Baka abutan tayong natutulog
Habang hinihintay natin ang ganap na paghahari ng Diyos, mayroon tayong pananagutan sa mundong ipinagkatiwala niya sa atin.
Unang Linggo ng Adbiyento – Isaias 63: 16b–17, 19b; 64: 2b–7 | Salmo 79 | 1 Corinto 1:3–9 | Marcos 13:33–37
Nitong nakaraang mga araw, naging usap-usapan ang mungkahing patawan ng karagdagang buwis ang kape.
Sa isang pagdinig sa Kongreso hinggil sa pagbubuwis sa mga inuming nakalalasing, iminungkahi ng isang kinatawan ng industriya ng alak na baka mas magandang buwisan ang kape dahil ito na raw ang kinahihiligang inumin ng kabataan. Pabirong tugon naman ng isang mambabatas, “Baka dumami ang antukin kapag kape ang pinag-usapan.”
May punto naman siya. Aba, paano na lang kung may hinihintay tayong dumating sa kalagitnaan ng gabi, tapos wala tayong kapeng maiinom? Baka abutan pa tayong natutulog! (Problema nating mga mahihilig sa kape, ano?)
Tila napapanahon ang usaping ito ngayong sinisimulan natin ang ating paglalakbay sa Panahon ng Adbiyento. Sa Linggong ito, nagsisimula rin ang panibagong taon sa kalendaryong liturhikal ng Simbahan.
Bagama’t karaniwang iniuugnay natin ang Adbiyento sa paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko, inaanyayahan din tayo nitong pagnilayan ang ating paghihintay sa muling pagdating ng Panginoon. Kaya naman sa bungad pa lang ng ating paglalakbay, isang mahalagang tagubilin na agad ang ibinibigay sa atin ni Hesus: manatili tayong gising!
Sa Ebanghelyo, inihalintulad ni Hesus ang paghihintay na ito sa isang taong naglakbay sa malayong lupain at ipinagkatiwala sa kanyang mga alipin ang pangangalaga sa kanyang tahanan. Binigyan niya sila ng kanya-kanyang gawain at partikular na inutusan ang bantay-pinto na maging handa sa kanyang pagbabalik, baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan niya silang natutulog.
Kapansin-pansin na tinukoy ni Hesus ang apat na posibleng oras ng pagdating ng puno ng sambahayan: sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga. Sumasalamin ito sa apat na paghahati ng gabi ayon sa sistema ng pagbabantay ng mga Romano noon. Anumang oras sa kahabaan ng gabi ay maaaring dumating ang kanilang hinihintay.
Kawili-wili ring basahin ang kasunod na kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Marcos. Sa hardin ng Getsemani, paulit-ulit na inabutan ni Hesus na natutulog ang kanyang mga alagad sa kabila ng kanyang tagubiling magbantay. Sa oras na nakararanas ng matinding paghihirap ang kanilang Guro, hindi man lang nila nagawang samahan siya sa kanyang pagpupuyat.
Kung tutuusin, hindi naman natin kinakailangang nakapikit ang mga mata upang masabing tayo’y natutulog. May mga pagkakataong mulat ang ating mga mata sa mga nangyayari sa ating paligid, ngunit tila wala na itong epekto sa atin.
Nakakikita tayo ng mga taong nagugutom, nakababalita ng panibagong kaso ng katiwalian sa pamahalaan at nakaririnig ng mga hinaing ng mga taong pinagkaitan ng katarungan. Sa dalas ng ating pagkakita at pagkarinig sa mga ito, maaaring nasanay na lamang tayo.
Bahagi ng ating paghahanda sa kanyang pagdating ang pagsisikap na maging makatarungan ang ating lipunan, ang pakikiisa sa mga pinagkaitan ng karapatan at ang pagkilos upang hindi tuluyang mawalan ng pag-asa ang mga taong tila pinabayaan na ng lahat.
Sa sikolohiya, may tinatawag na desensitization. Sa paulit-ulit na pagkakalantad natin sa isang bagay, maaaring humina ang ating emosyonal na pagtugon dito. Nakababahala kapag maging ang mga bagay na dapat sana’y pumupukaw sa ating konsensiya ay nagiging karaniwang bahagi na lang ng ating araw-araw na buhay. Kailan nga ba tayo nagsimulang masanay sa mga bagay na dapat sana’y patuloy nating ikinagagalit?
Marahil ganito rin natin mauunawaan ang daing ng bayan ng Israel sa Unang Pagbasa, “Bakit ba, Panginoon, kami’y tinulutang maligaw ng landas, at ang puso nami’y iyong binayaan na maging matigas?” Ang masakit sa kanilang kalagayan ay hindi lang ang kanilang pagkakasala. Batid din nilang may nangyari sa kanilang mga puso. Sa kabila ng lahat, nagpatuloy pa rin sila sa paggawa ng masama.
Gayunman, balikan natin ang isang mahalagang detalye sa Ebanghelyo. Bago umalis ang puno ng sambahayan, binigyan niya ang kanyang mga alipin ng kanya-kanyang gawain. Samakatuwid, may mga dapat silang gawin habang naghihintay sa kanyang pagbabalik. Hindi rin sapat na abutan silang gising kung napabayaan naman nila ang tahanang ipinagkatiwala sa kanila.
Ganito rin ang diwa ng ating paghihintay ngayong Adbiyento. Habang hinihintay natin ang ganap na paghahari ng Diyos, mayroon tayong pananagutan sa mundong ipinagkatiwala niya sa atin.
Bahagi ng ating paghahanda sa kanyang pagdating ang pagsisikap na maging makatarungan ang ating lipunan, ang pakikiisa sa mga pinagkaitan ng karapatan at ang pagkilos upang hindi tuluyang mawalan ng pag-asa ang mga taong tila pinabayaan na ng lahat.
Sa Salmong Tugunan, hinihiling nating muling lumapit sa atin ang Diyos at iligtas ang punong ubas na siya mismo ang nagtanim. Sa kabila ng ating mga pagkukulang at ng hindi magandang kalagayan ng ating lipunan, nananatili tayong bayan na minamahal at kinakalinga ng Diyos. Gaya ng pagpapaalala ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, tapat ang Diyos na tumawag sa atin upang makipag-isa sa kanyang Anak.
Sa katapatan ng Diyos nakasalalay ang ating pag-asa, lalo na sa mga pagkakataong nakapapagod nang maghangad ng pagbabago. May mga ipinaglalaban tayong tila wala pang patutunguhan at mga panalanging tila hindi pa natutugunan. Ngunit may dahilan tayo upang magpatuloy sa ating mga gawain sapagkat ang Diyos na hinihintay natin ay siya ring umaalalay sa atin habang naghihintay.
Kaya naman, sa pagsisimula ng ating paglalakbay ngayong Adbiyento, magkape tayo kung kinakailangan! Ngunit higit sa pagpapanatiling gising ng ating mga mata, nawa’y manatiling gising ang ating mga puso at konsensiya.
Napakagandang abutan tayo ng Panginoon na abala sa pangangalaga at pagbabago ng mundong ipinagkatiwala niya sa atin. Sa ganitong paraan, ang ating paghihintay sa kanyang pagdating ay nagiging pakikibahagi na rin sa katuparan ng kanyang paghahari.