Kawani ng gobyerno, naalarma sa pagsibak sa hepe ng Pagasa


Naaalarma ang militanteng grupo ng mga empleyado ng gobyerno sa sirkumstansiya ng pagkakasibak sa administrador ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na si Prisco Nilo. Lumalabas na may double standard umano ang administrasyong Aquino sa mga opisyal ng gobyerno, ayon kay Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Confederation for the Unity, Recognition, and […]

Pambansang tanggapan ng Pagasa, sa Quezon City. (Mula sa pagasa.dost.gov.ph)
Pambansang tanggapan ng Pagasa, sa Quezon City. (Mula sa pagasa.dost.gov.ph)

Naaalarma ang militanteng grupo ng mga empleyado ng gobyerno sa sirkumstansiya ng pagkakasibak sa administrador ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na si Prisco Nilo.

Lumalabas na may double standard umano ang administrasyong Aquino sa mga opisyal ng gobyerno, ayon kay Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage).

Dr. Prisco Nilo (Mula sa pagasa.dost.gov.ph)
Dr. Prisco Nilo (Mula sa pagasa.dost.gov.ph)

“Sa isang banda, narito ang kaso ng isang administrador na sinibak sa maling dalihan, at sa kabilang banda, heto ang pangulo at general manager ng GSIS (Government Service Insurance System) na nananatili sa puwesto sa kabila ng tuluy-tuloy na pagigiit na tanggalin siya dahil sa korupsiyon, maling pangangasiwa ng pondo at abuso ng awtoridad,” ani Gaite.

Ipinagtanggol ni Gaite si Nilo, na nagsimula sa rank-and-file ng Pagasa para pamunuan ang ahensiya.

“Kahit tumatanggap lang siya ng kakarampot sa suweldo at nangangasiwa ng ahensiya na nagkukulang sa rekurso, kagamitan at tao, pinili ni Nilo na manatili sa Pagasa. Samantala, pinili ng mga kasabayan ni Nilo na weathermen at siyentista na maghanap ng mas kumikitang trabaho sa ibang bansa para suportahan ang mga pamilya nila,” paliwanag pa ni Gaite.

Lumalabas na 16 na lamang ang nananatiling weather forecasters sa Pagasa. Marami sa mga empleyado, ani Gaite, ay demoralisado matapos ang pagkakasibak kay Nilo.

“Kung mayroon mang dapat sibakin, ito ay si GSIS PGM Winston Garcia. Pero nagtataka kami kung ano pa ang nagpapatagal sa pagsisibak kay Garcia ng gobyernong ito na nangakong lumalaban sa korupsiyon?” tanong ni Gaite.