Ano ang bunga ng iyong ubasan?
Ngayong Linggo, inaanyayahan tayong tingnan ang sariling buhay bilang ubasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon – Isaias 5:1–7 | Salmo 79 | Filipos 4: 6–9 | Mateo 21:33–43
Bilang Pilipino, sa totoo lang, hindi pa ako nakakita kung paano tumutubo at lumalago ang mga ubas, at wala rin akong gaanong konsepto kung ano ang isang ubasan. Mas pamilyar sa atin ang mga tanim na makikita sa bakuran o bukid, tulad ng mangga, saging, kamatis o kahit dragon fruit na kailangan ding alagaan bago tuluyang mamunga.
Siguro, kahit hindi tayo eksperto sa ubasan, alam natin ang pakiramdam ng isang taong naglaan ng oras at pagod para sa isang bagay at umaasang makikita rin ang bunga nito.
Isipin natin ang isang taong naghanda ng lupa, pumili ng magandang binhi, nagtanim, nagdilig at nag-alaga sa kanyang tanim sa loob ng mahabang panahon. Habang lumalaki ang mga halaman, umaasa siyang darating ang araw na mamimitas na siya ng magandang bunga.
Kaya kapag dumating ang panahon ng pamumunga at ang kanyang nakita ay hindi ang inaasahan niya, kundi mga bungang walang silbi o hindi maayos, natural lang na malungkot at mabigo. Mas masakit pa kung alam mong ginawa mo naman ang lahat ng iyong makakaya upang maalagaan ito.
Ganito ang larawan na ginagamit ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Inalagaan ng Panginoon ang kanyang ubasan. Pinili niya ang matabang lupa, inalis ang mga bato, nagtanim ng mga piling puno ng ubas, nagtayo ng bantayan at naghukay pa ng pisaan. Ginawa niya ang lahat ng inaasahang gawin ng isang nagmamalasakit na tagapag-alaga.
Nang dumating ang panahon ng pamumunga, may dahilan siyang umasa. Ngunit sa halip na mabuting ubas, ligaw na ubas ang kanyang napitas. Kaya nagtanong ang Panginoon, “Ano pa ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan?”
Mas nagiging mabigat ang tanong na ito kapag naalala natin ang sinasabi ng Salmo. Ang ubasan ay hindi basta isang ordinaryong taniman. Ito ang bayang Israel na inilabas ng Diyos mula sa Egipto, itinanim at inalagaan sa isang bagong lupain.
“Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel,” ang tugon ng bayan. Ang Diyos ang nagligtas, nagpalago at nagpalakas sa kanyang bayan, ngunit nang dumating ang panahon upang mamunga, hindi niya nakita ang kanyang inaasahan. Sa halip na katarungan, nakita niya ang pang-aapi; sa halip na kabutihan, nakita niya ang karahasan.
Dito nagiging mas matindi ang talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo. Muli nating naririnig ang tungkol sa isang ubasan na maingat na inihanda ng may-ari. Ngunit nang dumating ang panahon ng pamimitas, hindi niya natanggap ang kanyang kaparte. Sinaktan at pinatay ng mga kasama sa ubasan ang kanyang mga alipin, at nang ipadala niya ang kanyang anak, siya rin ay pinatay.
Malinaw ang parinig ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan. Sila ang mga taong may pananagutan sa ubasan ng Diyos, ngunit sa halip na maging mabubuting katiwala, inangkin nila ang ubasan na para bang ito ay kanila.
Kung tutuusin, hindi naman tayo ganoon kalayo sa ganitong karanasan. Minsan, may mga bagay na ipinagkatiwala sa atin na unti-unti nating inaangkin. Ang pamilya, trabaho, ministry, posisyon, talento, oras, maging ang pananampalataya.
Dahil matagal na natin itong inaalagaan, madaling isipin na parang karapatan na natin itong kontrolin. Ngunit ipinapaalala ng Ebanghelyo na ang lahat ng ito ay ipinagkatiwala lang sa atin. Kaya ang mahalagang tanong ay hindi lang kung gaano karami ang ating ginawa, kundi kung ano ang naging bunga nito.
Maaaring abala tayo sa Simbahan, maraming ministry, maraming dasal, maraming religious posts at marami tayong alam tungkol sa Diyos. Ngunit ano ang bunga nito sa paraan ng pakikitungo natin sa kapwa? May higit bang kabutihan, katarungan, malasakit at kapayapaan?
Dito nagiging mahalaga ang Ikalawang Pagbasa. Sinasabi ni San Pablo na dapat manatili sa ating isip ang mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig at kagalang-galang. Ngunit hindi nagtatapos sa pag-iisip ang kanyang paanyaya. “Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita.”
May mahalagang hamon dito: isagawa. Sapagkat ang pananampalataya ay hindi lang tungkol sa kung ano ang alam natin tungkol sa Diyos. May bunga itong dapat makita sa paraan ng ating pamumuhay.
Maaaring sa pamilya natin ito magsimula, sa paraan ng pagsasalita natin sa mga kasama sa bahay, sa katapatan natin kahit walang nakakakita, sa paggamit natin ng ating posisyon o sa pagtrato natin sa mga taong wala namang maibibigay sa atin.
Siguro, kailangan din nating aminin na may mga bahagi ng buhay natin na parang ligaw na ubas. Pinangarap nating maging mabuti, pero nauuwi sa pagiging mapagmataas. Gusto nating maglingkod, pero naghahanap tayo ng pagkilala. Gusto nating maging maka-Diyos, pero nagiging mapanghusga naman sa kapwa. Gayunman, hindi nagtatapos sa kabiguan ang kuwento ng ubasan.
Sa Salmo, ang bayan ay nananalangin, “Ika’y manumbalik, O Diyos na Dakila!” May pag-asa pa ring muling mamunga ang ubasan.
Kaya ngayong Linggo, inaanyayahan tayong tingnan ang sariling buhay bilang ubasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Sa bawat araw, may pagkakataon tayong alagaan ito upang unti-unting mamunga ng kabutihan: sa isang pagpapatawad, isang tapat na pag-amin, isang pagkakataong ibinibigay sa kapwa o isang kabutihang ginagawa kahit walang makakapansin.
Sapagkat sa huli, ang ubasan ay hindi atin. Tayo ang mga katiwala nito, at ang hinihintay ng Diyos ay hindi lamang maraming dahon at magagandang sanga, kundi isang buhay na tunay na namumunga ng katarungan, pag-ibig, at kapayapaan.