa ito sa maninipis na hiwa ng baboy na tinimplahan at matagal na ibinabad sa toyo, bawang, paminta at kalamansi.
Kadalasan itong nabibili per kilo sa Taal Public Market. Sa kasalukuyan, isa ang pagkaing ito sa mga produktong ipinagmamalaki ng bayan. Naging popular na produkto ito na binibili bilang mga pampasalubong ng mga turista.
Ayon sa food historian na si Micky Fenix, may malaking bahagi sa pagkakakilanlan at kultura ng bayan ang tapang Taal kasama na ang adobo sa dilaw at bulanglang.
Adobo sa dilaw

Adobong walang toyo. Sa unang dinig, marahil walang maniniwala na may luto ng adobo na hindi ginagamitan ng toyo. Ngunit sa Batangas, may natatanging bersiyon ang mga Batangueño sa sikat na putahe— ito ang adobo sa dilaw o adobong dilaw.
Ganito ang naging pangalan nito dahil luyang dilaw o turmeric ang naging pampalasa dito sa halip na toyo. Ito rin ang nagbibigay ng malagintong kulay at matingkad na dilaw sa sabaw nito.
Kung babalikan ang kasaysayan, kadalasang niluluto ni Maria Agoncillo ang adobo sa dilaw noong panahon ng mga Kastila. Si Maria ay isang Batangueña na napangsawa ni Emilio Aguinaldo.
Bagoong Balayan

Kung sawsawan naman ang pag-uusapan, ambag ng Batangas ang bagoong Balayan. Nagmula ito sa bayan ng Balayan kung saan tradisyonal itong ginagawa sa pagbuburo ng isdang dilis, minsan ay galunggong, kasama ang asin.
Sa katunayan, nailagay sa mga paunang dokumento ni Antonio Pigafetta, isang iskolar at mananaliksik na kasama sa mga paglalakbay ni Ferdinand Magellan, ang bagoong Balayan.
Batay pa sa mga naging pag-aaral ng mga mananaysay, nagsimula ang paggawa ng bagoong Balayan bago pa man dumating ang mga mananakop bilang paraan ng mga mangingisda upang mapatagal ang buhay ng kanilang mga bagong huli sa Balayan Bay.
Pakaskas

Samantala, sa Isla Verde, kilala ang pakaskas bilang isang tradisyonal na minatamis. Ginagawa ang pakaskas sa pamamagitan ng pagpapakulo ng katas ng buri sa loob ng ilang oras hanggang sa ang ang katas ay tuluyang maging malapot at magkaramelisa.
Hindi lang isang putahe, kung iisipin, ang pakaskas. Produkto ito ng pamayanang agrikultural ng Batangas na sagana sa ani ng palay, buri at niyog. Bagaman sa simula ay simpleng meryenda lang, sa paglipas ng mahabang panahon, naging mahalagang bahagi ito ng kultura ng Batangas.
Katakam-takam at marahil kakaiba sa panlasa ang hatid ng mga piling putaheng ito sa Batangas. Sa totoo, ilan lamang ang mga sinaing na tulingan, tapang Taal, adobong dilaw, bagoong Balayan at pakaskas sa mga pinagmamalaking luto ng mga Batangueño.
Sa huli, ang mga pagkaing ito’y hindi lang pantawid-gutom at nagbibigay aliw. Mga paalala at simbolo ang mga ito na nagtataglay ng pumipintig na pulso ng mayamang kultura, kasaysayan at katangian ng mga Pilipino. Nananatili ito magmula pa noong unang panahon at patuloy na mananatili hanggang sa mga susunod na salinlahi.
Tikman ang mga pagkain na bubusog sa iyong tiyan, uwi ka na sa Batangas.