Nasaan sina Frenchie, RJ at Jacob tuwing preskon?
Higit ang pangangailangan din na matutuhan ng mga mag-aaral na patuloy ang ppanunupil na nararanasan ng mga katulad nila labas sa kompetisyon.
Kasagsagan na ulit ng pagdaraos ng Division Schools Press Conference (DSPC) sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa panahong ito, buhay na buhay ang diwa ng pamamahayag pangkampus sa mga paaralan. Sa kabila nito, malinaw na nakakulong pa rin ang mga preskon na ito bilang “contest” journalism.
Ito ang unang taon ko bilang guro sa isang pribadong paaralan. Bilang bagong gradweyt at bitbit ang halos isang dekadang karanasan bilang mamamahayag pangkampus, iniatas sa akin ang pagiging moderator ng isang publikasyong pangmag-aaral dito sa Maynila.
Sa katatapos lang na DSPC, full-circle moment sa akin na bumalik sa entablado ng preskon hindi bilang isang mamamahayag pangkampus, ngunit bilang isa nang tagapayo at tagapagsanay. Sa kabila nito, hamon sa akin kung paano ko ilalabas ang aking mga mag-aaral sa ideya na hindi natatapos sa preskon ang kanilang papel bilang mga mamamahayag.
Malaki ang papel na ginampanan ng The Torch, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng Philippine Normal University, sa kung paano ko nakikita ang kahalagahan ng pamamahayag lampas sa aking kinasanayang mga patimpalak noong hayskul.
Natutuhan kong manindigan sa gitna ng mga panggigipit at pananakot mismo sa akin bilang isang mamamahayag at sa aming publikasyon. Naranasan kong sumama sa mga protesta sa gitna man ng init o ulan at kahit harangan pa ng mga barikada ng pulisya. At makipamuhay sa tabing-dagat kasama ang mga mangingisda sa Aurora pagkatapos manalasa ang mga bagyong Tino at Uwan.
Malayong-malayo ang mga karanasang ito sa isang oras na ibinibigay upang makapagsulat ng balita, editoryal o lathalain. Hindi nito nasasakop ang tatlong oras na ibinigay para sa isang limang minutong produksiyong radyo o telebisyon.
Kaya ngayong bumalik ako sa preskon, nais kong matutuhan ng aking mga mag-aaral na hindi natatapos sa isang buong araw na patimpalak ang kanilang tungkulin bilang mga mamamahayag pangkampus.
Hamon para sa kanila na alamin ang tunay na kalagayan ng lipunan na pinagmumulan ng mga paksang kanilang isinusulat.
Dapat na tumatagos ito sa mga mag-aaral na mas matapang na magsulat at manindigan. Hindi upang pagpugayan lang ang mga mabubuting nangyayari sa kanilang mga paaralan. Hindi upang ulitin lang ang mga balitang naiulat na.
Marapat na makita nila ang papel ng kanilang mga panulat upang mas lalong umalingawngaw ang mga panawagan at matapang na kuwestiyunin ang sistemang patuloy na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.
Ngunit bukod sa mga mamamahayag pangkampus, mas kritikal ang papel ng mga nag-oorganisa ng mga programang ito, lalo na ang Department of Education (DepEd).
Sa taong ito, nakabatay sa pangkalahatang tema para sa mga preskon sa dibisyong antas ang papel ng artificial intellignece (AI) sa peryodismo. Sa kabila nito, naging matunog na sa mismong mga preskon, gamit na gamit ang AI sa mga disenyo ng mga poster at tropeyo.
Harapang kontradiksiyon at pagsasantabi ito sa layunin ng mga kabataang mamamahayag na paghahasa ng kritikal na pag-iisip at malikhaing kakayahan at sa mga patimpalak mismo, katulad ng kartuning at paglalapat.
Kung dito’y bigo na ang DepEd, malaking kuwestiyon din kung nasaan ang mga katulad nina Frenchie Mae Cumpio, RJ Nichole Ledesma at Jacob Baluyot sa mga preskon.
Bagaman mahalaga ang pagtalakay sa papel ng mga kabataang mamamahayag sa gitna ng lumalagong AI at magsulat sa mga pambansang isyu, higit ang pangangailangan din na matutuhan ng mga mag-aaral na patuloy ang ppanunupil na nararanasan ng mga katulad nila labas sa kompetisyon.
Si Frenchie, isang dating mamamahayag pangkampus sa Tacloban City, ay anim na taon nang pinagkakaitan ng kalayaan sa mga gawa-gawang kasong “terrorism financing.”
Si RJ, isang community journalist at dati ring mamamahayag pangkampus, na walang awang pinaslang ng militar sa Negros Occidental habang nag-uulat sa renewable energy projects.
At si Jacob Baluyot, patnugot ng The Catalyst, ang pahayagang pangmag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), ay kumakaharap sa gawa-gawang kasong sedisyon dahil sa pagbabalita sa protestang “Baha sa Luneta” at sa pumutok na kaguluhan noong Set. 21, 2025.
Sina Frenchie, RJ at Jacob, bilang mga kabataang mamamahayag, ay patunay na lampas sa kompetisyon ang tunay na tungkulin ng pamamamahayag.
Malinaw na hindi natatapos sa mga artikulo, mga dibuho at iba pang mga awtput sa peryodiko na isinisiksik sa limitadong oras sa mga preskon ang halaga at papel ng pahayagang pangkampus.
Sa halip, dapat na tumatagos ito sa mga mag-aaral na mas matapang na magsulat at manindigan. Hindi upang pagpugayan lang ang mga mabubuting nangyayari sa kanilang mga paaralan. Hindi upang ulitin lang ang mga balitang naiulat na.
Dahil sa labas ng mga patimpalak na ito, ang papel ng pahayagang pangkampus ay dapat na maging malaya at mapagpalaya, lalo na para sa masang pinagsasamantalahan.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.