Mamamayang ayaw sa Con-ass ni Gloria, hinihikayat na lumahok sa protesta ng pesante sa Mendiola sa Hunyo 4

Nanawagan si Anakpawis Rep. Rafael Mariano sa mga mamamayang nasusuklam sa niratsadang pagpasa ng resolusyon para sa Constituent Assembly (Con-ass) sa Kamara na makiisa sa protesta ng mga magsasaka sa Hunyo 4 sa harap ng Malakanyang sa Mendiola. Tutungo ng Mendiola ang mga magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) para igiit ang […]

Nanawagan si Anakpawis Rep. Rafael Mariano sa mga mamamayang nasusuklam sa niratsadang pagpasa ng resolusyon para sa Constituent Assembly (Con-ass) sa Kamara na makiisa sa protesta ng mga magsasaka sa Hunyo 4 sa harap ng Malakanyang sa Mendiola.

Tutungo ng Mendiola ang mga magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) para igiit ang tunay na reporma sa lupa at pag-usad ng panukalang batas na Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).

“Ang kilos-protesta sa Mendiola ay siyang agarang apoy ng mga magsasaka laban sa karumaldumal na plano ni Arroyo para habambuhay na manatili sa Malakanyang,” sabi ni Mariano.

Inaasahan umano ng militanteng kongresista na lalakas pa ang pagtutol sa ipinasang House Resolution 1109 madaling-araw ng Hunyo 3.

“Titindi ang apoy at galit ng taumbayan sa susunod na mga araw hanggang sa huling State of the Nation Address ni Arroyo,” sabi pa ni Mariano.

Binatikos din ng kongresistang lider-magsasaka ang mga balak na gamitin ang Con-ass para ipasa ang panukalang payagan ang 100 porsiyentong dayuhang pag-aari ng lupa sa Pilipinas na siyang lalong magliligalig sa mga magsasaka.

Sinabi ni Mariano na mahigit 2,000 magsasaka, mangingisda, at maralita sa kanayunan mula Timog Katagalugan at Gitnang Luzon ang sasali sa protesta para sa tunay na reporma sa lupa at kontra sa panukalang pagpapalawig sa implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

Samantala, nanawagan din ang United Opposition (UNO) ng mga kilos-protesta laban sa HR 1109 na ipinasa ng Kamara kahit walang pahintulot ng Senado.

Ayon kay Jejomar Binay, presidente ng UNO at alkalde ng Makati City, nanawagan na siya ng emergency meeting ng lahat ng miyembro ng oposisyon kabilang ang militanteng mga grupo para planuhin ang protesta para kondenahin ang Con-ass.