Paglaban at pagkakaisa ng katutubong Aeta 


Sa Zambales, nilalabanan ng mga katutubo ang nakaambang pagpapalayas sa kanila dahil sa pagpapalawak ng proyektong solar power ng Aboitiz.

Nilagdaan ng AP Renewable Energy, kompanya sa ilalim ng Aboitiz Renewables Inc., ang isang kasunduan para umutang ng mahigit P7.4 bilyon sa Bank of the Philippine Islands. Gagamitin ito para pondohan ang pagtatayo sa 221 megawatt peak na Olongapo Solar Power Project Phase 2 sa Zambales.

Itinayo ang Phase 1 ng proyekto malayo sa sagradong mga daan at aktibong mga espasyo sa gubat na tinitirhan ng mga katutubong komunidad ng Zambales na siyang nakatulong upang suportahan ito sa simula ng mga lider-katutubo. Gayunpaman, nagsimulang lumaki ang pagtutol dito nang mapag-alaman ng mga residente ang plano ng kompanya na palawakin pa ang proyekto.

Nakiisa ang mga katutubong Aeta sa community dance ng iba’t ibang mga pangkat ng katutubo ng Pampanga at Zambales. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Kuwento ng isang tribal chieftain sa Pinoy Weekly, walang konsultasyon sa kanilang mga komunidad na palalawakin pa ang proyekto at hindi rin ipinaalam sa mga residente na mayroon na palang resolusyon sa pagitan ng mayor at ng Department of Environment and Natural Resources na nagtatakda ng pagtatayo nito.

Sa isinagawang environmental investigative mission ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, iniulat nila ang mga pangamba ng mga apektadong residente sa unang bahagi pa lang ng pagtatayo ng proyekto, kabilang ang epekto nito sa kalikasan, huwad na mga pangako, kaduda-dudang pamamaraan ng pagkuha ng permit at paglabag sa mga karapatang pantao ng mga katutubo.

Binubuksan ng isang pamilyang Aeta ang pinto ng isang jeepney matapos nila makarating sa paggaganapan ng Aeta Day 2026. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Nakaranas din ng panlilinlang ang mga Aeta upang pilitin silang umalis sa kanilang lupang ninuno dahil hindi kasama ang malawak na nasasakupan ng komunidad sa mga konsultasyon.

Ayon sa mga residente, ipinaliwanag ang proyekto bilang isang inisyatibang pangkaunlaran ng hindi binabagtas ang magiging epekto nito sa kalikasan at sa mga katutubong naninirahan sa lupaing ng pagtatayuan nito.

Nagtanghal ang mga katutubong Aeta ng isang simbolikong sayaw na inilalarawan ang  ligawan ng dalawang katutubo. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Labis din ang epekto nito sa kabuhayan nila. Napilitan ang mga magsasaka na tahakin ang mas mahabang ruta papuntang bayan upang makapagbenta ng kanilang ani sa merkado kung saan binabarat pa sila.

Nakatirik ang mga solar panel sa lupang ninuno ng mga komunidad ng Aeta Amianan at Aeta Ambala. Dagdag din na may masidhing epekto ang proyekto sa Mt. Balimpuyo na inilarawan bilang isang susing bahagi ng saribuhay sa Olongapo City at sa Sta. Rita River na pinagkukunan ng tubig.

Binasa ng mga nakakatandang Aeta ang isang polyeto na tinatalakay ang pinsala ng mga renewable energy projects. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Labis din ang pandarahas sa mga magsasaka ng Mt. Balimpuyo na sapilitang pinaalis ng mga tauhan ng korporasyon. Sa isang bidyo na ibinahagi ng mga residente at katutubo na naninirahan sa Mt. Balimpuyo, kita kung paano sinira ang mga taniman ng mga magsasaka at pinagbantaan ang mga saksi sa nangyari.

“Tinatanggalan nila kami ng karapatan, tinatanggalan kami ng bahay. Sino ba ang mas may karapatan? Kami ba na nagpalago ng bundok? Kami na nag-alaga ng watershed?,” sabi ni Marilou Dabon, residente ng Sta. Rita.

Itinanghal ng mga Aeta chieftain ang simbolikong sayaw ng pagkakaisa sa pakikibaka para sa lupang ninuno. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“Pero wala [raw] kaming karapatan kasi lupa ng gobyerno ‘yan. Anong klaseng gobyerno ang meron? Sila na nakakarating lang ang mas may karapatan na sirain ang bundok, putulin ang puno na dekada na naming alaga,” himutok niya.

Nagtanghal ang mga katutubong Aeta ng isang simbolikong sayaw gamit ang mga patpat na inilalarawan ang isang pagsasanay. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Upang pagkaisahin ang pagtutol ng mga katutubong komunidad at mga apektadong residente, ipinagdiwang noong Ago. 9 ang pinakaunang Aeta Day na may tema ng “Ka allwan nin pamilalamu ni aw Ka Aetahan” (Araw ng Pagkakaisa ng mga Ka Aetahan). Isinabay ito sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Katutubong Mamamayan ng Daigdig.

Dala-dalang isang Aeta ang kaldero ng kanin na pinagsaluhan ng mga katutubo. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Nagpulong sa Barangay Rabanes sa San Marcelino, Zambales ang mahigit 600 mga Aeta mula sa 10 komunidad na naninirahan sa Pampanga at Zambales. Pinangunahan ang pagdiriwang ng Mansaway, isang lokal na organisasyon ng mga Aeta, kasama ang Pamilalamu-Church, Aeta Partnership in Central Luon, at ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.

Taos kamao at sabay-sabay na winika ng mga delegado at katutubo ang kanilang paninindigan na depensahan ang kalikasan at lupang ninuno. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Iginiit ni Mansaway coordinator Rica Torres na lumalaki lamang ang pinakamalawak na banta ng renewable energy project sa kanilang mga lupang ninuno, kaya at nararapat lang na depensahan nila ang kanilang lupa, kabuhayan at karapatang pantao. 

“Ang pagkakaisa at mariing pagtutol ng mga Aeta sa mga mapanirang proyekto ay inspirasyon sa buong sambayanang Pilipino na patuloy na lumaban, manindigan, at palakasin ang sama-samang paggiit ng ating mga karapatan,” sabi naman ni Katribu secretary general Funa-ay Claver.

Sama-sama ang mga delegado at katutubo na nanindigan para sa kalikasan at lupang ninuno. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Nagpamalas ng kani-kanilang mga simbolikong pagtatanghal ang bawat komunidad ng mga Aeta bilang pagpapakita ng pagkakaisa. Nagtapos ang pagdiriwang sa pagpapahayag ng pagkakaisa ng mga Mansaway, Pamilalamu at ibang mga delegado para sa patuloy na paninindigan upang tutulan ang mga mapanirang proyekto, kagaya ng mga dambuhalang minahan at ang banta ng Pax Silica.