Salungat sa katiwasayan ng kalikasan


Layunin ng UNFCCC ang pagpigil sa “mapanganib” na pakikialam ng tao sa sistema ng klima. Subalit ganito man ang kanilang layunin, laganap pa rin ang krisis pangkalikasan. 

Bago matapos ang taon, muling nagtipon ang iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas, sa taunang pulong higgil sa pagbabago ng klima at krisis pangkalikasan. Nariyan ang usapin ng mga kasalukuyang proyekto na salungat sa katiwasayan ng kalikasan at nagpapatuloy na pag-atake sa mga environmental defender.

Ilan lang ito sa maaaring pag-usapan sa ika-28 Conference of the Parties (COP28) ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) mula Nob. 30 hanggang Dis. 12 sa Dubai, United Arab Emirates (UAE).

Sentro sa talakayan ng COP28 ang pagtaas ng greenhouse gas emissions at epekto nito sa klima. Kasama rin sa talakayan na hindi dapat fossil fuels ang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya. Ganoon din ang internasyonal na pondo para sa climate adaptation.

Kaugnay nito, naging kontrobersiyal ang itinalaga ng UAE na mamuno sa COP28 na si Sultan Ahmed Al Jaber, chief executive officer (CEO) ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC). Nababahala ang mga environmental defender na baka makaapekto sa talakayang pangkalikasan ang interes ni Al Jaber sa produksiyon ng langis at gas.

“Dagdag sa mga duda ay ‘yong COP president ngayon o head n’ong summit ay isang CEO ng oil company na ADNOC,” ani Mitzi Jonelle Tan ng Youth Advocates for Climate Action Philippines (Yacap). 

Layunin ng UNFCCC ang pagpigil sa “mapanganib” na pakikialam ng tao sa sistema ng klima. Subalit ganito man ang kanilang layunin, laganap pa rin ang krisis pangkalikasan. 

Si Mitzi Jonelle Tan (dulong kaliwa), kasama si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel at iba pang kabataang climate advocate sa COP28 sa Dubai. Youth Advocates for Climate Action Philippines/Facebook

“Ang mga partido ng conference ay bigo na makagawa ng mga makabuluhang hakbang upang pagaanin ang mga epekto sa klima,” ani Enteng Bautista ng International League of Peoples’ Struggle Environment Commission at Kalikasan People’s Network for the Environment.

Kahit sa mga nakalipas na COP, lumalabas na hindi rin naisaayos ang mga alalahanin sa kalikasan.

“Ang pagtatatag ng UNFCCC sa pandaigdigang carbon emission at global na temperatura ay patuloy na tumaas, na inilalantad ang kabiguan ng COP at mga nagkakaisang bansa,” dagdag ni Bautista.

Sa COP27 noong nakaraang taon, maaalalang tungkol sa loss and damage fund ang agenda nito. Bilyon-bilyong dolyar ang halaga ng pinsala dulot ng pagbaha, wildfire at rekord na tagtuyot sa buong mundo. Gayunpaman, nabigo ang mga bansa na maabot ang pinagkasunduang pondo para rito.

Sa lagpas dalawang dekadang ng COP, tila alanganin ang mga proyekto sa climate action sa bansa. Tumitindi ito lalo sa mga proyekto gaya ng reklamasyon, nuclear energy imbis na renewable energy, suliranin sa El Niño, at record-breaking na temperatura. 

Axell Swen Lumiguen/Pinoy Weekly

Ayon sa mga eksperto, matinding pagbaha ang mapaminsalang dulot ng reklamasyon. Nang magsimula ang mga ito, maraming mga mangrove forest ang sinira. Lingid sa kaalaman ng iba, mga mangrove ang nagsisilbing panangga sa bagyo at baha.

Bukod dito, ang reklamasyon sa Manila Bay ang nagpahina sa kabuhayan ng mga mangingisda at pagkawala ng tirahan ng mga mamamayan sa palibot nito. 

Lumala din ang mga pagbaha sa lugar tulad sa lalawigan ng Bulacan nang magsimula ang reklamasyon para sa mga proyektong New Manila International Airport (NMIA) at Bulacan Aerotropolis Project ng San Miguel Corporation (SMC).

Maliban sa Manila Bay, nakaamba rin ang maraming proyekto ng reklamasyon sa iba’y ibang bahagi ng bansa tulad sa Sorsogon, Leyte, Cebu at Negros Island.

Asian Development Bank

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), may potensiyal na panganib ang El Niño sa agrikultura, produksiyon ng pagkain, pinagkukunan ng tubig at iba pang komunidad.

Taong 2018, umabot sa bilang na 247,610 ang mga apektadong magsasaka dulot ng El Niño ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council. Habang P7.98 billion ang pinsala nito sa agrikultura.

Sa kasalukuyang taon, naitala rin ang record-breaking heat na umabot sa 1.46 degrees Celsius na mas mataas sa pre-industrial average, ayon sa report ng Copernicus Climate Change Service.

ABS-CBN via ASEAN Centre for Energy

Kasama sa usapin sa COP28 ang paggamit ng nuclear energy kaysa renewable energy.

Halos apat na dekada na ring nakatiwangwang ang Bataan Nuclear Power Plant na hindi kailaman nagamit para makapag-generate ng kuryente. Mariin ang naging pagtutol ng mamamayan noong 1970s hanggang 1980s sa mga panganib ng plantang nukleyar na nakatayo malapit sa isang pangunahing geological fault line.

May panganib din ng nuclear disaster kagaya ng nangyari sa Chernobyl Nuclear Power Plant sa Ukraine noong 1986 at Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant sa Japan matapos ang isang malakas na lindol noong 2011.

Panawagan ng mga anti-nuclear energy advocate na ilaan na lang ang badyet sa pagpapaunlad pa ng renewable energy lalo na sa mga bansang nangangailangan nito.

Youth Advocates for Climate Action Philippines/Facebook

Nangingibabaw ang duda ng mga environmental activist sa kalalabasan ng COP28 dahil sa mga kasunduan ng mga namumuno na bansa.

“Kaya lang, 28 na, ibig sabihin ‘yong COP na nakalipas, malaking tanong dito kung ano na nga ba ang mga signipikanteng inabot. Kaya dito na pumapasok na marami na ‘yong duda sa maaabot ng COP,” ayon kay Lia Mai Torres ng Center for Environmental Concerns.

Sa usapin ng badyet, panawagan ng mga climate advocates sa developed countries na manguna sa mitigation at pagpipinansya sa mga proyekto’t programa para mabawasan ang epekto ng pagbabago ng klima.

Kontrobersiyal din ang paghawak ng World Bank sa loss and damage fund. 

Giit ni Torres, “Nagpapatunay ito ng kanilang pagpasok sa business interest dito sa COP at imbis na sila ay makakatulong, sila pa ang ay kumikita dito sa usapin ng climate change.”

Naninindigan ang mga environmental defender na sina Tan, Bautista at Torres na kahit na isagawa ang iba’t ibang talakayan tungkol sa kalikasan sa COP28, tiyak na hindi ito magdadala ng seguridad sa mga tao kung hindi nito matutugunan ang ugat ng problema sa kalikasan.