Tunay na reporma sa lupa: hindi suntok sa buwan


Batid ng mga magsasaka ang hirap na daranasin nila para maisulong ang panukalang batas para sa tunay na repormang agraryo. Pero desidido silang ipagtagumpay ang laban.

Rali ng mga magsasaka noong Enero 20: Desididong ipagtagumpay ang laban para sa tunay na repormang agraryo. (Ilang-Ilang Quijano)
Rali ng mga magsasaka noong Enero 20: Desididong ipagtagumpay ang laban para sa tunay na repormang agraryo. (Ilang-Ilang Quijano)

HINDI miminsang tinanong si Anakpawis Rep. Rafael Mariano kung seryoso sila sa pagtutulak na isabatas ang House Bill 3059 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).

Dahil sa umano’y kabiguan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na ipamahagi ang mga lupain ng bansa sa mga magsasaka, idinisenyo ang GARB ng progresibong mga party-list kasama ng militanteng mga samahang magsasaka. Inihain nila sa Kongreso, noong 2007, ang panukalang batas na umano’y “kumakatawan sa di-kumukupas na adhikain para sa tunay na reporma sa lupa.”

Noong Hunyo 2008, nagtapos ang CARP. Sinimulan ng gobyernong Aquino 20 taon na ang nakakaraan para tugunan ang demokratikong panawagan ng kilusang masang nagpatalsik sa diktadura, nagtapos ito nang nananatiling konsentrado pa rin ang mga lupain ng bansa sa kamay ng iilang panginoong-maylupa.

Marami sa mga panginoong maylupang ito, matatagpuan mismo sa loob ng Kongreso, gaya ng mga Arroyo na malalawak ang lupain sa Negros Occidental. Kaya naman nang mapresyur ang mga kongresista na palawigin ang CARP na kapos pa sa target nitong mga lupaing dapat ipamahagi, ipinasa nila ang Joint Resolution 19 o anim na buwang ekstensiyon ng programa.(Basahin ang kaugnay na artikulo)

Inulan ng batikos ang Joint Resolution 19 dahil tinanggal sa CARP ang complusory land acquisition o sapilitang pagbawi ng lupa, at ginawa na lamang itong boluntaryo. Hindi rin maaaring amyendahan ang batas ng isang resolusyon lamang. Kalaunan, ibinasura na rin ng Kongreso ang House Bill 4077 o CARP Extension With Reforms na itinutulak naman ng ilan.

Pero hindi na lamang hahayaan ng mga magsasaka na tuluyang makalimutan ang kanilang problema sa kawalan ng lupa. Ngayong “patay na” ang huwad na CARP, ayon kay Rep. Mariano, panahon nang maipakilala ang GARB na isang radikal na programa para sa tunay na reporma sa lupa.

“Seryoso, pursigido, at ubos-kaya” nila itong itutulak na maisabatas, tawagin mang suntok sa buwan ng karamihan.

Layunin ng GARB

Matayog ang mga layunin ng GARB. Kabilang rito ang pagbasag sa monopolyo sa lupa ng iilang panginoong maylupa at dayuhang kompanya; pagwasak ng piyudal at mala-piyudal na pagsasamantala sa kanayunan; pairalin ang mga kooperatiba para sa pagpapataas ng produktibidad ng benepisyaryong magsasaka; at paunlarin ang agrikultura ng bansa bilang salalayan ng pambansang industriyalisasyon.

Sa GARB, ipapamahagi nang libre ang lahat ng mga lupaing agrikultural ng bansa sa mga magsasaka. Ito umano ang pinakamalaking pagkakaiba nito sa CARP, na maraming mga eksempsiyon na nagagamit ng mga panginoong maylupa at negosyante para patuloy na kontrolin ang mga lupain at agawin ang mga ito sa mga magsasaka.

Saklaw ng GARB ang mga pribadong lupain gaya ng malalaking asyenda, plantasyon ng mga korporasyong transnasyunal, lupaing pang-aquaculture, at mga lupaing nakatiwangwang. Saklaw din nito ang mga pampublikong lupain gaya ng mga lupaing idineklara ng gobyerno para sa gamit komersiyal, residensyal, at industriyal, reserbasyong militar, eryang panturismo, lupaing mineral, at special economic zones.

Wala rin sa GARB ang mga iskemang alternatibo gaya ng stock distribution option, leaseback, joint venture, corporative scheme, at farm management contract na mayroon ang CARP at ginamit para hadlangan ang aktuwal na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka. Sa ilalim ng GARB, hindi rin pagbabayarin ang mga magsasaka ng amortisasyon sa lupa, na sa ilalim ng CARP ay naging dahilan para mabawi ito sa kanila.

GARB, inaasam-asam

Inaasam-asam ng 72-anyos na si Rufina Nolasco ng Brgy. Balibag, Calatagan, Batangas, ang araw na mapapasakanilang muli ang lupain na sinaka ng kanila pang mga ninuno. Kasama si Nanay Rufina, tagapangulo ng Samahan ng Ugnayan ng Mangingisda at Magsasaka sa Calatagan, sa mga magsasakang bumiyahe sa Maynila para sa kilos-protesta noong Enero 22.

Ginunita ng mga magsasaka, sa pangunguna ng Kilusang Magubukid ng Pilipinas, ang ika-22 anibersaryo ng Mendiola Massacre kung saan 13 magsasaka ang namatay sa isang marahas na dispersal sa kilos-protestang nananawagan ng tunay na reporma sa lupa. Kasabay nito, iginiit ng grupo ang pagsasabatas ng GARB.

