Video: Bakwit sa Central Mindanao, tinuturing na ‘reserbang kaaway’ ng militar


Binansagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga bakwit na diumano’y “reserbang puwersa” (enemy reserve force) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa gitna ng muling pag-igting ng sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at mga rebeldeng Moro sa Central Mindanao.

Mga kababaihan at bata ang karamihan sa mga bakwit, na tinuturing ng militar na "reserve force" ng mga rebeldeng Moro. Kuha sa evacuation center sa Mamasapano, Maguindanao. (Ilang-Ilang Quijano)
Mga kababaihan at bata ang karamihan sa mga bakwit, na tinuturing ng militar na "reserve force" ng mga rebeldeng Moro. Kuha sa evacuation center sa Mamasapano, Maguindanao. (Ilang-Ilang Quijano)

Cotabato City—Binansagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga bakwit na diumano’y “reserbang puwersa” (enemy reserve force) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa gitna ng muling pag-igting ng sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at mga rebelde sa Central Mindanao.

Ikinaalarma ng MILF at ng mga grupong nagtataguyod ng kapayapaan ang umano’y pagdawit ng AFP sa inosenteng mga sibilyan sa digmaan at posibleng dulot nitong pagdami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga bakwit.

Sa isang press briefing noong Hunyo 30, inilarawan ni Lt. Col. Jonathan Ponce, tagapagsalita ng 6th Infantry Batallion, ang evacuation centers na kanlungan ng mga miyembro ng MILF na nagpapanggap na bakwit.

“The MILF pose as IDPs (internally displaced people),” aniya. (Nagpapanggap ang MILF na IDPs)

Ayon sa Internal Displacement Monitoring Center na naka-base sa Geneva, umabot sa 600,000 sibilyan ang lumikas sa mga probinsya ng Maguindanao, North Cotabato, Lanao del Sur, at Lanao del Norte noong 2008.

Tinataya ng National Disaster Coordinating Council na may 200,000 bakwit ang hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang tahanan dahil sa patuloy na sagupaang bunsod ng naudlot na pagpirma sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain halos isang taon na ang nakakaraan.

Panoorin sa bidyo ang pahayag ni Ponce at ang reaksiyon ng mga kinatawan ng MILF, civil society organizations, at government panel sa usapang pangkapayapaan: