9 na inabusong OFW sa Libya nakauwi na
Siyam na OFW (overseas Filipino workers) na biktima ng labor malpractice sa Libya ang nakauwi na sa Pilipinas noong Hunyo 24 habang lima pa ang naghihintay ng kanilang iskedyul ng pag-uwi, ayon sa Migrante-Middle East.
“Siyam sa 14 na OFW na biktima ng labor malpratctice at pagpapalit ng kontrata ang umalis noong Hunyo 24 patungong Maynila sa pamamagitan ng Qatar Airways, habang lima pa ang naghihintay ng kanilang iskedyul. Pansamantalang tumuloy ang mga OFW sa tanggapan ng Polo-Owwa (Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration) sa Libya mula pa noong Pebrero 27 matapos silang tumakas mula sa kanilang employer,” ayon kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-ME.
Ang mga napauwi ay sina Bernard Capitan, Mario Baldueza, Joel Dumdum, Eufracio M. Macatangay, Felixberto Elejedo, Ismael Bobadilla, Joel Mortel, Frederick Legaspi at Rico Becera. Habang naiwan naman sina Fredo Morales, Edward Antiga, Romuel Cabana, Wilson Quiambao at Reymundo Bilale.
Sinabi ni Monterona na nakatanggap siya ng liham mula sa 14 na OFW noong Mayo 22, 2009 na nagsasabing hindi sila binabayaran ng sapat batay sa kanilang kontrata. Hindi rin umano sila binigyan ng pay slip at walang medikal na benepisyo at iba pa.
Agad naman itong iniulat ng Migrante sa Polo-Owwa at nangako naman si Labor Attache Nasser Mustafa na tututukan nila ang kaso ng mga nabanggit na OFW para makuha ang kanilang mga suweldo at ang kanilang tiket sa eroplano.
“Nakuha naman ng siyam na OFW ang kanilang di-nabayarang suweldo at binayaran ng kompanya ang kanilang tiket. Ngayo’y titiyakin naman namin na gagawin din ng Polo ang lahat para makauwi na rin ang lima pang naiwan”, ani Monterona.
Sinabi pa ni Monterona na ang mapait na sinapit ng 14 na OFW, katulad ng daan-daan pang OFW sa Libya ay patunay lamang ng patuloy na pagtutulak ng administrasyong Arroyo sa pangingibang-bayan ng mga Pilipino kahit pa wala silang kaseguruhan sa pupuntahang bansa.
Iginiit niya pa na dapat nang itigil nang administrasyon ang pagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa at sa halip ay lumikha ng trabaho sa loob ng bansa.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2250













