‘Wag kang pupunta sa Tondo
Kung gusto mo malaman ang tunay na kalagayan ng manggagawa sa lungsod, sumakay ka ng jeep pa Divisoria at makipamuhay kasama ang maralita at pantalan.
“‘Wag kang pupunta sa Tondo. Maraming magnanakaw at madumi doon.”
Ito ang madalas na sabihin ng mga matatanda kapag binabangit ang Tondo, Maynila. Sino ba naman hindi magiging ganyan ang pag-iisip, marahil ganito patuloy na pinipinta ng midya at estado ang Tondo, isang warzone at pugad ng karahasan.
Tuwing sumasakay ng jeepney sa Abenida Recto, hindi ko lagi ito pinapasagad patungong Divisoria. Ano ba naman ang kailangan gawin doon? Hindi naman mamimili, hindi rin naman kailangan makipagsapalaran sa tiangge. Ngunit hindi ko akalain na darating rin ang panahon na isasagad ko ang jeepney patungo sa Divisoria.
Noong inaya ng mga kaibigan na pumunta sa Tondo, nag-alangan ako noong una. Kakatapos ko lang kumilos sa isang local mobilization at hindi pa nagpalit ng damit. Ngunit dahil sa aking kuryosidad, sumama na ako. Nag-LRT patungong Recto, sumakay ng jeep pa Divisoria at sama-samang bumaba sa 168 Shopping Mall upang pumunta ng Del Pan.
Nang lakarin ang Del Pan, dito ko nakita na sobrang layo ng mga ugali ng tao dito sa kung paano sila ipinta ng midya. Kung sabi nila gigripurihan ka na raw kapag dumaan ka sa kanilang area, hindi totoo. Kung tutuusin, nakangiti pa sila, nakikipagkuwentuhan sa kapwa at masaya ang kalagayan sa kabila ng matinding paghihirap.
Nang binigyan ng mga polyeto at babasahin, gustong-gusto pa nila itong kunin, nagpasalamat pa sila pagkatapos bigyan. Kung tutuusin, ito lang ‘yong lugar na nakita ko sa Maynila na nakangiti lahat ng tao.
Habang tumatagal, mas naiintindihan ko kung bakit kailangan namin tumungo sa Tondo. Nakita ko ito nang nanirahan, nakipamuhay at nag-full-time ang mga kasama ko dito.
Sunod na balik ko sa Tondo, may dala akong gitara, nagsasanay ng mga kanta para sa isang paparating na aktibidad sa organisasyon. Dinala kami ng isang kaibigan sa lugar na maaliwalas. Maraming mga batang naglalaro, habang tahimik ang mga matatanda na nanonood sa aming pagsasanay.
Ang mga bata nanonood lang, hindi nangingialam ng gamit namin na nasa tabi. Malikot sila, hindi natin ‘yan maitatanggi, pero hindi ba ito normal sa bata na maging bata?
Minsa’y nakakita rin ako ng mga batang lumalangoy sa pantalan na may tone-toneladang basura. Hubad na nagbre-breaststroke sa dagat, habang ang mga kaibigan nama’y umuupo at humihiga sa basura na malabuhangin, sabay may ngiting umaabot langit.
Dito ko rin narinig kung paano inaabuso ng mga kompanya sa pier ang kanilang manggagawa. Binabarat na nga sila ng estado, lumalaganap ang sakit sa lugar nila at walang awang pinagsasamantalahan pa ang kanilang lakas paggawa, sabay pa ng barat na sahod.
Madalas ang mga manggagawang ito nakikipag-unahan pa para makakuha ng trabaho at makasahod dahil maraming papakainin sa bahay o kaya naman gagastusin para sa araw-araw na pamumuhay.
Habang tumatagal, mas naiintindihan ko kung bakit kailangan namin tumungo sa Tondo. Nakita ko ito nang nanirahan, nakipamuhay at nag-full-time ang mga kasama ko dito.
Binigay nila ang kanilang buhay sa pag-oorganisa ng mga manggagawa sa pier na patuloy pa rin binabarat ng estado at ng kanilang mga kompanya, habang ipinagtatanggol at ipinaglalaban ang mga karapatan ng mamamayang biktima demolisyon sa Parola para sa North-South Harbor Bridge. Dahil sa Tondo, nakita ko ang kahalagahan ng pag-oorganisa sa mga maralitang sektor.
Kung gusto mo malaman ang tunay na kalagayan ng manggagawa sa lungsod, sumakay ka ng jeep pa Divisoria at makipamuhay kasama ang maralita at pantalan.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.