Krisis sa kalikasan


Naniniwala ang mga grupong makakalikasan na para epektibong maharap ang ‘pagbabago ng klima’ sa Pilipinas, kailangang pagkaisahin at mapakilos ang karaniwang tao para pigilan ang mapaminsalang mga proyekto at polisiyang itinatakda ng gobyernong Arroyo kaugnay ng kalikasan.

earth-day-2009
Isinalarawan ng demonstrador na ito noong Earth Day ang masamang epekto sa kalikasan ng mga polisiya ng gobyernong Arroyo, kabilang ang panukalang muling pagbubukas ng Bataan Nuclear Power Plant. (Ilang-Ilang Quijano)

NALILITO ang panahon. Mainit tapos ay biglang uulan. Tag-araw pero mukhang napaaga ang pagpaparamdam ng tag-ulan. Ilan lamang ito sa sinasabing mga sintomas ng pagbabago ng klima o climate change. Para sa mga grupong makakalikasan, wala nang mas magandang pruweba sa pang-araw-araw na epekto nito sa karaniwang tao para sila mamulat at kumilos para harapin ang naturang isyu.

Kaya sa kabila ng nagtatagisang init at ulan, hindi napigilan ang ilandaang aktibistang makakalikasan, taong simbahan, katutubo, magsasaka’t mangingisda at siyentista mula sa Kamaynilaan, Gitna at Timog Luzon sa paggunita ng Earth Day noong Abril 22. Ginunita nila ito sa pamamagitan ng pagkalampag sa tanggapan ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) at dumulo sa harapan ng Kamara de Representante sa Lungsod Quezon.

Ipinarada nila ang makukulay at malikhaing mga karosa na sumisimbolo sa makabuluhang mga isyung pangkalikasan tulad ng pagbabago ng panahon, revival ng Bataan Nuclear Power Plant, malawakang pagmimina, komersiyal na pagtotroso, higanteng mga dam at mga tambakan ng basura.

Isang effigy naman ng Mother Earth na winawasak ng mga suliraning nabanggit sa itaas ang nagsilbing sentro ng parada. nito kung paano dinaranas ng kapaligiran ng Pilipinas ang malawakang pandarambong, pagkadusta at polusyong dulot ng mga polisiya at proyekto ng gobyerno na pumapayag sa di-sustenable at komersiyal na pagsaid sa ating likas na yaman ng mga pribado at dayuhang korporasyon,” ayon kay Clemente Bautista ng Kalikasan-People’s Network for the Environment (PNE).

Para sa Kalikasan, ang pagkawasak ng kagubatan, kabundukan, mga ilog at karagatan ay nagresulta na sa isang krisis sa kalikasan na lalong nagpapahirap at nagiging banta sa pag-iral ng mga mamamayan.

Kumperensiya ng karaniwang tao

Nauna rito, idinaos ng mga grupong makakalikasan sa pangunguna ng Philippine Climate Watch Alliance, isang multi-sektoral na alyansang naglalayong maharap ang epekto ng global warming, ang Confronting Climate Change: Unity of Grassroots Organizations and Advocates for Action and Solidarity” noong Abril 20 at 21 sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon.

Pangunahing layunin ng naturang kumperensiya na bigyan ng edukasyon ang mga batayang sektor sa isyu ng pagbabago ng klima at maghapag ng mga rekomendasyon at plano ng pagkilos kung paano mababawasan at makakaangkop sa epekto ng global warming sa antas-komunidad.

Dinaluhan ito ng mga katutubo, magsasaka, mangingisda, maralitang tagalungsod, manggagawa, siyentipiko at grupong makakalikasan mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon sa mga organisador ng kumperesiya, ang mga batayang sektor ang pinatatamaan ng epekto ng climate change pero sila ang hindi gaanong nakakaalam tungkol dito. Itinuturing nilang isang hakbang pasulong ang naturang kumperensiya para makalikha ng kolektibo at matagalang solusyon sa pagharap sa pagbabago ng klima.

