Save Public Markets Network, kasado laban sa pribatisasyon


Idinadaing ng mga manininda na sisirain ng pribatisasyon ang kanilang kabuhayan.

Itinatag ng mga manininda at consumer advocate, kasama ang Gabriela Women’s Party, Defend Jobs Philippines, Center for Women’s Resources at Kadamay ang Save Public Markets Network nitong Okt. 17 bilang tugon sa lumalalang pribatisasyon ng mga palengke sa buong bansa.

“Layunin [ng network] na pagkaisahin ang mga stakeholders sa markets, mapag-usapan at mapagtulungan ang iba’t ibang suliranin sa mga pamilihan, at magkaroon ng independence at initiative ang mga public markets natin,” sabi ni Gabriela Women’s Party national president Arlene Brosas. 

Idinadaing ng mga manininda na sisirain ng pribatisasyon ang kanilang kabuhayan dahil nagdudulot ito ng pagtaas sa presyo ng upa sa mga puwesto sa pamilihan at kung mas lumala pa ay magpapaalis sa kanilang maliliit na manininda. 

Binuo ang network kasunod ng dalawang araw na pagpupulong sa isang summit kung saan nagbahagian ang mga manininda ng mga karanasan sa kani-kanilang mga palengke.

Inihayag din ng mga manininda ang kanilang iba pang mga problema tulad ng tumataas na bayarin sa business permit, hindi maayos na mga pasilidad at kawalan ng suporta mula sa gobyerno, lokal man o pambansa. 

Dinaluhan ang naturang summit ng mga representante ng 13 na mga palengke sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas tulad ng Baguio, Iloilo at Maynila. 

Para sa mga bahagi ng network, gagawin nilang tuntungan ang kanilang mga nakalap na impormasyon sa karanasan ng bawat isa para palakasin pa ang kampanya kontra pribatisasyon sa mga pamilihang bayan sa bansa.