Mamamahayag, lider-kabataan sa Palawan, hinaras


Pinagbantaan umano sina Marky Casaquite at Brent Sumague ng dalawang sundalo na “hahanap at hahanap kami ng butas sa inyo” at “uubusin namin kayo.”

Hinaras at tiniktikan ng pinagsamang pwersa ng Armed Forces of the Philippines Western Command (AFP WesCom), Philippine Navy at Philippine National Police (PNP) sina Marky Casaquite ng Southern Tagalog Exposure (STeX) at Brent Sumague mula sa League of Filipino Students Southern Tagalog nitong Okt. 10 sa isla ng Balacbac, Palawan.

Ayon sa STeX, bumisita sina Casaquite at Sumague sa lugar upang imbestigahan ang umano’y pangangamkam sa lupang ninuno ng katutubong Molbog sa Barangay Catagupan alinusnod sa pagtatayo ng Enhanced Defense Cooperation Agreement site at upang tutukan ang epekto ng El Niño sa lugar.

Nagdaos lang umano ng focus group discussion ang dalawa noong umaga ng Okt. 8 kasama ang mga katutubo nang bigla silang puntahan ng 15 na armadong sundalo at pulis na halong unipormado at hindi unipormado upang patigilin ang nangyayaring aktibidad.

Pinagbantaan din umano sina Casaquite at Sumague ng dalawang sundalo ng AFP WesCom na “hahanap at hahanap kami ng butas sa inyo” at “uubusin namin kayo.”

Dagdag pa ng dalawa, tinakot din umano sila ng isang isang nagngangalang Xyron Aliño at binanggit na kahit saan pa raw umano magtungo ang dalawa ay alam ng militar ang gagawin sa kanilang mga buhay.

Kinonenda naman ng Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (Balatik) ang panghaharas sa dalawang indibidwal. Kabilang raw ito sa humahabang listahan ng kasalanan ng mga awtoridad sa mamamayan.

Sabi ng Balatik, “Paglabag sa karapatang pantao ang ginawa ng AFP Western Command at PNP Balabac upang pigilan ang anumang hakbangin upang makapagrehistro ng pagtutol ang mga katutubo na inaagawan ng lupa at nakakaranas ng matinding pagka-antala sa kanilang kabuhayan.”

Nananawagan ngayon ang Balatik na patigilin ang mga nangyayaring harassment ng ng militar at pulisya at panagutin ang mga mga sangkot sa pananakot kina Casaquite at Sumague.