Arroyo binatikos sa pagbebenta ng lupa sa dayuhan
Hindi na nagulat ang isang grupong makakalikasan sa balitang isang dayuhang kompanya ang nakapag-ari ng 400,000 ektaryang lupain sa Hilagang Luzon na maaari nitong gamitin nang libre sa loob ng 50 taon.
Ayon kay Clemente Bautista, tagapag-ugnay ng Kalikasan People’s Network for the Environment, isa lamang ito sa mga kaso ng pagbebenta ng administrasyong Arroyo ng pambansang patrimonya sa mga dayuhan.
Inanunsiyo ng Pacific Bio-Fields Holdings Plc kamakailan na aprubado na ang kanilang pagtatanim ng niyog sa Luzon para pagkunan ng alternatibong panggatong na ibebenta umano sa Japan.
Sinabi naman ni Bautista na hindi ito ang unang pagkakataon na nagbigay ng malawak na lupang agrikultural sa mga dayuhang kompanya si Pangulong Arroyo. Noong Mayo 2007, nakipagkasundo ang PNOC-Alternative Fuels Corp., isang korporasyong pag-aari ng estado sa kompanyang Briton na NRG Chemical Engineering Pte. Sangkot dito ang US$1.3 proyektong biofuels sa isang milyong ektarya ng lupang agrikultural.
Idinagdag ng Kalikasan na hindi lamang sa mga proyektong biofuels nagbebenta ng lupa si Pangulong Arroyo kundi pati na rin sa iba pang industriya tulad ng pagmimina.
“Nilegalisa na ni Arroyo ang pag-aari ng mga dayuhan ng lupain sa Pilipinas partikular na ang mga transnational mining companies. Halimbawa nito ang proyektong pagmimina ng Xstrata (Swedish) at Oceana Gold (New Zealand) na nag-aari ng 31,600 ektarya sa South Cotabato at 21,465 ektarya sa Nueva Vizcaya, ayon sa pagkakasunod,” paliwanag ni Bautista.
Batay sa datos ng gobyerno noong Hulyo 2008, 600,000 ektarya ng lupain sa Pilipinas ang nasa ilalim ng 544 kasunduang pagmimina na kalakha’y pag-aari ng mga dayuhan.
Nagbabala ang grupo na batay sa masamang rekord ni Pangulong Arroyo sa umano’y kasakiman sa kapangyarihan at kayamanan, ipagpapatuloy nito ang pakikipagkasundo sa mga dayuhang korporasyon at pagbebenta sa likas na yaman ng bansa.
“Isa ito sa mga dahilan kung bakit isinusulong ng administrasyong Arroyo ang pagbabago ng konstitusyon sa pamamagitan ng constituent assembly o con-ass. Sa pagtatanggal ng makabayang mga probisyon sa konstitusyon, malaya nang makapag-ari at mang-abuso ang mga dayuhan sa ating likas na yaman,” sabi Bautista.
Idinagdag pa ni Bautista na kung magtatagumpay si Arroyo at mga alipores nito sa pag-amyenda ng konstitusyon, patuloy na kikita ang mga ito sa pagbebenta ng likas na yaman ng bansa.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2138













