Suspensiyon ng 4 na aktibista sa UST, tinuligsa
Kinondena ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co ang ipinataw na parusang suspensiyon at pagbinbin sa pagbibigay ng Certificate of Good Moral Character ng University of Santo Tomas sa apat na aktibistang estudyante matapos ang kanilang pagkompronta sa Philippine Air Force sa isang eksibit sa pamantasan.
Kinondena ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co ang ipinataw na parusang suspensiyon at pagbinbin sa pagbibigay ng Certificate of Good Moral Character ng University of Santo Tomas (UST) sa apat na aktibistang estudyante matapos ang kanilang pagkompronta sa Philippine Air Force (PAF) sa isang eksibit sa pamantasan.
Kinuwestiyon nina Raven Racelis, Ray Manuel, Macaella Capalar at Dex Frogoso ang presensiya ng PAF sa loob ng UST noong Abril 21, dalawang araw matapos ang masaker ng 19 na indibidwal sa Toboso, Negros Occidental
Pinuna ni Co ang aniya’y paggamit ng administrasyon ng UST sa insidente para parusahan ang apat na estudyanteng nagpahayag ng pagtutol sa karahasan ng mga puwersa ng estado laban sa mamamayan.
“Hindi dapat ginagamit ang discipline offices at military propaganda para patahimikin ang mga estudyanteng nagtatanong lang tungkol sa at gustong matigil ang pang-aabuso ng estado,” sabi ng mambabatas.
Ayon kay Co, makikita sa aksiyon ng UST ang padron ng panunupil ng estado sa mga paaralan at komunidad, lalo na sa mga katutubong mamamayan na biktima ng pambobomba at pamamaril mula sa himpapawid ng PAF.
Sa ulat ng The Varsitarian noong Okt. 5, naglabas ng mga resolusyon ang Office of Student Affairs bilang tugon sa dalawang reklamong mula sa PAF at isang alumnus hinggil sa insidente. Ayon sa mga resolusyon, nilabag umano ng apat na mag-aaral ang Code of Conduct dahil sa kabiguang panghawakan ang mga prinsipyo at mithiin ng UST.
Tinanggal din ng administrasyon ng UST si Capalar bilang public relations officer ng UST Central Student Council.
Nitong Okt. 14, pormal na naghain ng apela ang apat sa Office of the Rector upang baliktarin ang mga parusa, ipawalang-sala sila at linisin ang kanilang disciplinary record.
Nagpadala rin ng bukas na liham ang UST Central Student Council kay Papa Leon XIV hinggil sa nangyayari sa pamantasan. Bilang isang pontipikal na unibersidad, ang Santo Papa ng Simbahang Katolika ang may pinakamataas na awtoridad sa UST.
Sa liham na may petsang Okt. 9, hiniling ng konseho na tingnan ng Santo Papa ang kalagayan ng kapakanan ng mga estudyante, pampolitikang pagpapahayag at pagtrato sa pagpapahayag ng pagtutol sa unibersidad.
Naghain naman ang Kabataan Partylist, kasama ang Makabayan bloc, ng panukalang Academic Freedom Bill nitong Okt. 12 para ipagbawal ang arbitraryong suspensiyon, kooptasyon ng mga grupo ng estudyante at digital surveillance ng mga aktibista.
Binatay ang panukalang batas sa 2024 United Nations Draft Principles for Implementing the Right to Academic Freedom at 2026 Special Rapporteur Report on Youth Activism.
Tinawag naman ng bantay-karapatang pantao na Karapatan ang pamamarusa ng UST bilang paglabag sa karapatan ng mga estudyante na magprotesta at malayang pagpapahayag.
“Lubhang nakaaalarma ang panghihimasok ng militar sa mga kampus para sikilin ang akademikong kalayaan at karapatan ng mga estudyante sa malayang pagpapahayag at pagpoprotesta,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Nagpahayag din si Palabay ng pakiisa sa mga mag-aaral ng UST sa kanilang pakikibaka laban sa panunupil na dagdag sa lumalaking bilang ng mga pagtatangka ng estado na hadlangan ang mamamayan na magprotesta.