Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Sa kaninong kaharian?

Narito na ang Kaharian ng Diyos, ngunit hindi pa lubusang nagaganap.

Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan – Ezekiel 34: 11–12, 15–17 | Salmo 22 | 1 Corinto 15: 20–26, 28 | Mateo 25: 31–46

Sa teolohiya, isa sa mga konseptong madalas pag-aralan ay ang Kaharian ng Diyos o Kingdom of God. Ngunit sa unang dinig, maaari nating isipin na tumutukoy ito sa isang lugar, tulad ng mga kahariang pinamumunuan ng mga hari at reyna. Kaya mas ginagamit din ang katagang Reign of God o Paghahari ng Diyos upang bigyang-diin na hindi lang ito isang teritoryo, kundi isang dinamikong realidad kung saan ang kalooban ng Diyos ay nagkakaroon ng katuparan sa buhay ng tao at ng sanlibutan.

Noong panahon ni Hesus, may iba’t ibang pag-asa ang mga Hudyo tungkol sa pagdating ng paghaharing ito. Para sa ilan, kaugnay ito ng pagpapanumbalik sa Israel at paglaya mula sa mga dayuhang mananakop. Hindi naman kataka-taka ang ganitong pag-asa, lalo na kung babalikan natin ang kanilang kasaysayan. Sa Unang Pagbasa, inilalarawan mismo ng Diyos ang kanyang sarili bilang isang pastol na maghahanap sa mga nawawala, magpapalakas sa mahihina, at mag-aalaga sa kanyang kawan.

Ganito rin ang larawan ng Diyos sa Salmong Tugunan, “Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.” Ang pastol ay hindi ang namumuno sa kanyang kawan, kundi nangangalaga rin upang hindi sila mapabayaan. Kaya ang paghaharing ipinapangako ng Diyos ay may kinalaman sa buhay at kapakanan ng kanyang bayan, lalo na ng mga mahihina at nangangailangan ng pagkalinga.

Sa pagdating ni Hesus, nagkaroon ng mas malalim na kahulugan ang paghaharing ito. Hindi ito nagsimula sa pagtatayo ng isang palasyo o pagpapalawak ng isang teritoryo. Sa halip, ang Diyos mismo ang dumating at nakibahagi sa karaniwang buhay ng tao. Sa pamamagitan ni Hesus, ang paghahari ng Diyos ay pumasok na sa ating kasaysayan at araw-araw na pamumuhay.

Sinasabi rin na ang Kaharian ng Diyos ay already but not yet o narito na ngunit hindi pa lubusang nagaganap. Narito na ito sa buhay at ministeryo ni Hesus, ngunit hinihintay pa rin natin ang ganap nitong katuparan. Kaya hindi lamang ito pangako ng magandang buhay pagkatapos ng kamatayan, sapagkat may mga palatandaan na rin nito sa kasalukuyan.

May magandang konsepto si Origen, isang sinaunang teologo ng Simbahan, na tinatawag na autobasileia. Para sa kanya, si Hesus mismo ang Kaharian ng Diyos sa kanyang katauhan. Siya ang Hari at siya rin ang Kaharian, sapagkat sa kanyang buhay at pagkilos natin nakikita kung ano ang ibig sabihin ng paghahari ng Diyos. Kung nais nating maunawaan ang kahariang ito, kailangan nating tingnan kung paano namuhay si Hesus at kung sino ang mga taong kanyang piniling lapitan.

Ngayong Linggo, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan. Ngunit sa Mabuting Balita, tila kakaiba ang larawang ipinakikita ni Hesus tungkol sa kanyang paghahari. Bagaman inilalarawan siya bilang isang haring nakaluklok sa trono upang humatol, ang batayan ng kanyang paghatol ay kung paano pinakitunguhan ng mga tao ang mga nagugutom, nauuhaw, dayuhan, maysakit at bilanggo.

Kapansin-pansin na kapwa nagulat ang mga pinagpala at ang mga hinatulan. Pareho nilang itinanong kung kailan nila nakita ang Panginoon sa ganoong kalagayan. At dito ipinahayag ni Hesus na ang anumang ginawa o hindi ginawa sa pinakamaliit sa kanyang mga kapatid ay ginawa o hindi rin ginawa sa kanya. Kung gayon, ang Haring ating ipinagdiriwang ay siya ring Haring nakikilala natin sa mga taong madalas hindi natin pinapansin.

Sa Ikalawang Pagbasa, ipinaalala naman ni San Pablo na ang paghahari ni Kristo ay hahantong sa paglupig sa lahat ng kapangyarihang sumasalungat sa Diyos, hanggang sa madaig maging ang kamatayan. Mahalaga ito sapagkat ipinakikita na ang paghahari ni Kristo ay hindi lang tungkol sa ating mga personal na gawain ng kabutihan. May mas malawak itong pangako ng pagbabago, kung saan ang kasalanan, kasamaan, at maging ang kamatayan ay hindi magkakaroon ng huling salita.

Ngunit habang hinihintay natin ang ganap na katuparan nito, nananatili ang ating pananagutan sa kasalukuyan. Sa isang lipunang ang kapangyarihan ay madalas iniuugnay sa kayamanan, impluwensiya, at pangalan ng pamilya, magandang itanong kung anong uri ng paghahari ang ating pinahahalagahan. Sinusukat ba natin ang pamumuno batay sa kapangyarihang napapanatili ng isang pinuno o sa kalagayan ng mga taong kanyang pinaglilingkuran?

Hindi rin sapat na manatili lang sa pagbibigay ng limos ang ating pagtugon sa mga nangangailangan. Mahalaga ang agarang pagtulong, ngunit kailangan din nating suriin kung bakit may mga taong patuloy na nagugutom sa kabila ng mga yamang mayroon ang ating lipunan. Kung ang Diyos ay isang pastol na naghahanap sa nawawala at nagpapalakas sa mahihina, hindi maaaring maging hiwalay sa ating pananampalataya ang mga usapin ng kahirapan, katarungan at dignidad ng bawat tao.

Dito natin maaaring balikan ang sinasabing narito na ang Kaharian ng Diyos, ngunit hindi pa lubusang nagaganap. May mga pagkakataong nakikita natin ito sa pagkalinga sa kapwa at sa pagtataguyod ng katarungan. Ngunit habang may mga taong nagugutom, inaapi, at pinagkakaitan ng kanilang mga karapatan, mayroon pa ring mga kalagayang kailangang baguhin.

Sa pagtatapos ng liturgical year, inaanyayahan tayong pagnilayan kung anong uri ng hari ang ating kinikilala. Madali nating ipahayag na si Kristo ang Hari ng Sanlibutan, ngunit higit na mahirap kilalanin siya sa mukha ng isang nagugutom, dayuhan, o bilanggo. At kung si Hesus mismo ang Kaharian ng Diyos sa kanyang katauhan, kailangan din nating itanong kung ang lipunang ating binubuo ay tunay na sumasalamin sa paghaharing kanyang ipinahayag.

¡Viva Cristo Rey! Maghari ka nawa sa aming mga buhay.