Migrante

OFW na naaksidente sa Jeddah, pinababayaan ng gobyerno?


Pinababayaan umano ng gobyerno ang isang OFW (overseas Filipino worker) na nasa isang ospital pa hanggang ngayon sa Jeddah, Saudi Arabia matapos itong ma-comatose sanhi ng aksidenteng naganap noong Setyembre 2008. Ayon sa Migrante-Middle East, inilabas nila nitong Mayo 22 ang balita hinggil sa kaso ni Ruben de Leon, 25 taon gulang, dahil na rin […]

Pinababayaan umano ng gobyerno ang isang OFW (overseas Filipino worker) na nasa isang ospital pa hanggang ngayon sa Jeddah, Saudi Arabia matapos itong ma-comatose sanhi ng aksidenteng naganap noong Setyembre 2008.

Ayon sa Migrante-Middle East, inilabas nila nitong Mayo 22 ang balita hinggil sa kaso ni Ruben de Leon, 25 taon gulang, dahil na rin sa paghingi ng tulong ni Marissa de Leon, ina ng biktima sa kanilang tanggapan.

Sa salaysay ni Marissa sa Migrante, hindi umano siya nakakuha ng impormasyon tungkol sa kanyang anak sa kabila nang madalas niyang pagpunta at paghingi ng tulong sa DFA (Department of Foreign Affairs).

Bukod dito, hindi man lamang umano nagbigay ng tulong kay de Leon ang konsul-heneral at tanggapan ng Owwa (Overseas Workers Welfare Administration) sa Jeddah habang ito ay nasa ospital. Kinumpirma naman umano ito ng isang Elsa Trinidad Masa, isang empleyado sa Philippine Consul General.

Binatikos ng Migrante si Masa dahil sa pagkausap nito kay Paul Mercado, kaanak ni de Leon na nagtatrabaho rin sa Jeddah, para pabulaanan ang naunang pahayag ng Migrante na walang naitulong ang PCG kay de Leon habang ito ay nasa ospital.

Sinabi pa umano ni Masa na minsan nang bumisita ang mga kinatawan ng PCG kay de Leon taliwas sa sinasabi ng DFA na wala silang impormasyon sa kalagayan ng biktima.

Sa halip umano na dinggin ang kahilingan ng ina ni de Leon para matulungan ang kanyang anak, pilit pa umanong pinagtatakpan ng PCG sa ilalim ng pamumuno ni konsul-heneral Ezzadin Tago ang kapabayaan nito sa biktima.

Ang dapat gawin ni Tago ay magbigay ng tunay at mabilisang pagtulong sa mga OFW na may suliranin at hindi ang pagtatakip sa kapabayaan sa mga OFW at kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagmamaniobra at panlilito sa tunay na isyu, ayon sa Migrante.

Sa pinakahuling ulat ng Migrante, nagsisimula nang bumuti ang kalagayan ni de Leon at nakikilala na ang kanyang mga kaibigan at kaanak.

Si de Leon ay nagsimulang magtrabaho bilang helper sa isang kompanya sa Saudi noong 2006. Natapos niya ang dalawang taong kontrata noong Hulyo 2008 pero kinuha siyang muli ng kanyang employer para ipagpatuloy ang kanyang trabaho.

Naaksidente si de Leon nang mabangga ito ng isang kotseng minamaneho ng isang 16 na taong gulang na Arabyano.

Kaugnay nito, nanawagan ang Migrante sa House Committee on Overseas Workers Affairs at sa Senate Labor Committee para imbestigahan ang kapabayaan ng mga opisyal ng PCG kay de Leon para magawan ito ng kaukulang hakbang.