Dokyung ‘Bloom Where You Are Planted’, nominado sa Urian 


Nominado sa iba’t ibang kategorya ang dokumentaryong “Bloom Where You Are Planted” sa 49th Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

Nominado sa iba’t ibang kategorya ang dokumentaryong “Bloom Where You Are Planted” sa 49th Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP). 

Kabilang sa mga nominasyong natanggap ng dokumentaryo ang Best Film (Alex Poblete at Taripnong Cagayan Valley), Best Director (Nonilon Abao), Best Editing (Cheryl Tagyamon), Best Music (Glenn Barit), Best Sound (Mikko Quizon at John Michael Perez) at Best Documentary.

Ang Gawad Urian ay isa sa mga pinakaprestihiyosong pagkilala sa industriya ng pelikula sa Pilipinas.

Ayon sa opisyal na website ng MPP, “Ang Gawad Urian ay pagsukat ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino sa kasiningan at kasanayan ng ating manlilikha sa pelikula. Ang gawad ay sagisag ng pagkilala sa kakayahang ito, ngunit, higit sa lahat, ay sagisag ng pagpapahalaga sa tungkulin ng manlilikha sa kanyang medium at sa kanyang manonood.” 

Ang pelikula ni Abao ay tungkol sa buhay at pakikibaka nina Agnes Mesina, isang development worker; Amanda Echanis, isang dating bilanggong politikal; at Randy Malayao, pinaslang na peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines. Iba-iba man ang kanilang kuwento, hinahabi ang mga ito ng kanilang walang imbot na paglilingkod sa mamamayang Cagayanon. 

Unang ipinalabas ang pelikula bilang opisyal at natatanging dokumentaryong kalahok sa 21st Cinemalaya Independent Film Festival noong 2025 kung saan hinirang ang pelikula na Best Editing at Best Film.

Kasabay ng pagkilala sa pelikula, muli ring tumingkad ang mga paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon ng Cagayan Valley. Magkasunod ang ilegal na pag-aresto sa 11 tanggol-kalikasan sa Kasibu, Nueva Vizcaya at ang pagsasampa ng gawa-gawang kasong “terrorism financing” sa anim pang aktibista sa rehiyon.

Ayon sa opisyal na pahayag ng pelikula sa kanilang Facebook page, “Sa gitna ng sunod-sunod na pagbaha dulot ng kawalan ng maayos na flood control program, mga bagong gawa-gawang kaso ng terrorism financing laban sa mga aktibista ng Cagayan Valley, at pagkulong sa mga lumalaban para sa karapatan sa lupa laban sa dambuhalang pagmimina sa Nueva Vizcaya—patuloy tayong maninindigan at makiisa sa laban ng mamamayan.” 

Sa kasalukuyan, patuloy na umiikot ang pelikula sa iba’t ibang mga local screening para abutin ang mas marami pang manonood.