P60 dagdag-sahod sa NCR, kinuwestiyon ng obrero


Ayon sa Kilusang Mayo Uno at BPO Industry Employees Network, mas mababa pa sa P85 umentong na naunang itinakda sa Wage Order No. 27.

Pinuna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at BPO Industry Employees Network (BIEN) ang bagong P60 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR). Ayon sa dalawang grupo sa paggawa, mas mababa pa sa P85 umentong na naunang itinakda sa Wage Order No. 27.

Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR noong Set. 7 ang Wage Order No. 28 na magtataas sa minimum wage ng mga non-agricultural worker mula P695 tungong P755 kada araw. Inilathala ito noong Set. 11 at nagkabisa noong Set. 26.

Giit ng KMU at BIEN, hindi sapat ang bagong dagdag-sahod para matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa protesta, nanawagan ang KMU sa agarang pagpapatupad ng dagdag-sahod at P1,200 living wage sa buong bansa. Sinabi ni KMU chairperson Jerome Adonis na kulang ang kasalukuyang sahod para sa mga manggagawa.

“Binaboy n’yo ang batas para makaligtas sa dagdag-sahod na ipinasa ng Regional Wage [Board], kung saan member din naman ang employer doon, ‘di ba? Andoon ang gobyerno, nandoon ang labor, agrabyado nga kami e, nagrereklamo nga kami [dahil] ang baba [ng sahod],” sabi ni Adonis.

Ipinaliwanag naman ng Department of Labor and Employment na hindi ibinawas ang P85 dagdag-sahod sa bagong wage order dahil hindi pa naipatutupad ang Wage Order No. 27.

Samantala, pinuna din ng BIEN ang bagong wage order at nanawagan para sa agarang pagpapatupad ng naunang itinakdang P85 na dagdag-sahod.

Nananatiling nakabinbin sa korte ang implementasyon ng Wage Order No. 27 dahil sa umiiral na injunction. Kapag tuluyang naipatupad, madadagdagan pa ang sahod ng mga manggagawa sa ilalim ng ikalawang tranche ng wage increase sa Enero 2027.