“Walang kagutuman noong nasa mga tao pa ang lupa,” wika ni Nanay Rufina, na kagaya ng libu-libo pa sa 16 barangay sa Calatagan ay itinaboy sa lupaing binakuran at patuloy na inaangkin ng pamilyang Zobel de Ayala, sa kabila ng dalawang desisyon ng Korte Suprema na pabor sa mga magsasaka. Maya’t maya ang banta ng demolisyon sa kanilang mga tahanan. Iginigiit pa nila maging ang pananatili sa laylayan ng kanilang dating mga sakahan.

Walang naramdamang tunay na reporma sa lupa sa nakaraang 20 taon, aniya. “Ito (GARB) ang tunay na maglilingkod sa mga magsasaka, dahil ipapamahagi nang libre ang lupa. Kaiba sa CARP, na ginagamit lamang para bawiin ang lupa mula sa mga magsasaka,” aniya.

Bunuan sa Kongreso

Noong Enero 21, inikot ng mga lider ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) ang mga opisina ng mga kongresista para ikampanya ang GARB. Hindi sila pinansin at tinarayan pa sila ng iba. “Busy ako,” sabi umano sa kanila ni Rep. Elpidio Barzaga ng pangalawang distrito ng Cavite. Ang iba naman, gaya ni Rep. Justin Chipeco ng pangalawang distrito ng Laguna, nagsabing mas pabor siya sa ekstensiyon ng CARP kung ipananatili rito ang compulsory land acquisition.

Pinaunlakan naman sila ni House Speaker Prospero Nograles. Pero hindi siya nangakong susuportahan ang GARB at nagpahayag ng pagkiling sa pagreporma na lamang sa CARP. Sinabihan niya ang mga magsasaka na mag-lobby sa mga miyembro ng House Committee on Agrarian Reform. Pinangungunahan ang komite ni Akbayan Rep. Risa Baraquel Hontiveros, na may-akda namang ng HB 4077. “Kung ano ang committee report, ‘yun ang susuportahan ko,” aniya.

Gayunpaman, bukas umano siya sa debate hinggil sa GARB.

Para kay Rep. Mariano, makarating lamang sa plenaryo ang GARB, malaking tagumpay na para sa mga magsasakang nais ibalik sa pambansang usapin ang pangangailangan para sa tunay na reporma sa lupa, lalo sa gitna ng pandaigdigang krisis pampinansiya.

“Ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa ang magiging dahilan at daan sa pagkakaroon ng mas maunlad na agrikultura at mas matatag na pambansang ekonomiya na magiging pansalag sa mga bayo ng pandaigdigang krisis pampinansiya,” ayon sa mambabatas.

Sama-samang pagkilos

Sa pakikipagdiyalogo pa lamang sa mga kongresista at kay Nograles, ramdam na ni Imelda Lacandazo, tagapangulo ng Kasama-TK, na hindi magiging madali ang pakikipagbunuan para maipasa ng Kongreso ang GARB. Pero isa lamang umano ang pagsusulong ng GARB sa mga porma ng malaon nang pakikipaglaban ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.

“Tuluy-tuloy ang sama-samang pagkilos ng mga magsasaka. Natuto na ang mga magsasaka sa hakbang-hakbang na tunay na reporma sa lupa na sila mismo ang nagpapatupad,” aniya.

Inihalimbawa niya ang 2,800 ektarya sa Brgy. Macabud, Montalban, Rizal na ngayo’y kolektibong sinasaka ng mga magsasaka sa kabila ng tangkang land use conversion o pagpapalit-gamit ng lupa tungo sa golf courses at pabahay na pagmamay-ari ng pamilyang Ayala at Lopez.

Daan-daang magsasaka sa 1,700 ektaryang Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas, ang nakapanatili sa kanilang mga lupain sa kabila ng pagkansela ng kanilang mga Certificate of Land Ownership Award sa ilalim ng CARP at paninibasib ng mga kompanyang nais gamitin ang lupa para sa turismo.

Gayundin, sa Mamburao, Mindoro Occidental, hindi na nagbubuwis ang mga magsasaka sa may-ari ng isang 600-ektaryang lupain. Dati-rati, aabot sa 12 kaban ng palay kada ektarya at 60 porsiyento ng ani sa mangga ang kanilang ibinabayad sa panginoong maylupa na si Rodrigo Quintos.

Samantala, sa Hacienda Luisita ng pamilyang Cojuangco sa Tarlac, isa sa pinakamatingkad na halimbawa ng kabiguan ng CARP at lunsaran ng pakikibakang magsasaka na lumundo sa isang masaker noong 2004, may 1,800 ektarya na ang kolektibong tinatamnan ng mga magsasaka.

“Sa pamamagitan ng pag-oorganisa at sama-samang pagkilos, ‘yung hindi kayang ibigay na lupa ng gobyerno at mga kapitalista, kayang bawiin ng mga magsasaka. Ito ang tunay na diwa ng tunay na reporma sa lupa,” sabi naman ni Lita Mariano, pangkalahatang kalihim ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, grupong kabilang din sa mga nagsusulong ng GARB.

Kaya’t maaaring suntok sa buwan ang pagsasabatas ng GARB – pero hindi ang pagkamit ng mga magsasaka sa tunay na reporma sa lupa.