May artista nang Dumagat sa pelikulang “Mayohan” ni Dan Villegas
MAIPAGMAMALAKI na ng mga Dumagat sa Infanta at General Nakar, Quezon na sila ay may katribu nang artista. Yes, nasa pelikula na ang isang Dumagat, may pangalan nang Kristiyano na si Cesar Adornado. Sa totoo lang, hindi lang ngayon nag-aartista si Cesar, Ikat kung tawagin ng kanyang mga kasama. Naging bituin na rin si Ikat […]
MAIPAGMAMALAKI na ng mga Dumagat sa Infanta at General Nakar, Quezon na sila ay may katribu nang artista.
Yes, nasa pelikula na ang isang Dumagat, may pangalan nang Kristiyano na si Cesar Adornado.
Sa totoo lang, hindi lang ngayon nag-aartista si Cesar, Ikat kung tawagin ng kanyang mga kasama.
Naging bituin na rin si Ikat sa mga pelikula nina Robin Padilla at Jestoni Alarcon na kinunan sa may Real at Infanta, Quezon.
“Maganda ang role ko sa mga pelikula nina Robin at Jestoni. ‘Yong kay Robin, power saw operator ako at ‘yong kay Jestoni, ano naman ako r’yan, kasama ni Jestoni,” kuwento ni Ikat na nagtatrabaho bilang kawaksi sa bolahan ng Small Town Lottery sa Infanta.
“Pero nakakasingit ako sa pelikula pag kailangan ng Dumagat sa role,” sabi ni Ikat.
***
Ang pinakahuling pelikula ni Ikat ay ang “Mayohan” ni Dan Villegas.
Ang “Mayohan” ay isa sa sampung full length feature na nakapasa sa ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines.
Si Paul Sta. Ana ang sumulat ng dulang pampelikula samantalang solo ni Dan ang direksyon.
Ang “Mayohan” ay tungkol sa mga kabataan sa Infanta at kung paano ang taunang pagdiriwang ng Mayohan sa buwan ng Mayo ay nakapag-iimpluwensiya ng kanilang klase ng pamumuhay.
Pangunahing aktres dito si Lovi Poe katambal ang guwapung-guwapo at batambatang si Ping Medina.
***
“Simple lang naman ang papel ko sa ‘Mayohan.’ Ako lang ‘yong tatanungin ni Lovi kung saan ako galing,” sabi ni Ikat.
Pero para sa kanya ay karangalan na makasama si Poe at si Medina sa pelikula.
Nasa obra rin si Luli Manansala na isang bihasang aktres sa lahat ng panahon.
Nagustuhan ng mga cast si Ikat dahil sa taglay nitong kabutihan.
Kahit na Dumagat si Ikat ay madali siyang makaagapay sa kanyang kapwa, Tagalog man o kapwa katutubo.
“Pero hindi na ako purung-purong Dumagat. May halo na ako,” paliwanag ni Ikat pero sa hitsura at pamamaraan ay Dumagat na Dumagat pa rin.
***
Ang tema ng “Mayohan” ay natuklasan ni Dan at ni Paul nang makausap nila ang bise-alkalde ng Infanta na si RR Velasco.
Magkaklase se Ateneo de Manila University sina Villegas at RR at mula roon ay magkaibigan na silang matalik.
Nagkuwento si RR ng mga selebrasyon ng Mayohan sa Infanta mula sa a uno ng buwan hanggang sa katapusan. Sa unang araw pa lang ng Mayo ay may padasal na hanggang sa ika-31 ng buwan.
May mga sagala rin at tagayan.
Simboliko ang ibig sabihin ng tagayan sa konteksto ng pagmamay-ari ng anuman.
Kung ang isang lalaki ay magtatagay sa isang babae ng lambanog o ang alak sa sasa o niyog na nakakalasing, ang ibig sabihin nito, pag ininom ng babae ang isang kopitang alak ay sinagot na niya o ang kanyang puso ay para sa lalaki nang nag-alok sa kanya ng inumin.
***
Ano kaya nag kahihitnan ng “Mayohan” sa pagdiriwang ng Cinemalaya?
May ibubuga kaya ito sa mga kalabang obra halimbawa’y sa mga pelikula nina Dennis Marasigan o Robert Añonuevo?
Batay sa ipinakita ni Dan sa amin na trailer, pinaghalong eksperimental at pangkaraniwang paggawa ng pelikula ang “Mayohan” lalo na sa pag-iilaw at sa mga anggulo ng kamera.
Sinabi namin kay Dan na siya ang tipikal na direktor na puwedeng makagawa ng pelikula sa digital at sa malalaking produksyon.
Sa maikling salita, pinaghalong independent at nakahanay sa malalaking kumpanya ng pelikula ang kanyang estilo at pamamaraan sa filmmaking.
***
Nakausap din namin sa Infanta ang tagapangulo ng Tribal Center for Development na nangangasiwa sa mga kapakanan at karapatan ng mga Dumagat sa Quezon at sa mga kanugnog na lugar ng lalawigan.
Sinabi ni Ramcy Aztubesa na ginagawa ng kanilang organisasyon ang lahat para maging makabuluhan ang buhay ng mga katutubo sa kanilang lugar.
Kahit sa usapin ng kultura ay nakikibahagi ang mga Dumagat para maipaglaban ang kanilang mga karapatang pantao sa pakikipamuhay sa lipunan natin.
Kung sa mga talento rin naman ay may ibubuga ang mga Dumagat at tulad ni Ikat ay puwedeng maging mga artista rin.
May mga pansining na kaalaman din ang mga Dumagat na kailangang bigyang-pansin.
Kaya nga pasulong na ang buhay ng mga Dumagat hindi lamang sa Infanta o General Nakar kundi sa iba pang bahagi ng bansa.
***
Ang pelikulang “Mayohan” ang magtataguyod sa kapakanan ng mga Dumagat kahit na maikli lang ang mga papel ng mga katutubo rito.
Inaasahan naman ni Dan na makakagawa siya ng isang obra na tahasang tatalakay sa buhay at pakikipagsapalaran ng mga Dumagat.
Para kay Villegas, ang pelikula ang isa sa mga midyum na kailangang paglagusan ng mga impormasyon at magagandang balita tungkol sa ating mga katutubo.