#KuwentongKabataan

Sa ‘Daang Kalayaan’ ko nakilala si Ka Bel


Ang ngalang Crispin B. Beltran ni minsan yata ay hindi man lang nahagip ng mga mata sa mga librong nabasa o nadinig sa mga pinasukang lektura sa eskuwela, sa alinmang baitang.

Crispin Beltran in Congress

Ang ngalang Crispin B. Beltran ni minsan yata ay hindi man lang nahagip ng mga mata sa mga librong nabasa o nadinig sa mga pinasukang lektura sa eskuwela, sa alinmang baitang.

Bagaman isinilang ako nang higit na maaga—taong 1999—kaysa sa kanyang apo sa tuhod na si Trixie Manalo, tulad ako ng huli na wala ni katiting na alaala tungkol sa kanya. Pero kaiba ni Trixie na mayroong direktang kinalaman at, maraming nang narinig at maririnig pang mga kuwento sa naging buhay ni Beltran, sa akin siya ay isang ganap na estranghero.

Pero, bakit? Kung isa ka pa lang huwaran.

Sa katunayan, “pambihira” ang sa pangalan mo ay naitugma nang matapos ang pagbabahagi ni Trixie sa dula-pelikulang “Daang Kalayaan.”

Sanhi ng napagsabay mo ang pag-ibig sa iyong naging kabiyak na si Osang at ang pag-uunyon.

Lumaban ka kahanay ang mga kasama para sa karapatan ng mga manggagawa at buwagin ang maling pamamalakad ng mga kapitalistang ganid sa kita.

Mula sa pag-oorganisa, pagpipiket, hanggang sa pagmamartsa, at kalaunan, ang paggampan nang tuwid sa pagiging kongresista. Ang mga suhol nga, noon pa man, sa iyo ay walang talab. Kaya siguro, minsan ka na ring tinaguriang kongresistang pinakamahirap.

Sa kinalakihan ko kasing bayang nabibilang sa Distrito Dos ng Bulacan, tila iisa lang ang kongresistang namumuno, magpapalit-palit man ng unang pangalan at mukhang ihinaharap tuwing kampaniyahan. Ngunit, salat malasahan ang pag-unlad, habang ang kanilang estado, madaling sabihing napakarangya ikompara man kanino,  pero siyempre, hindi sa mga crony.

Namatay ka man matapos mahulog sa kinukumpuning bubong. Ngunit, hindi ikinamatay ng unyonismo at ng puwesto ng uring manggagawa sa Kongreso.

Ikaw, Ka Bel: “Ka, ibig sabihin ay kasama. Ka, mas mabigat sa kaibigan, mas matimbang sa dugo.”

Sa iskrin man kita nakilala, sana ang mga tulad mo ang mamuno sa bansa nang matunton ang suliraning nag-ugat sa tunay na danas ng uring manggagagawa.