Buhay Pinoy

Sama-samang paglinis sa ilog

Sama-samang nililinisan ng waterlily ng mga miyembro ng komunidad ang ilog ng San Simon sa Pampanga para mas makadaloy ang tubig at maiwasan ang matinding pagbaha sa lugar. Walang tulong sa gobyerno, kung kaya sila-sila na lamang ang gumagawa ng paraan para mapigilan ang baha kung dumating man ang susunod na bagyo. (Boy Bagwis)

Eid’l Fitr sa Lungsod Davao

Nanatiling nakatayo ang isang bata habang nakayuko sa pananampalataya ang mga kalalakihang nakatatanda, sa pagdiriwang ng Eid'l Fitr, na siyang pagtatapos ng Ramadan sa relihiyong Islam, sa Davao City. (Karlos Manlupig)

Kontra dengue

Hindi konsiyerto, kundi fogging operations, ang isinasagawa dito sa isang barangay sa Davao City. Lumalaganap ang sakit na dengue sa mga maralita sa iba't ibang lungsod, kabilang ang Kamaynilaan at Davao. Binabatikos ng mga militanteng grupo ang pamahalaan sa di paglaan ng sapat na pondo kontra sa mga sakit na tulad ng dengue. (Karlos Manlupig)

Para sa turista

Daan-daan ang turistang bumibisita araw-araw sa Underground River sa Puerto Princesa City sa Palawan. Isa sa mga nagdadala sa kanila sa naturang lugar ay si Toto, isang boat man at tour guide sa Underground River. Sa tagal niya sa trabahong ito, naging eksperto na rin si Toto sa siyensiya ng mga kuweba, ilog, at iba pa. Kasabay nito, nahasa na rin siya sa pagpapatawa. Pagkatapos ng araw, pagod na pagod si Toto. Sa kabila nito, kumikita lamang siya ng P250 araw-araw. (KR Guda sa Puerto Princesa, Palawan)

May angking kakayahan, kahit walang industriya

Mahusay magkumpuni at maghasa ang mga manggagawang Pinoy na tulad nito ng mga kagamitang gawa sa bakal, tulad ng lagari. Walang sariling industriya ng bakal ang bansa, kahit mayaman ito sa rekursong mina ang bansa. Pero ipinapakita ng mga manggagawang Pinoy na may kakayahan sila na balikatin ang pambansang industriyalisasyon ng bansa, kung seseryosohin lang ito ng gobyerno. (Macky Macaspac)

Taas-presyo ng langis at estasyon ng krus

Mistulang susunod na Station of the Cross ng mga deboto at relihiyoso ang plakard ng mga miyembro ng Gabriela sa Brgy. Tatalon, Quezon City na nananawagan ng pagbaba ng presyo ng langis at pagbasura sa Expanded Value-Added Tax (E-VAT). Kunsabagay, kung bawat Station of the Cross ni Kristo ay pagpapakita ng pagpapahirap sa kanya, kumakatawan din ng pagpapahirap sa mga mamamayan ang walang-patid na taas-presyo ng langis at pananatili sa E-VAT. (Macky Macaspac)