Fr. Pops Tentorio, misyonerong martir, tagapagtanggol ng Lumad
Pinaslang si Fr. Pops Tentorio noong umaga ng Okt. 17, 2011 sa labas ng kumbento ng Our Mother of Perpetual Help Parish sa Arakan, North Cotabato.
Si Fr. Fausto “Pops” Tentorio ay isang Italyanong misyonero ng Pontifical Institute for Foreign Missions na mahigit tatlong dekadang naglingkod sa mga komunidad ng maralitang magsasaka at katutubo sa Mindanao mula 1978 hanggang 2011. Pinamunuan niya bilang coordinator ang Tribal Filipino Program ng Roman Catholic Diocese of Kidapawan at nagsilbi bilang board member ng Rural Missionaries of the Philippines.
Ngunit 15 taon na ang nakalilipas, pinaslang siya noong umaga ng Okt. 17, 2011 sa labas ng kumbento ng Our Mother of Perpetual Help Parish sa Arakan, North Cotabato dahil sa pagiging kakampi ng mga Lumad at magsasaka laban sa pagmimina at pagtatayo ng mga hydropower dam. Binaril siya nang malapitan ng isang gunman na tumakas gamit ang isang motorsiklo. Siya ang ikatlong banyagang misyonero na pinaslang sa Pilipinas mula 1985.
Sa pagdating ni Fr. Pops sa bansa, una siyang nadestino sa Zamboanga City nang dalawang taon. Noong 1980, inilipat siya sa Diocese of Kidapawan at doon naglingkod sa mga Lumad, Kristiyano at Muslim na settler. Noong 1985, ipinadala siya sa Arakan, isang bayang mayaman sa ginto at iba pang mineral.
Sa Arakan, ipinagtanggol niya ang karapatan sa lupang ninuno ng mga Lumad mula sa panghihimasok ng malalaking kompanyang mina tulad ng Xstrata at Sagittarius Mines. Dahil sa kanyang gawain, nakatanggap siya ng mga banta at pananakot mula sa grupong paramiitar na Bagani.
Naging puntirya siya ng manhunt operation ng nasabing grupong paramilitar at 73rd Infantry Battalion ng Philippine Army laban umano sa New People’s Army noong 2003. Noong 2007 naman, nireyd ng 57th Infantry Battalion ng Philippine Army ang compound ng simbahan habang may isinasagawang dental mission. Tinamnan ng mga sundalo ng mga armas ang opisina ni Fr. Pops.
Lubos na minahal si Fr. Pops ng mga komunidad ng mga Lumad, Kristiyano at Muslim na kanyang pinagsilbihan sa Mindanao. Siya ang ika-54 na biktima ng extrajudicial killing noong rehimen ni Benigno Aquino III.
Nananatili ang alaala ni Fr. Pops sa mga organisasyon at komunidad na kanyang nakasama sa pagtatanggol ng mga karapatan ng mga katutubo, magsasaka at kalikasan. Itinayo ng kapwa Italyanong misyonerong si Fr. Peter Geremia ang Fr. Pops Tentorio Foundation para magbigay ng scholarship sa mga batang Lumad at mga anak ng magsasaka.
Patuloy din ang panawagan ng katarungan ng mga taong simbahan at tanggol-karapatan sa walang habas na pagpatay sa kanya.