Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Teacher ko ‘yan!

Si Hesus ang ating Guro sapagkat tinuturuan Niya tayong mamuhay sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at halimbawa.

Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon – Exodo 22:20-26  | Salmo 17:2-3a | 1 Tesalonica 1:5k-10 | Mateo 22:34-40 

Noong nakaraang Okt. 5, ipinagdiwang natin ang World Teachers’ Day. Tiyak na marami sa atin ang napabalik-tanaw sa mga gurong naging bahagi ng ating buhay. May gurong naaalala dahil sa mahihirap na pagsusulit at biglaang recitation; mayroon ding hindi natin malilimutan dahil sa isang payong ibinigay nila o dahil sila ang unang naniwala sa ating kakayahan. 

Kahit matagal na tayong nakapagtapos, may mga aral na dala-dala pa rin natin. Ganoon kalaki ang imptluwensiya ng isang mabuting guro: may nababago siya sa paraan ng ating pag-iisip at pamumuhay.

Naalala ko ito dahil ngayon ay ipinagdiriwang ng Pauline Family sa buong mundo ang Dakilang Kapistahan ni Hesus, ang Dakilang Guro, ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Kapag naririnig natin ang salitang master, maaari nating maisip ang isang amo na nag-uutos at ang alipin na walang magawa kundi sumunod. Ngunit ang salitang “master,” mula sa Latin na “magister,” ay nangangahulugang guro. 

Si Hesus ang ating Guro sapagkat tinuturuan Niya tayong mamuhay sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at halimbawa. Sa paghuhugas ng paa ng mga alagad, ipinakita Niyang ang kapangyarihan ay maaari ring maging paglilingkod. Ano naman ang pinakamahalagang aral na nais Niyang ituro sa atin?

Sa Ebanghelyo, tinanong si Hesus ng isang dalubhasa sa Kautusan kung alin ang pinakamahalagang utos. Bilang sagot, binanggit Niya ang pag-ibig sa Diyos nang buong puso, kaluluwa at pag-iisip, at ang pag-ibig sa kapwa gaya ng sarili.

Pagkatapos ay sinabi Niya, “Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.” Kapansin-pansin ang salitang “nakasalalay.” Ipinakikita nitong ang pag-ibig ang susi sa pag-unawa at pagsasabuhay ng Kautusan. Hindi maaaring ihiwalay ang ating sinasabing pag-ibig sa Diyos sa paraan ng pakikitungo natin sa kapwa.

Sa Unang Pagbasa, nagbigay ang Diyos ng mga kongkretong halimbawa. Huwag apihin ang dayuhan, ang balo at ang ulila. Huwag pagkakitaan ang pangangailangan ng mahirap na nangungutang. Kung kinuha bilang sangla ang balabal ng isang tao, ibalik ito bago lumubog ang araw, sapagkat iyon lang ang kanyang pananggalang sa lamig. 

Sa ganitong mga tagubilin, nakikita nating ang pag-ibig sa kapwa ay may kinalaman sa dignidad, katarungan at mga pangunahing pangangailangan. Pinaalalahanan din ang Israel na minsan silang naging dayuhan sa Egipto. Ang alaala ng sarili nilang paghihirap ay dapat magturo sa kanilang huwag iparanas iyon sa iba.

Ito rin ang Diyos na inaawitan natin sa salmo, “Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.” Siya ang muog, kalasag at tagapagligtas ng mga tumatawag sa Kanya. Nakaaantig na ang Diyos na ating tinatawag na kanlungan ay Siya ring nagsasabing pakikinggan Niya ang daing ng mga inaapi. Kung sa Kanya tayo humahanap ng pagtatanggol, paano natin maipagkakait sa iba ang pagdamay at katarungan?

Sa Ikalawang Pagbasa naman, pinuri ni San Pablo ang mga taga-Tesalonica dahil tinalikuran nila ang mga diyos-diyosan upang maglingkod sa buhay at tunay na Diyos. Sa kabila ng kanilang paghihirap, naging huwaran sila ng pananampalataya. Ang Mabuting Balita ay nakilala sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay. 

Maging si Pablo ay nagpapaalala na nakita nila kung paano siya namuhay sa piling nila. Tulad ng mabuting guro, may mga aral na naipapasa sa pamamagitan ng halimbawa.

Ngunit mayroon pa rin tayong mga diyos-diyosang maaaring kinikilala bilang master ng ating buhay. Maaaring pera ang nasusunod kapag pinagsasamantalahan ang nangangailangan. Maaaring kapangyarihan ang namamayani kapag hindi pinapansin ang hinaing ng mahihina. Maaaring sariling kaginhawahan ang inuuna kapag ang kapakanan ng kapwa ay nagiging abala lamang. 

Kahit nakapagsisimba tayo at kabisado ang mga panalangin, kailangang suriin kung sino talaga ang humuhubog sa ating mga pasya. Ang ating pinapahalagahan ay nahahayag sa mga taong pinipili nating pakinggan, tulungan o balewalain.

Sa Dakilang Kapistahan ni Hesus, ang Dakilang Guro, magandang balikan kung ano ang natututuhan natin mula sa Kanya. Nais nating sundan Siya bilang Daan, kilalanin Siya bilang Katotohanan at tanggapin Siya bilang Buhay. Ngunit may saysay lang ang pagkilalang ito kung hinahayaan nating baguhin ng Kanyang aral ang ating pakikitungo sa iba. 

Madaling isaulo ang dalawang pinakamahalagang utos, mas mahirap isabuhay ang mga ito kapag may kailangang isakripisyo. Tulad ng mga gurong hindi natin malilimutan, nasusukat ang lalim ng kanilang pagtuturo sa mga aral na patuloy nating dinadala. Kung si Hesus ang ating Guro, nawa makita sa ating buhay ang aral na sentro ng lahat ng Kanyang itinuro: ibigin ang Diyos at ang kapwa.