Istorya ng Linggo

Pre-programming sa halalan at ibang bagay ukol kay Aquino


Ang sumusunod ang tugon ni Jose Maria Sison, chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines, hinggil sa pagtanggi ni Pinky Aquino-Abellada sa pahayag ni Sison na nagpulong ang pamilya Aquino, Gloria Macapapagal-Arroyo, at Central Intelligence Agency ilang linggo bago ang Mayo 10 para manipulahin ang resulta ng eleksiyon.

Mula sa editor: Ang sumusunod ang tugon ni Jose Maria Sison, chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines, hinggil sa pagtanggi ni Pinky Aquino-Abellada sa pahayag ni Sison na nagpulong ang pamilya Aquino, Gloria Macapapagal-Arroyo, at Central Intelligence Agency ilang linggo bago ang Mayo 10 para manipulahin ang resulta ng eleksiyon. Unang inihayag ito ni Sison sa panayam sa Pinoy Weekly.

    Prop. Sison: Noynoy hindi interesado sa usapang pangkapayapaan sa NDFP.
Prop. Sison: Noynoy hindi interesado sa usapang pangkapayapaan sa NDFP.

Naniniwala ako na ang bagong reaksiyonaryong rehimen na pinangunguluhan ni Noynoy Aquino ay may mapagsinungaling at imoral na pundasyon na di-kukulangin sa tatlong bagay: 1) di-makatotohanang pagkakahalal sa pamamagitan ng pre-programming ng automated electoral system (AES) na kontrolado ng dayuhan at walang safeguards; 2) di-makatotohanang pangako na papawiin ang korupsiyon kahit hindi alisin ang sistemikong kolaborasyon ng dayuhang monopolyo kapitalista at mga lokal na malalaking komprador kapitalistang katulad niya; 3) di-makatotohanang pangako na papanagutin si Gloria M. Arroyo sa mga krimen ng korupsyon at paglabag sa mga karapatang tao.

Batbat ang AES ng anomalya at pandaraya. Binigyang-daan ang mga ito sa pamamagitan ng dayuhang kontrol sa Smartmatic na labag sa anumang pag-unawa ng pambansang soberanya, ng pag-alis sa anumang security safeguards laban sa pandaraya at ng sobrang bilis na reconfiguration at pagpapalit ng 17,000 memory cards nang palihim at walang imparsiyal na tagasubaybay.

Ang aking informant tungkol sa pag-uusap nina Gloria M. Arroyo at Pinky Aquino-Abellada para bigyang daan ang miting ng matataas na kinatawan ng US Central Intelligence Agency, pamilyang Aquino at kinatawan ng rehimeng Arroyo ay handang lumantad sa tamang panahon at sabihin ang oras at lugar ng pagtatagpo nina Pinky at Gloria matapos niyang tiyakin ang kaligtasan ng kanyang pamilya.

Bunga ng reaksiyon ni Pinky Aquino-Abellada, asawa ng CEO (chief executive officer) ng Philippine Multi-Media Systems Inc., sa aking panayam sa Pinoy Weekly, ipinakiusap ko sa aking informant na lumantad siya agad kahit may dati siyang prekondisyon sa akin na dapat hindi ko ihantad o ipahiwatig ang kanyang identidad.

Pinaalalahanan ako ng aking informant na may mga seryosong peligro sa kanya mula sa tatlong makapangyarihang puwersa na sangkot sa manipulasyon ng AES. Sinabi niya, “Ayaw kong danasin ko at ng aking pamilya ang katulad ng kinasapitan nina Gregan Cardeno at Philippine Army Captain Javier Ignacio na nasangkot sa US government high security operations sa Pilipinas.”

Sa katunayan, mas maraming impormasyon ang ibinigay ng aking informant kaysa sinabi ko sa panayam sa Pinoy Weekly. Subalit pansamantalang obligado akong irespeto ang pakiusap niya na tiyakin muna niya ang kaligtasan ng pamilya bago siya lumantad.

May paabot ang ilang tao sa akin na si Noynoy Aquino ay hindi interesado sa muling pag-uusap sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines(NDFP) dahil sumusunod siya sa utos ng US na ipagpatuloy niya ang counterinsurgency plan nito at dahil siya’y may katangiang benggatibo na ipinakita niya sa masaker sa Asyenda Luisita at mga sumunod na pamamaslang sa Tarlac.

Subalit malamang na may ilang dahilan para maging interesado si Noynoy Aquino sa pag-uusap sa kapayapaan. Ang mga ito ay ang palubhang krisis ng lokal na naghaharing sistema at pandaigdigang sistemang kapitalista, ang pagtindi ng digmang bayan at ang paglakas ng kilusang masa. Kaugnay nito, ipinahayag ng NDFP ang kahandaang makipag-usap muli tungkol sa kapayapaan.

Sa ganitong negosasyon, ipinapalagay ng NDFP si Noynoy bilang de-facto na presidente ng GRP bagamat imoral at nakabatay sa mga kasinungalingan ang kanyang rehimen, at desidido ito, tulad ng rehimeng Arroyo, na gumamit ng dahas militar at mga mapanlinlang na taktika sa inutil na pagtatangkang gapiin, pasukuin o pawalang-kabuluhan ang kilusang rebolusyonaryo. Itinuturo ng kasaysayan sa atin na si Mao Zedong ay nakipagnegosasyon kay Chiang Kai-shek at nakipagkasundo pa tungkol sa truce at alyansa alang-alang sa interes ng sambayanan.