Balita

Larawan: Kabataan nagprotesta sa loob ng Kamara, dagdag-badyet sa edukasyon iginiit

Nagsagawa ng lightning rally ang mga kabataan sa ilalim ng National Union of Students of the Philippines o NUSP habang may deliberasyon ng badyet sa loob ng Kamara. Itinaboy din sila ng security ng Kamara. Nasa harap si Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, tila walang pakialam sa nagaganap na protesta. Ipinoprotesta ng mga estudyante ang pagkaltas ng 1.7% ng badyet sa state colleges and universities sa panukalang pambansang badyet, habang patuloy na mataas ang inilalaan sa badyet ng militar.

Masaker ng migranteng manggagawa sa Mexico kinondena

Kinondena ng International Coordinating Committee at lahat ng miyembrong organisasyon ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang pagmasaker sa 73 migranteng manggagawa mula iba’t ibang bansa ng Latin America at nanawagan ng masusing imbestigasyon at katarungan para sa mga biktima.

Larawan: Militarisasyon, pamamaslang sa magsasaka sa Davao, kinondena

Nagsindi ng kandila ang mga mamamayan ng Davao City sa pangunguna ng Exodus for Justice and Peace para kondenahin ang nauulat na militarisasyon sa distrito ng Paquibato kung saan dalawang inosenteng sibilyan ang pinaslang. Pinaslang si Naldo Labrador, isang magsasaka at miyembro ng Kilusang Magbubukid ng Plipinas, sa harap ng kanyang anak. Lumahok sa pagsindi ng kandila ang mga akaanak ni Labrador.

Larawan: Parangal kay Medardo Roda, lider-obrero

Taas-kamao si Fr. Dionisio Cabillas, aktibistang Aglipayang pari, sa pagtatapos ng misa para sa lider-obrero sa transportasyon na si Medardo "Ka Roda" Roda na yumao noong Setyembre 5. Matapos ang misa, binigyang-parangal si Roda ng iba't ibang militanteng lider at organisasyon, na tumitingala sa kanya bilang isa sa pangunahing lider-oposisyon noong diktadurang Marcos at pinakatanyag na lider ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon bilang tagapangulong emeritus ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o Piston. Umapaw ang mga tao sa UCCP Chapel sa EDSA, Quezon City sa dami ng mga gustong makiisa sa parangal. Inilibing si Roda noong Setyembre 12.

Larawan: Konsiyumer, nagpetisyon vs pagtaas ng singil sa kuryente sa Mindanao

Pinangunahan ng mga miyembro ng Consumer Alert ang isang signature drive sa Agdao Public Market sa Davao City para mangampanya laban sa pagtaas ng singil sa kuryente na ipinapatupad ng Davao Light Power Company na pag-aari ng mga Aboitiz. Nangangamba ang grupo na lalala ang aba nang kondisyon ng mga mahihiap sa Mindanao bunsod ng dagdag-singil sa kuryente.

Larawan: Samahan ng dating mga detinidong pulitikal nagkumperensiya, magpoprotesta

Idinaos ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Amnestiya o SELDA ang isang pambansang kumperensiya. Dito tinalakay ang usaping matagal naisyung bayad-pinsala sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng diktadurang Marcos. Tinalakay din ang kasalukuyang kalagayn ng halos mahigit 300 bilanggong pulitikal na nasa iba't ibang piitan sa buong bansa. Dumalo sa pagtitipon ang mga dating bilanggong pulitikal na sina dating Rep. Satur Ocampo, Maita Gomez, at dating Rep. Romeo Candazo. Itinakda rin nila ang Setyembre 17 bilang pambansang araw ng pagkilos para sa mga bilanggong pulitikal sa bansa.

Maralita sa Davao, tutol sa demolisyon

Davao City – Nagpiket ang mga residente ng Monfort, Fatima sa Bacaca, kasama ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa harap ng City Housing Office para ihayag ang pagtutol sa napipintong demolisyon sa kanilang mga bahay at hilingin ang interbensiyon ni Davao City Mayor Sara Duterte.