Istorya ng Linggo

Martsa-libing ni Cory Aquino: Buhay ang diwa ng paglaban


Hindi lamang sila nagpupugay, nagluluksa, nagpapasalamat, o namamaalam. Dumagsa ang daan-libong mamamayan sa kalsada sa martsa-libing ni dating pangulong Corazon Aquino para ipahayag ang kanilang kapasyahang “ituloy ang laban.” (May larawan at video)

Kinikilala ng mga kabataang aktibista na simbolo si Cory Aquino ng paglaban sa diktadurya. (King Catoy)
Kinikilala ng mga kabataang aktibista na simbolo si Cory Aquino ng paglaban sa diktadurya. (King Catoy)

“Tuloy, tuloy, tuloy ang laban!”

Ito ang mga katagang naging batian sa isa’t isa ng mga mamamayang dumagsa sa mga kalsada mula Manila Cathedral patungong Manila Memorial Park noong Agosto 5 para sa martsa-libing ng yumaong dating pangulong Corazon “Cory” C. Aquino. Kasabay nito ang pagpapakita ng hugis letrang “L” ng mga daliri para sa salitang “Laban.”

Hindi lamang sila nagpupugay sa isa sa pinaka-importanteng mga personahe sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi lamang nagluluksa, at nakikiramay sa iniwang pamilya. Hindi rin lang nagpapasalamat sa maraming tinataguriang “pamana” ni Cory sa bansa. Higit sa lahat, gaya noong martsa-libing ng kanyang asawang si Ninoy Aquino noong 1983, daan-libong mamamayan ang sumama para ipamalas ang kapasyahang lumaban.

Malinaw sa mga nakapinta o nakasulat sa mga plakard, t-shirt, banner, at ribbon (na siyempre pa’t karamihan ay kulay dilaw) kung ano ang nilalabanan ng mga taong nagsipagluksa: tiraniya, diktadurya, at korupsiyon. Simbolo si Cory ng paglaban sa mga ito, mula noong una siyang umusbong na pigura sa pagpapabagsak ng rehimeng Marcos hanggang sa maging respetadong lider ng kilusang kontra-Arroyo bago magkasakit ng kanser.

Higit na kumilala sa iniwang laban ni Cory ang mga miyembro ng progresibong mga organisasyon. Dumalo sa martsa-libing ang marami sa mga nagtulak ng mga pagbabago sa lipunan bago pa man pinaslang si Ninoy, at patuloy na nakita at nilabanan ang mga depekto sa tinataguriang “pormal na demokrasya” na ibinalik ng pag-aalsang People Power I.

Kabilang ang mga progresibong organisasyon sa nagbigay-pugay sa martsa-libing ni Cory. (King Catoy)
Kabilang ang mga progresibong organisasyon sa nagbigay-pugay sa martsa-libing ni Cory. (King Catoy)

Dumalo sila para pagpugayan ang isang dating pangulo na sa maraming aspekto, bukod-tangi sa ibang mga naupo sa poder. Dumalo sila para ituloy ang laban ni Cory. Gaya ng—o marahil higit pa—sa marami, hangad nila ang kalayaan at demokrasya, mga konseptong pinatunayan ng pagkamatay ni Cory noong Agosto 1 na may kakayahan pang magbigkis ng bayan.

Parang ‘piyesta’

Pabugso-bugso man ang malakas na ulan at hangin, hindi nito napigilan ang pagkapal ng bilang ng mga taong nag-abang sa Luneta Park sa Roxas Blvd. para masulyapan si Cory sa huling pagkakataon. Grupo-grupo sila ng magkapamilya, magkakaibigan, magkakaklase, magkakapitbahay, o magkakasama sa isang organisasyon na dumating sa akala mo isang piyesta.

Di nila alintana ang malakas na ulan sa ilang oras na paghihintay sa pagdaan ng prusesyon ni Cory. (King Catoy)
Di nila alintana ang malakas na ulan sa ilang oras na paghihintay sa pagdaan ng prusesyon ni Cory. (King Catoy)

Habang naghihintay, nagsisisigaw ang isang matanda, bitbit ang naka-laminate na lumang litrato ni Cory, nakabalot pa sa plastik para hindi mabasa ng ulan. Tahimik naman na nakapuwesto sa harap ng monumento ni Jose Rizal ang dalawang batang malinaw na hindi pa ipinapanganak noong nangyari ang pag-aalsang People Power I. “Cory, simbolo ka ng malinis na pulitika” ang nakasulat bitbit nilang dilaw na banner.

Noong una’y ikinagulat pa ng mga tao ang kalabog ng mga howitzer na pinapaputok ng mga sundalo sa Quirino Grandstand para pagpugayan si Cory. Pero di nagtagal, naging bahagi na rin ito ng ritmo ng ingay ng pananabik ng madla.

Para kay Prop. Judy Taguiwalo, faculty regent ng University of the Philippines-Diliman at lider-estudyante noong Batas Militar, isang karangalan na makitang muli ang pagdagsa ng mga Pilipino sa kalsada para sa martsa-libing ni Cory.