Pananakit sa miyembro ng KMP kinondena, tunay na reporma sa lupa iginiit
Kinondena ng Anakpawis Party-list ang pananakit ng isang legislative security guard ng Kamara sa isa nilang miyembro matapos ang protesta ng grupo kontra sa anila’y bogus na batas para sa reporma sa lupa. “Bali ang buto sa ilong ni Gary Constantino, kailangang operahan,” sabi sa text message sa Pinoy Weekly ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap. Plano ng kanilang […]
Kinondena ng Anakpawis Party-list ang pananakit ng isang legislative security guard ng Kamara sa isa nilang miyembro matapos ang protesta ng grupo kontra sa anila’y bogus na batas para sa reporma sa lupa.
“Bali ang buto sa ilong ni Gary Constantino, kailangang operahan,” sabi sa text message sa Pinoy Weekly ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap. Plano ng kanilang grupo na magsampa ng kaso laban sa security guard na nanuntok kay Constantino.
Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Anakpawis, Amihan at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ang kilos-protesta sa session hall lobby ng Kamara para ipanawagan ang pagbasura sa tangkang pagpapalawig pa ng implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program sa pamamagitan ng pagpasa sa House Bill 4296 (CARP Extension Bill).
Ayon sa Anakpawis, nagkaroon na ng kasunduan si Pangulong Aquino at mga tagapanukala ng HB 4296 na ipapasa ito para mabigyan ng awtoridad ang Department of Agrarian Reform (DAR) na mag-isyu ng notice of coverage sa mga lupang nasa listahan ng DAR na hindi nasaklaw ng coverage bago magtapos ang CARP noong Hunyo 30, 2014.
“Tulad din ‘yan ng listahan ng Hacienda Luisita. Nilinis na ng DAR para maalis sa listahan ang malalaking lupain ng mga panginoong maylupa bago pa maipasa ang bogus na CARP,” ani Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Sabi pa ng grupo, pahahabain ng HB 4296 ang paghihirap ng mga magbubukid at pagpapatuloy sa kontrol sa pulitika, ekonomiya at pyudal na pagsasamantala ng malalaking panginoong maylupa sa kanayunan.
“Palalakasin nito ang katulad ng mga Cojuangco-Aquino sa pagkontrol nila sa mga lupain at asyenda sa buong bansa,” ani Flores.
Pinabulaanan din ng KMP ang akusasyon ng grupong Akbayan na nagsabing ang pagtutol nila sa ekstensiyon ay pakikipag-alyansa sa mga panginoong maylupa. “Silang mga nagpapanukala sa HB 4296 ang totoong alyado ng mga panginoong maylupa tulad ni Aquino. Minamaniobra nila ang pagbuhay sa matagal nang patay na batas na kontra-magsasaka,” sabi pa ni Flores.
Idinagdag pa niya na anumang pagtatangkang buhayin ulit ang CARP ay magpapabilis daw sa pagbagsak ni Aquino. “Kagaya ng lumalaganap na mga panawagan–‘Tama na, sobra na, CARP ibasura’–nananawagan din kami ng ‘Tama na, sobra na, Aquino patalsikin’,” dagdag ni Flores.
Sinabi naman ni Hicap na gagawin nila ang lahat para harangin ang ekstensiyon ng CARP sa Kamara, maging sa Korte Suprema, kung kailangan.
“Malinaw na wala nang batayan ang ekstensiyon dahil expired na ang batas noon pang 2014,” sabi pa ni Hicap.
Sa halip daw na muling buhayin ang CARP sa pamamagitan ng muling ekstensiyon nito, panawagan ng mga miyembro ng KMP na ipasa na lamang ng Kamara ang House Bill 252 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).