Hubad
Kung paulit-ulit na napapahiya ang mga trans na kabataan sa loob ng paaralan, hindi sapat ang pangakong ligtas itong espasyo.
Isang trans na estudyante ng isang state university ang hinarang ng guwardiya at pinahiya. Ayon sa ulat, pinahubad sa harap ng maraming tao ang bra na kanyang suot. Ang dahilan: bawal daw ang magsuot ng gano’n. Ang isa pang dahilan: lalaki raw siya at dapat magsuot nang naaayon. Napahiya ang kawawang estudyante at naging tampulan pa nga ng panghuhusga online.
Hindi na bago ang mga ganitong pangyayari. Araw-araw sa mga eskuwelahan, pagawaan at maging mga komunidad, ang mga transgender na babae ang nagiging target ng atake ng polisiya at patakaran na patungkol sa gender.
Naalala niyo ba ‘yung nag-viral na litrato ng babaeng trans na ginugupitan ng kaklase sa isang state university dahil sa haircut policy? Palaging pinupulis ang buhok, ang damit, ang gawi at ang kabuuang katawan ng isang babaeng transgender.
Noong kolehiyo ako (huwag niyo nang itanong kung kailan, basta noon pa), pinalabas ako nang maraming beses sa klasrum dahil sa buhok, damit at gawi ko. Kailangan daw akong disiplinahin para maging mabuting mamamayan at estudyante ng unibersidad. Awa na lang, naging mas matigas pa ang ulo ko at mas lalong lumaban.
Ang punto ko lang ay hindi ang mga polisiya sa pamumulis ng kasarian ang magtitiyak na bubuti ang kalagayan at mapupunta sa tamang landas ang isang tao. Hindi damit o buhok ang magtatakda ng pagkatao.
Ang problema sa atin, masyado tayong mapanghusga at mamaru—nagmamarunong. Ang eskuwela na pinagmamalaki nating pangalawang tahanan ay marapat na maging ligtas na espasyo. Dapat walang puwang ang karahasan at diskriminasyon dito.
Kailangan nang baguhin ang mga patakarang nagbibigay-daan sa pamamahiya at panagutin ang mga lumalabag. Karapatan ng bawat estudyanteng makapag-aral nang hindi kailangang isuko ang kanyang dignidad sa pintuan ng unibersidad.
Sa totoo lang, nagdudulot pa ang mga ganitong gawi tulad ng pamamahiya ng maraming pinsala sa mga kabataang transgender.
Sa ulat ng Human Rights Watch sa sitwasyon ng LGBTQ+ sa mga paaralan, ang mga biktima at survivor ng bullying, diskriminasyon at pagsasantabi ay nahihirapang makapag-aral, hindi na lang pumapasok, o lumilipat na siyang nagkakait sa kanila sa karapatan sa edukasyon.
Sinasabi rin ng Psychological Association of the Philippines (PAP) na nagdudulot ito ng matinding sikolohikal na distress, kabilang na ang takot, pagkalungkot, pag-iisa at internalisadong stigma.
Kamakailan, nagsabi ang Commission on Higher Education (CHED) na mag-iimbestiga sila sa pangyayari. Sinuportahan din ng CHED ang paggamit sa lived name at pronoun. Subalit sapat nga ba ito para bigyan ng proteksiyon ang mga transgender na kabataan? 2026 na at sa dami ng mga pagbabago sa kalagayan ng kasarian, napag-iiwanan pa rin ang kababaihang trans, lalo na ang mga kabataan.
Kahingian ng gobyerno ang maayos na gender and development (GAD) plan at taun-taon, ang pagsasagawa ng plano at paglalaan pa ng hindi bababa sa 5% ng badyet ang mga programa para sa GAD.
Kung nangyayari pa rin ang diskriminasyon sa loob ng mga paaralan, lalo na sa mga state universities at colleges at pampublikong paaralan, nakaalarma ito. Nananatiling lip service at compliance lang ang GAD plan at badyet kung hindi naman nababago at napabubuti ang kalagayan ng mga kasarian.
Hindi ito para lahatin ang mga ahensiya ng pamahalaan. Sa kabilang banda, kailangan din paglimian kung ano ang mga programa sa GAD at kung sinusubukan nitong tugunan ang mga praktikal patungong estrahetikong pangangailangang pangkasarian.
Kung paulit-ulit na napapahiya ang mga trans na kabataan sa loob ng paaralan, hindi sapat ang pangakong ligtas itong espasyo.
Kailangan nang baguhin ang mga patakarang nagbibigay-daan sa pamamahiya at panagutin ang mga lumalabag. Karapatan ng bawat estudyanteng makapag-aral nang hindi kailangang isuko ang kanyang dignidad sa pintuan ng unibersidad.