Main Story

Pax Silica ng US, tinatapatan ng pagtutol ng mga Aeta


Matatag ang paninindigan ng mga katutubong Aeta laban sa pagtatayo ng Pax Silica sa kanilang lupang ninuno.

Ni minsan, ‘di pa naririnig ni Tony Gutierrez, Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng Capas sa Tarlac, ang salitang Pax Silica, bago ito banggitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address nitong Hulyo.

Inilunsad ng United States (US) at anim na kaalyadong bansa nito ang pandaigdigang kasunduan noong Disyembre 2025. Naglalayon itong tiyakin ang mga supply chain para sa artificial intelligence (AI) at semiconductors. Ngayon may 24 na bansa na bahagi na ng kasunduan, kabilang ang Pilipinas at sadyang hindi sinama ang China.

Sa Pilipinas, ang resulta nito’y ang planong 1,620 ektaryang manufacturing hub na sinasabi ng gobyernong lilikha raw ng $70 bilyong puhunan.

Ayon kay Marcos Jr., palalakasin ng proyekto ang teknolohiya, manufacturing at paglikha ng trabaho, at “lilikha ng isang ecosystem na nakasentro sa AI.” Pero kulang kulang pa ang detalyeng nilalabas ng Malakanyang at ng iba pang opisyal tungkol sa aktuwal na saklaw ng proyekto o kung kailan magsisimula ang konstruksiyon.

Si Tony Gutierrez, Indigenous Peoples Mandatory Representative ng Capas, Tarlac. Michael Beltran/Pinoy Weekly

Hindi naglaon, nalaman ni Gutierrez na sa New Clark City itatayo ang proyekto, dating base militar ng mga Amerikano. Isa itong dating military complex ng Amerika na 120 kilometro sa hilaga ng Maynila at sumasaklaw sa Pampanga at Tarlac.

Doon nakatira si Gutierrez kasama ng libo-libong kapwa niya katutubong Aeta. Giit nila, ang lupa’y matagal nang bahagi ng kanilang ancestral domain o lupang ninuno.

“Tutol kami. Dito na kami isinilang sa lupang ninuno, masisira ang aming kalikasan, kabuhyan, nauna kami dito,” ani Gutierrez.

Bahagi ang mga katutubong Aeta sa Clark ng mas malawak na oposisyon ng mamamayan sa Pax Silica. Sinasabi nilang magpapalayas ang proyekto ng mga lokal na residente at makapipinsala sa kapaligiran ang konstruksiyon.

Kita sa ginawang mapa ng Countermapping Ph na may overlap ang Pax Silica sa mga sitio at ancestral domain claims ng mga Aeta sa Clark.

Bukod sa mga usapin hinggil sa pag-agaw ng lupa, nagbubukas din ang inisyatiba ng mas malawak na debate tungkol sa soberanya ng Pilipinas at kung sino ang makikinabang sa papel ng Pilipinas sa ribalan ng US at China pagdating sa teknolohiya at pagmamanupaktura.

Ayon sa administrasyong Marcos Jr., palalakasin ng Pax Silica ang ekonomiya at lilikha ng trabaho. Nitong Hulyo, nakipagpulong ang pangulo kay US State Secretary Marco Rubio nang bumisita siya sa Maynila upang talakayin ang inisyatiba.

Pero ayon sa Ibon Foundation, imbentong mga numero lang ng kaunlaran ang hinahain ng gobyerno tungkol sa proyekto. Ni wala man lang kongkretong pag-aaral sa malilikhang trabaho at pakinabang sa ekonomiya, pero kung magsalita raw ang mga opisyal, para bang apat na beses na malalampasan nito ang foreign manufacturing investment, electronics exports at job creation sa buong ekonomiya sa nakaraang apat na dekada.

Umani rin ng maraming negatibong reaksiyon sa social media ang plano. Tinawag ito ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc na “produksiyong pandigma na nagkukunwaring kaunlaran.”

Maging si Mikha Lim ng BINI, nagsabing duda siya sa benepisyo ng proyekto at mukhang hindi naman katumbas ang pakinabang ng isasakripisyong lupa at likas na yaman.

Iginiit ng Advocates of Science and Technology for the People (Agham) na napakalaki ng isinusuko ng Pilipinas upang tugunan ang mga hinihingi ng US, kabilang ang lupang ninuno at mga likas na yaman, para sa pagpapaunlad ng teknolohiyang maaari ring gamitin para sa layuning militar.

Pulong ng mga Aeta sa Capas, Tarlac upang talakayin ang Pax Silica at kalagayan ng kanilang application para sa CADT. Michael Beltran/Pinoy Weekly

Ayon sa ibang eksperto, sa ngayon, Pilipinas na ang may pinakamalaking isinusuko para sa Pax Silica. Pero walang malinaw o wala namang pakinabang ang bansa, bagkus, makakapinsala pa sa maraming aspekto.

Sinabi ng gobyerno na renewable o clean energy ang gagamitin sa pagpapatakbo ng pasilidad, pero ayon kay Professor Giovanni Tapang, tagapagsalita ng Agham at dating dekano ng University of the Philippines College of Science, tiyak ang mapanirang epekto sa kalikasan.

