ICC: Digong, may kakayahang humarap sa paglilitis


Ibinatay ng korte ang desisyon nito sa pagsusuri ng mga independiyenteng eksperto at mga isinumite ng mga partido at mga partisipanteng may kinalaman sa mga usapin ng kaso.

Sinabi ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III na nasa wastong kalusugan si dating Pangulong Rodrigo Duterte para humarap sa paglilitis sa tatlong kaso ng crimes against humanity sa desisyon nito na may petsang Set. 28, 2026 na isinapubliko nitong Okt. 8, 2026.

Ibinatay ng korte ang desisyon nito sa pagsusuri ng mga independiyenteng eksperto at mga isinumite ng mga partido at mga partisipanteng may kinalaman sa mga usapin ng kaso.

Nagkakaisa ang mga eksperto na may kakayahan si Duterte na maunawaan ang mga paratang; maunawaan ang layunin at mga kahihinatnan ng paglilitis; sundan ang takbo ng paglilitis, kabilang ang uri at mga implikasyon ng paghahain ng isang plea; maunawaan ang ebidensiya; at magtagubilin sa mga abogado sa paghahanda at pagsasagawa ng kanyang depensa.

Dagdag pa anila na bumuti pa ang kalusugan ng akusado habang nasa ICC Detention Centre sa The Hague, Netherlands.

Patuloy din ang pagsisinop ng prosekusyon sa kanilang mga ebidensiya at dokumento sa mga sakdal kay Duterte. Tinanggihan ni Presiding Judge Joanna Korner ang hiling ng depensa na magbukas ang prosekusyon ng bagong case file at limitahan sa 10,000 ang bilang ng ebidensiya.

Iminungkahi ng prosekusyon na babawasan nito ang mahigit 62,000 na piraso ng ebidensiya tungong 42,000, na may 6,863 na susing ebidensiya. Tinanggal din ng prosekusyon ang nasa 253 na ebidensiya sa kanilang listahan bilang bahagi ng pagsisinop. Tiniyak naman na bahagi ito ng proseso at hindi makaaapekto para patunayang responsable ang akusado.

Hiniling din ng prosekusyon ang pagdadagdag ng mga testimonya ng tatlo pang saksi, habang nagmungkahi naman ang depensa na gawin ang paglilitis batay sa mga evidence block.

Nitong Okt. 13 naman, isinagawa ang ikaapat na status conference ng Trial Chamber III, kung saan muling pisikal na dumalo si Duterte, para paghandaan ang pagsisimula ng paglilitis sa Nobyembre.

Sa nasabing kumperensiya, pinag-usapan ng mga huwes ang iskedyul, mga opening statement, unang evidentiary block, listahan ng mga saksi, mga protective measure at iba pang usapin.

Magbubukas ang paglilitis sa Nob. 30 hanggang Dis. 4. Magsisimula naman ang unang evidentiary block sa Disyembre. 

Magbibigay ang korte ng mga karagdagang praktikal na impormasyon sa publiko habang papalapit ang pagsisimula ng paglilitis kabilang sa kung paano makakadalo at mapapanood ang paglilitis.