Sana—mula Anonas patungong Marikina
Biglang hindi lang iyak at lungkot ang aking naramdaman—nagalit ako. Nagagalit ako.
Salpak ng headphones sa tenga. Isang malalim na buntong hininga.
Pigilan mong tumulo ang mga luha sa’yong mga mata—ito ang mga paulit-ulit kong sinasabi sa’king sarili kasabay pa ng iba pang tumatakbo sa aking isipan.
“Sana may dumaan nang dyip pa-Marikina dahil kinse pesos na lang ang laman ng wallet ko.”
Sabay tingin sa’king relo.
“Sana makasakay na ako’t makauwi dahil may deadline pa akong artikulo mamayang alas-diyes ng gabi.”
Biglang may tumawag at agad ko itong sinagot—si daddy. Nasaan na raw ako dahil nagpapasundo ako kanina pa sa kaniya buhat ng higit trenta minutos ko nang paghihintay ng masasakyan.
Sabi ko, “Nasa Anonas pa rin po naghihintay.”
Mag-book na lang daw ako at siya na ang magbabayad dahil pagod na rin siya sa buong araw na pagmamaneho bilang isang drayber.
“Kanina ko pa rin po sinusubukan ang mag-book pati ang maghintay ng dyip pasakay pero wala po talaga,” sagot ko naman.
“Bakit wala kang masakyan e wala namang strike?”
Hugot nang malalim na hininga at habang nanginginig ang boses dahil pakiramdam ko nagsusumbong ako kung paano higit trenta minutos na akong naghihintay ng masasakyan pero wala pa rin. ”Hindi ko po alam basta kanina pa po ako naghihintay,” sambit ko.
“Sige, hintayin mo ako,” saad ng aking tatay sabay baba ng tawag.
Sa loob ng 21 taon ko sa mundong ito ay isa pa rin ito sa mga tanong na palagi kong iniisip—mas madalas ko pa ata itong iniisip kaysa sa kung anong kakainin ko para sa araw na ito.
Pagkababa niya ng tawag at nang marinig kong susunduin niya ako kahit pagod na siya ay mas lalo kong gusto umiyak kahit nasa isang pampublikong lugar ako dahil madaming pumapasok sa aking isipan—na pagod na pagod na ako dahil kagagaling ko lang sa aming OJT, wala akong masakyan at wala akong ibang choice kung hindi ang humingi ng tulong sa aking tatay kahit na siya sa sarili niya ay pagod na.
Lalo pa akong naiiyak kapag naiisip kong nasasayang na naman ang oras ko sa paghihintay ng sasakyan na hindi dumarating. Kung may dumarating man, punong-puno na parang lata at ang mga pasahero nito ay mga sardinas na nagkukumpulan sa dami at sa sikip ng pampasaherong dyip.
Biglang hindi lang iyak at lungkot ang aking naramdaman—nagalit ako. Nagagalit ako.
Sa loob ng 21 taon ko sa mundong ito ay isa pa rin ito sa mga tanong na palagi kong iniisip—mas madalas ko pa ata itong iniisip kaysa sa kung anong kakainin ko para sa araw na ito.
Ang pagkokomyut bilang isang ordinaryong Pilipino sa bansang ito’y parang isang kurakot sa flood control project dahil marami itong nananakaw sa atin.
‘Yong oras na ginugugol natin sa paghihintay ng masasakyan at ‘yong oras mismo na iginugugol natin sa biyahe ay sana sa mas makabuluhang bagay natin ito nailalaan—sana mas nakakapagpahinga pa tayo sa ating mga kanya-kanyang tahanan, mas marami pa sanang gawain pang-akademiko man o gawaing bahay ang ating nagagawa, at sana mas nakapaglalaan tayo ng oras sa ating mga pamilya.
Pero hindi.
Hindi ito pinahihintulutan at ipinagkakait ito sa atin ng pagkokomyut—ng ating umaalingasaw sa pagkabulok na transportation system sa ating bansa.
Kung sana’y dito na lang inilaan ng mga masasahol at demonyong kurakot sa gobyerno na ginagawang negosyo ang kanilang mga posisyon at kapangyarihan ay sana hindi tayo naghihirap at napapagod kada nagkokomyut.
Ayaw man natin magdusa ng ganito, wala tayong magagawa dahil wala naman tayong kotse dahil hindi naman tayo mayaman kaya kailangan nating magtitiis nang magtitiis kahit nakakasuka na sa hirap ang dinadanas natin sa ating transport system.
“Sana magbunga na rin ang paglaban nating masa para sa ating mga karapatan,” isa pa ito sa mga tumatakbo sa aking isipan habang nasa motor kami kanina pauwi.
Mula noon hanggang ngayon ay patuloy ang pakikibaka ng masa sa kanilang mga karapatan na dapat ipinagkakaloob ng estado sa kanila—sa atin. Habang tumatagal ang panahon ay lalo lang lumalala ang hirap na dinadanas natin sa iba’t ibang aspekto ng ating buhay bilang isang Pilipino—at patuloy pa rin tayong lumalaban.
Sana dumating ang panahon kung saan hindi na umaabot ng ilang oras ang paghihintay natin makasakay at makauwi lang. Sana dumating din ang panahon kung saan hindi nasasayang lang ang ating mga oras at lakas. Sana mabigyan ng maayos na tulong ang ating mga tsuper at mga daanan—sana umayos na ang ating transportation system.
“Sana makamtan din natin ang pagbabagong ipinaglalaban natin,” bulong at dasal ko sa hangin.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.