Aniya, ang paggamit ng solar power ay “mangangailangan ng mahigit isang libong ektarya pang karagdagang lupa para sa mga solar farm. Sa madaling salita, mas maraming mapapalayas at mas matinding social at ecological damage.

Ang lupang pagtatayuan ng Pax Silica ay pinangangasiwaan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Pinamamahalaan nito ang mga dating lupang militar ng US kasama ang Subic sa Zambales, Camp John Hay sa Baguio City at Fort Bonifacio sa Taguig City.

Sa isang press briefing noong nakaraang buwan, ipinaliwanag ni BCDA President Joshua Bingcang na pampublikong lupa ang pagtatayuan ng proyekto at isa itong “buildable area,” habang itinatangging may mapapalayas dahil sa proyekto.

“Ang proyekto pong ito unang-una ay nakatitulo na sa BCDA, so it’s a public land. Wala pong ancestral domain title doon,” ani Bingcang.

Pinabulaanan ito ni Petronila Capiz-Muñoz, tribal chieftain ng Aeta Hungey sa sitio ng Sapang Kawayan. Tinataya niyang nasa 2,000 pamilya ang nanganganib na mawalan ng lupa buhat ng ng Pax Silica.

Si Petronila Capiz-Muñoz, tribal chieftain ng Aeta Hungey. Michael Beltran/Pinoy Weekly

Noong Hulyo 16, nagpadala ang BCDA sa Sitio Binyayan ng listahan ng mga residenteng itinuring na “project-affected persons in Pax Silica.”

Kinuwenta ni Syracuse University Professor Arnisson Andre Ortega at ng grupong Countermapping PH ang lawak at lokasyon ng Pax Silica hub. Batay sa kanilang pagmamapa, hindi bababa sa tatlong sitio ang tatamaan ng konstruksiyon, habang ilang kalapit na komunidad din ang posibleng maapektuhan ng pagpapalayas.

Dagdag pang banta sa mga komunidad ang dati nang tinatayong New Clark City na may mahigit 8,000 ektarya at itinututing na smart city, katuwang ng Pax Silica.

“Buhay namin ang lupa bilang mga katutubo. Ang kapaligiran, mga bundok [at] mga ilog. Iyan lang ang mayroon kami,” ani Capiz-Muñoz.

Bukod sa kanilang mga tahanan, nangangamba ang mga Aeta na lalamunin rin ng Pax Silica ang kanilang mga sakahan at mga ninunong libingan.

Si Gloria Estavillo, 76, isa sa mga elder ng mga Aeta sa Capas na tutol sa Pax Silica. Michael Beltran/Pinoy Weekly

Sa isang public hearing sa Senado noong Ago. 14, sinabi ni Senador Bam Aquino na kailangan ng maayos na diyalogo bago ituloy ang konstruksiyon.

“We do want to see this facility up,” ani Aquino. “Pero at the same time, hindi naman po ganun karami ang mga apektado.”

Mula pa noong 1994, nagsisimula nang mag-apply ang Aeta Hungey para sa Certificate of Ancestral Domain Title (CADT), dokumentong nagbibigay ng legal na pagkilala sa kanilang lupang ninuno.

Kabilang sa mga minimum na rekisito para sa CADT ang genealogy ng hindi bababa sa limang angkan na umaabot nang hindi bababa sa tatlong henerasyon, mga testimonya mula sa mga nakatatanda, mapa ng ancestral domain at census ng kasalukuyang populasyon.

Sa madaling salita, dapat patunayan ng komunidad na nariyan na sila mula pa noong sinaunang panahon, at kung maari, bago pa dumating ang mga Kastila.

Minsan nang inilarawan ang proseso ng mga mananaliksik na mas mabigat pa raw kaysa sa paggawa at pagdepensa sa isang dissertation para sa doktorado.

Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), kahit makumpleto ng mga Aeta ang mga dokumentong kailangan para sa kanilang aplikasyon sa CADT, nahaharap pa rin sila sa dalawang malaking balakid: ang pagkuha ng pondo mula sa Kongreso para sa pagproseso ng kanilang aplikasyon at ang umiiral na titulo ng BCDA na sumasaklaw sa parehong lupain.

“Maaari pa ring magpatuloy ang aplikasyon para sa CADT sa NCIP,” sinabi ni NCIP Regional Director Joyce Lapuz. “Gayunpaman, ang magiging problema ay ang pagpaparehistro ng titulo. Maaaring hindi ito mairehistro dahil sa umiiral na overlap sa titulo ng BCDA.”

Mahaba-habang proseso at pakikibaka ang pagdadaanan ng mga komunidad ng Aeta. Samantala, ang Pax Silica, minamadali na ng gobyerno.

Tanong ng maraming mga siyentista, bakit ipinagpapalit ang sariling lupa, lupang inagaw ng mga Amerikano noon, para muling isuko sa interes at pakinabang ng Amerika ngayon? /Unang inilathala sa Nikkei Asia noong Ago. 21, 2026.