Environmental Czar(ot)

Gayunman, sa kabila ng malubhang kalagayan ng kapaligiran, nananatiling matigas si Pangulong Arroyo – na nagdeklara sa kanyang sarili bilang environmental czar – na baliktarin ang mga polisiya at programa nito kaugnay ng pagmimina, pagtotroso at enerhiya na napatunayan nang mapanganib hindi lamang sa ekolohiya kundi pati na rin sa mga mamamayang pilit umaangkop sa global warming.

Sa ngayon, itinuturing ng ilang eksperto sa kalikasan ang Pilipinas bilang ‘biodiversity disaster area.’ Dahil ito sa mabilis na pagkawala ng biodiversity o ang ugnayan ng mga bagay na may buhay. Isa rin ang Pilipinas sa mga tinukoy na pinakabulnerbale sa epekto ng climate change.

Paliwanag ni Bautista, nang magsimula ang ika-21 siglo, mahigit 93% ng kagubatan ang nawala sa Pilipinas. Itinuturing itong isa sa pinakamabilis at malawakan sa buong mundo. Kalakhan ng pagkaubos ng gubat ay dulot ng pagtotroso at pagmimina.

Ang pagkakalbo ng kagubatan kasabay ng epekto ng pagbabago ng kilma ay nagresulta sa pinakamalalalang sakuna at trahedya sa Pilipinas tulad ng pagbaha sa Ormoc noong 1991, pagtagas ng mina sa Marcopper sa Marinduque noong 1996, pagguho ng lupa sa Aurora at Quezon noong 2004 at ang pagtagas ng mina sa Lafayette sa Albay noong 2005.

Maliban pa sa malawakang pagmimina at pagtotroso, malaki rin ang kontribusyon ng mga tambakan ng basura sa pagbabago ng klima.

Halimbawa dito ang planong mga tambakan sa San Mateo, Rizal at Bulacan na ayon sa mga eksperto ay
itnuloy pa rin gobyerno kahit pa ito ay nasa gubat at watershed area.

Nangangamba ang grupong makakalikasan na maglalabas ng nakalalasong gas ang naturang mga tambakan na magdudulot ng polsuyon sa atmospera at mag-aambag sa global warming.

Climate change hindi charter change

Lalo namang nagalit ang mga grupong makakalikasan dahil noong bisperas ng Earth Day, minamadali ng gobyernong Arroyo at mga alyado nito sa Kamara ang deliberasyon sa charter change o Cha-Cha.

Ayon kay Bautista, parang nag-iimbita ng sakuna ang gobyernong Arroyo sa pamamagitan ng Cha-Cha dahil papayagan nito ang mga dayuhan na magmay-ari ng lupa sa Pilipinas.

“Bibigyan nito ang mga dayuhang kompanya ng mas malaking control para pagkakitaan an gating likas na yaman at wasakin ang kapaligiran. Nakita at naranasan na natin ito sa ilalim ng Mining Act of 1995 na nagbigay rin ng permiso sa mga dayuhan na magmay-ari ng libu-libong ektarya ng lupang mineral, sabi pa niya.

Kaya panawagan ng mga grupong makakalikasan para sa kapakanan ng kalikasan at mga mamamayan, dapat nang itigil ng gobyernong Arroyo ang pagsusulong ng charter change at harapin ang isyu ng climate change. Dapat anila, na itigil at bawiin ang mga mapaminsalang mga programa sa pagmimina at pagtotroso.

Ayon pa mga grupong makakaliksan, kung hindi tayo kayang protektahan ng gobyerno mula sa sakunang dulot ng nagbabagong panahon, ang tanging pag-asa ay kolektibong pagkilos at pagkakaisa sa pagharap sa pandaigdigang banta ng pagbabago ng klima sa satili nating mga pamamaraan at sariling lakas.