Lathalain

Sa paggunita sa unang taon ng pagpanaw ni Ka Bel

Pages: 1 2 Next page »

1987_w_mike

Si Ka Bel, nagtalumpati sa isang rali matapos mapaslang ang kapwa lider-obrero na si Rolando Olalia noong 1987.

Sa isang payak na katha na may pamagat na “Ka Bel,” inilarawan ng makatang si Gelacio Guillermo ang kasimpayak ngunit makabuluhang buhay ni Crispin Beltran.

Si Ka Bel ay isang lider-obrero’t progresibong mambabatas na lagi’t laging may matalim na kritika sa Estado, nasa unahan ng laban ng mga maralita at piniling manatili bilang simpleng mamamayan na naghihirap sa ilalim ng kasalukuyang kaayusan ng lipunan.

Tinalunton ng katha ang pagkabata, pagkabinatilyo’t pagbibinata, at ang pagtanda ni Ka Bel. Binahagi din kung paano siya namulat mula sa kanyang sariling nakaraan at mga karanasan. At ana ng makata, sa buong buhay niya, “hindi tinalikuran ni Ka Bel ang kanyang uri.”

At isang taon matapos ang pagpanaw ni Ka Bel, buhay pa rin ang alaala ng kanyang buhay na inalay para sa bayan.

“Nag-iwan si Ka Bel ng natatanging legasiya sa pagtatanggol ng interes ng mga manggagawa at iba pang aping uri sa lipunan,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na minsa’y pinamunuan niya.

Ilang tala sa mula sa mahabang talambuhay

Lumaki sa karalitaan si Ka Bel. Musmos pa lamang, batid na niya ang kahalagahan ng paggawa. Ilan naman sa naging mga hanapbuhay ni Ka Bel ang pagtulong sa sakahan, pagtanggap ng labada, at pagdidyanitor. Nagtrabaho siya upang matususan ang kanyang pag-aaral.

Naging drayber ng taksi si Ka Bel at nang lumao’y sumama sa mga protesta laban sa di makataong turing sa mga manggagawa. Tinatag ang Amalgated Taxi Drivers Association kung saan naging tagapangulo si Ka Bel mula 1955 hanggang 1963. Matapos ito, kasama sina Felixberto Olalia at Feliciano Reyes, tinatag naman niya ang Confederation of Labor of the Philippines. Naging pangalawang tagapangulo siya nito sa loob ng siyam na taon mula noong 1963.

Hindi naman natinag ng batas militar si Ka Bel. Sa mapanupil na panahon na ito, kasama siya nang buuin ang Federation of Unions in Rizal at Philippine Nationalist Labor Organization. Noon namang 1980, naitatag ang KMU na lumaki ang kasapian mula 100,000 patungong 500,000 sa kabila ng batas militar. Mahalaga ang naging papel ng KMU at ng kilusang paggawa sa pagsalag at paglaban sa pasismo ng diktadurang Marcos.

Sa kasagsagan ng malupit na panunugis noong 1982, isa si Ka Bel sa mga hinuli at piniit. Gayunman, nakatakas siya matapos ang dalawang taon. Nagpatuloy siya sa pagkilos laban sa diktadura sa kanayunan.

Nang paslangin si Rolando Olalia noong 1987, humalili si Ka Bel bilang tagapangulo ng KMU. Tumakbo din siya sa pagkasenador sa ilalim ng Partido ng Bayan at nakaani ng 1.52 milyon na boto. Ngunit ayon sa pagsisiyasat ng KMU, natalo ito dahil sa matinding dagdag-bawas.

Ilan pa sa mga pinamunuan ni Ka Bel ay ang Bagong Alyansang Makabayan mula noong 1993 hanggang 1999 at ang International League of Peoples’ Struggle noong 2002. Samantala, nanatili siyang aktibo sa KMU hanggang 2003.

Mula naman noong 2001 hanggang 2003, nanilbihan siya bilang kinatawan ng Bayan Muna Party-list. Noong 2004 hanggang sa kanyang kamatayan, isa siya sa mga kinatawan ng Anakpawis Party-list. Nanguna ang party-list na ito sa pagtataguyod ng interes ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod at iba pang sektor ng lipunan sa loob ng Kamara.

Noong ika-20 ng Mayo ng nakaraang taon, sumakabilang-buhay si Ka Bel sa FEU Hospital matapos mahulog mula sa bubong ng kanyang bahay sa Bulacan na kanyang kinukumpuni. Ana marami, bagama’t hindi ito namatay sa pakikipaglaban sa lansangan gaya ng kanyang nais, lumisan pa rin ito bilang bayani ng bayan.

Pages: 1 2 Next page »

No related posts.

Discussion

No comments for “Sa paggunita sa unang taon ng pagpanaw ni Ka Bel”

Post a comment

Opinyon

Salamat po Pangulong Arroyo para sa footbridge na ito

Ito ang higanteng tarpaulin na magkabilaang bumabalandra sa mga dumadaan ng Commonwealth Avenue, patungong Quezon Memorial Circle. “Calling card” kumbaga ni Gloria Arroyo sa paghahanap ng legacy ng kanyang termino. Na kahit ang opisyal sa Quezon City na nagpagawa ng anunyso na bawal ang political propaganda sa mga lansangan nito ay tila nagkikibit-balikat na lamang.

Read on