Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Pananampalatayang performative


Kung nais nating bumalik, kailangan nating hayaan ang Diyos na turuan tayong muli.

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon — Ezekiel 18:25–28  | Salmo 24 | Filipos 2:1–11 o [2:1–5]  | Mateo 21:28–32 

Sa aking pagso-scroll sa social media (oo na, chronically online, ngani), may isang trend o meme na nakaagaw ng aking atensiyon.

Hindi ko na matandaan kung sino ang nag-post o kung ano ang eksaktong caption, pero umiikot ito sa ideya ng pagiging “performative”—iyong parang may ginagawa tayo hindi dahil iyon talaga ang gusto natin, kundi dahil gusto nating makita tayo ng iba sa isang partikular na paraan.

Parang may audience tayong kailangang kumbinsihin. At kung tutuusin, hindi naman ito bago. Matagal nang may ganitong ugali ang tao: iba ang ipinapakita sa harap ng iba, iba naman kapag walang nakakakita.

Sa klase namin sa pilosopiya noon, isa sa aming lesson ay tungkol sa dramaturgy ni Erving Goffman. Para sa kanya, para raw isang entablado ang ating pakikisalamuha. May front stage, kung saan maingat nating ipinapakita ang sarili ayon sa papel na ginagampanan natin, at may back stage, kung saan mas malaya tayong magpakita ng ibang bahagi ng ating sarili.

Hindi naman ibig sabihin nito na lahat ng ginagawa natin ay peke. Bahagi talaga ng buhay ang pag-aadjust sa harap ng ibang tao. Ngunit nagiging problema kapag mas naging mahalaga ang hitsura ng ating pagkatao kaysa sa mismong pagkatao. At dito nagiging kawili-wili ang Ebanghelyo ngayong Linggo.

Dalawang anak ang nilapitan ng kanilang ama, may ipapagawa siya. Sa una, malinaw ang sagot, “Ayoko po.” Hindi maganda pakinggan. Kung tutuusin, parang bastos. Ngunit kalaunan, nagbago ang kanyang isip at pumunta sa ubasan. Ang ikalawa naman ay mabilis na sumagot ng “Opo,” pero hindi naman siya pumunta.

Sa unang tingin, sino ang mas madaling hangaan? Siyempre, iyong nagsabi ng “Opo.” Maganda ang sagot. Magalang. Mukhang masunurin. Ngunit para kay Hesus, hindi sapat ang magandang sagot kung walang kasunod na kilos.

Marahil dito tayo dapat maging tapat sa sarili. May mga pagkakataong madali nating sabihin ang “oo” sa Diyos. Madali nating i-post ang Bible verse, magsuot ng religious shirt, mag-share ng Catholic content, magsabi ng “God is good,” o ipahayag kung gaano kahalaga sa atin ang pananampalataya. Wala namang masama sa mga iyon.

Ngunit maaaring dumating ang sandali na ang ating mga kilos ang magtanong sa atin: Totoo ba talaga ang sinasabi natin? Baka minsan, mas mabilis pa nating sabihin na sumusunod tayo kay Kristo kaysa aktuwal na sundin ang hinihingi Niya sa atin.

Sa kabilang banda, may mga taong hindi gaanong palabigkas ng kanilang pananampalataya, maaaring nagdududa pa, nagrereklamo o nagsasabing “Ayoko,” ngunit sa kanilang buhay, sila pala ang tahimik na pumupunta sa ubasan.

Kaya hindi lang tungkol sa pagsasabi ng “oo” o “hindi” ang Ebanghelyo. Tungkol ito sa direksiyon ng buhay. Ang tunay na pagsunod ay nakikita sa ginagawa pagkatapos magsalita. Kaya nga matindi ang sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda: nauna pa sa kanila ang mga publikano at mga makasalanang babae sa paghahari ng Diyos.

Hindi dahil mabuti ang kanilang nakaraan, kundi dahil nakita nila ang kanilang pagkukulang at nagbago sila. May posibilidad palang mas malapit sa Diyos ang taong marunong umamin na kailangan niyang magbago kaysa sa taong kumbinsidong maayos na siya dahil tama naman ang kanyang sinasabi.

Ganito rin ang ipinapakita ng Unang Pagbasa mula kay propeta Ezekiel. Tinututulan ng Diyos ang reklamo ng Israel na tila hindi patas ang Kanyang paraan, “Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot.” Hindi naman kasi arbitraryong parusa ng Diyos ang nangyayari sa tao. May kaugnayan ang buhay ng tao sa kanyang mga pinipiling gawin.

Ang tumatalikod sa kabutihan ay humaharap sa bunga ng kanyang kasamaan; ang tumatalikod naman sa kasamaan at bumabalik sa matuwid na pamumuhay ay muling binibigyan ng buhay. Parang ipinapaalala sa atin na ang pagtalikod sa Diyos ay may bunga sapagkat ang tao mismo ay lumalayo sa pinagmumulan ng kabutihan.

Kaya ang salmista ay humihiling, “Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ’kin.” Ang pag-alala sa hesed, ang wagas at matatag na pag-ibig ng Diyos, ay hindi lamang paggunita sa kung gaano Siya kabuti. Kasama rito ang paghingi, “Ituro mo sa akin ang iyong mga daan.”

Ibig sabihin, kung nais nating bumalik, kailangan nating hayaan ang Diyos na turuan tayong muli. At kasama rin sa panalangin ang pagsusumamo na huwag nang pagtuunan ng Diyos ang ating mga nakaraang pagkakasala. May pagkakataon tayong magsimulang muli.

At dito nagiging mahalaga ang paanyaya ni Pablo sa mga taga-Filipos, “Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus.” Ang kenosis ni Kristo ay kabaligtaran ng isang pananampalatayang kailangang makita at hangaan. Hindi Siya kumapit sa Kanyang kalagayan. Hinubad Niya ang sarili, nagpakababa, naging lingkod, at naging masunurin hanggang kamatayan.

Kung may dapat tayong “i-perform” bilang mga Kristiyano, hindi ito ang pagiging mukhang banal sa harap ng iba. Ito ang kenosis: ang unti-unting paghubad sa sarili upang magkaroon ng puwang para sa Diyos at sa kapwa.

Minsan, kailangan din nating tanungin ang sarili: Sino ba ako kapag wala nang nakakakita? Ano ang natitira sa aking pananampalataya kapag wala nang likes, comments o papuri?

Maaaring madaling ipakita sa iba na mahal natin ang Diyos, ngunit ang pananampalataya ay unti-unting nagiging totoo kapag isinasabuhay natin ito sa mga ordinaryong pagkakataon: sa paraan ng pakikitungo natin sa pamilya, sa pasensiya natin sa kapwa, sa katapatan natin kahit walang nakakakita at sa pagpapakumbaba nating aminin kapag tayo ay nagkamali.

Ngayong Linggo, sapat na sigurong magsimula tayo kahit sa isang kongkretong “oo.” Hindi kailangang ipakita sa lahat. Baka may isang taong kailangan nating lapitan o isang pagkakamaling kailangan nating aminin o di kaya’y isang mabuting bagay na matagal na nating ipinagpapaliban.

Ang pananampalatayang tunay na humuhubog sa atin ay hindi lamang nakikita sa sinasabi natin tungkol sa Diyos. Nakikita ito sa paraan ng pamumuhay natin kapag tayo ay humayo na sa ubasan.