MGA LARAWAN| Bakwit at ligalig sa sariling tahanan

Isang krisis sa kalagayang pantao ang hinaharap ng daan-libong bakwit na lumikas dahil sa opensibang militar laban sa mga rebeldeng Moro sa Central Mindanao.

evac-center1
Noong nakaraang taon, sa walong probinsya ng Autonomous Region for Muslim Mindanao naganap ang pinakamalaking paglikas sa buong mundo sanhi ng giyera—umabot sa mahigit 600,000 ang bilang ng mga bakwit, ayon sa Internal Displacement Monitoring Center.

Tinataya ng NDCC na 200,000 ang hanggang ngayo’y hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang tahanan. Pinakamalaki ang konsentrasyon ng mga bakwit sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao. Umaabot ito sa 37,368 indibidwal.
Tinataya ng NDCC na 200,000 ang hanggang ngayo’y hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang tahanan. Pinakamalaki ang konsentrasyon ng mga bakwit sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao. Umaabot ito sa 37,368 indibidwal.
checkpoint2
Deklaradong nasa state of calamity pa rin ang probinsiya kung saan nagpapatuloy ang opensiba ng Armed Forces of the Philippines laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Normal na para sa mga sibilyan ang maya’t mayang tsekpoint sa haywey.
bakwit-under-school
Sa Datu Gumbay Evacuation Center, nagtatago ang mga bakwit sa ilalim ng eskuwelahan tuwing may pagmomortar ang militar. Ayon sa grupong Bantay Ceasefire, dumaraming bakwit ang mga namamatay sa cardiopulmonary shock o pagkagulat, partikular ang mga bata at matatanda.
crying-baby
Halimbawa, namatay sa Datu Gumbay Evacuation Center ang 10 araw na sanggol ni Daniel Bajunaid nang matapos ang isang round ng pagmomortar bandang 10:30 ng umaga noong Mayo 5. Ang kuha sa itaas ay ang dalawang buwang sanggol na ipinanganak sa Notre Dame Evacuation Center.
schoolchildren
Suwerte pang nakakapasok sa paaralan ang mga estudyanteng ito. Ayon sa Department of Education, sa mahigit 10,000 na school age na bata sa Datu Piang, mahigit 4,000 lamang ang nakakapag-aral.
schoolchildren2
Ayon pa rin sa DepEd, may 118 eskuwelahan na may 51,177 estudyante sa mga probinsiya ng Maguindanao at Lanao del Sur ang apektado ng giyera at hindi pa nakapaglulunsad ng normal na mga klase.
boy-with-toy
May 60 porsiyento ng mga bakwit ay menor-de-edad, gaya ng batang ito sa Notre Dame Evacuation Center na sa halip na nag-aaral ay naglalaro na lamang sa putikan.
howitzer
howitzer Araw-gabi ang pagmomortar sa mga komunidad, ayon sa mga bakwit. May dalawang 155 howitzer ang kampo ng militar sa Brgy. Datu Gumbay na wala pang 25 metro ang layo mula sa evacuation center at eskuwelahan.
damaged-house
Natutulog si Hadji Makakena, 76, at lima pang bakwit nang tamaan ng mortar ang kanyang bahay sa Brgy. Libutan, Mamasapano noong Agosto 20. Isinisisi niya sa militar ang insidente. “Wala namang ibang may howitzer kundi sila,” aniya. Ayon sa National Disaster Coordinating Council, 2,653 bahay sa buong ARMM ang nawasak sa giyera.
woman-and-children
Tinamaan din ng shrapnel ang mga kalapit na bahay. Mga residente nito ang nasa kuha sa itaas.
wounded-child
Natamaan naman ng shrapnel ang 7-anyos na si Faidzah Cajar, kasama ng dalawa pang sibilyan, nang mahulog ang mga mortar malapit sa Mahad Libutan Evacuation Center noong Hunyo 15. Umano’y pinaputok ito ng mga militar na naka-base sa Datu Saudi Ampatuan.
sacks-of-rice1
Dahil hindi makabalik sa kani-kanilang tahanan para makapagtanim, umaasa lamang ang mga bakwit sa tulong mula sa mga humanitarian agency na International Committee for the Red Cross (ICRC) at World Food Program.
waiting-for-food
Ayon sa mga bakwit, paminsa’y apat na buwan silang walang rasyon ng bigas. Umaabot ang rasyon sa 25 kilo bawat pamilya. Tumatagal lamang ito ng dalawang linggo.
food-truck
Noong Mayo 7, hinarang ng militar ang mga trak ng ICRC sa isang tsekpoint sa Datu Anggal Midtimbang. Pero ayon kay Lt. Col. Jonathan Ponce, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, mga rebeldeng Moro ang humaharang sa pagkain ng mga bakwit. Pinabulaanan ito ng MILF. Sa isang tsekpoint sa Guindolongan ang kuha sa itaas.
cards
Para masigurong mabibigyan ng rasyon ang lahat ng mga bakwit, nag-iisyu ang lokal na gobyerno ng mga access card. Inaakusahan ng Philippine Army ang mga bakwit na nagbibigay ng pagkain sa mga rebeldeng Moro. Pero ayon kay Eid Kabalu, tagapagsalita ng MILF, may sariling rekurso ang grupo at hindi inaagawan ng pagkain ang nagugutom na mga sibilyan.
waiting-4
Ilang oras naghihintay sa ilalim ng init ng araw ang mga bakwit para makakuha ng rasyong pagkain.
sacks-of-rice
Inamin ni David Eason mula sa Department of Economic Security ng ICRC na sa nakaraang dalawang buwan lamang naging halos regular ang pagbibigay ng rasyon dahil hindi sila nakakapasok kapag idineklara ng militar na may problema sa seguridad ang lugar.
leaving-3
Hindi tiyak ng mga bakwit kung kailan darating ang susunod na rasyon. Ayon kay Jenaida Guiali, 22, isang bakwit sa Datu Gumbay Evacuation Center, “Mahirap na laging umasa sa kanila. Sana makabalik na kami sa aming mga tahanan.”
eating-2
Masuwerte na sila kapag may ulam, ayon sa mga bakwit. Paminsa’y nagdidildil na lamang sila ng asin.
3-women
Nakakatatlong henerasyon na ang mga Morong ito, pero hindi pa rin natatapos ang giyera. Halos isang taon na silang naninirahan sa evacuation center.
sunset
Hangad ng mga mamamayang Moro ang isang kinabukasan na kasing-payapa ng kalangitan sa dapithapon.