Radical Pinoy

Bakit ayaw ng kabataan at bayan sa Charter Change ni Arroyo?


1. Ang Charter Change ay isang taktika ni Gloria Macapagal-Arroyo para makapanatili sa pwesto lagpas pa sa 2010. Anupamang dahilan at palusot, hindi maiaalis ang motibong “term extension” sa Cha-cha. Batid ng kabataan at ng mamamayan, at maging ng mga kasampakat ni Arroyo, na tanging ang cha-cha ang nalalabing ‘ligal’ na paraan para matakasan ni […]

1. Ang Charter Change ay isang taktika ni Gloria Macapagal-Arroyo para makapanatili sa pwesto lagpas pa sa 2010.

Anupamang dahilan at palusot, hindi maiaalis ang motibong “term extension” sa Cha-cha. Batid ng kabataan at ng mamamayan, at maging ng mga kasampakat ni Arroyo, na tanging ang cha-cha ang nalalabing ‘ligal’ na paraan para matakasan ni Arroyo ang pananagutan sa mamamayan matapos ang termino niya sa 2010. Isinasapilit ni Arroyo, kanyang mga anak sa Kongreso, at kanyang mga kaalyado ang Cha-cha dahil tiyak ang samu’t saring mga kaso ng mga di-resolbadong anomalya, korapsyon, pandaraya at paglabag sa karapatang tao ang nakaamba nilang harapin malaong wala na sila sa pwesto pagsapit ng 2010.

2. Ang Cha-Cha ay maaaring gamitin para muling ipatupad ang Batas Militar.

– Tatanggalin ang 60-day limit sa pagdeklara ng batas militar at suspension ng writ of habeas corpus.
– Mawawalan ng kapangyarihan ang Kongreso na bawiin ang proklamasyon ng batas militar o suspensyon ng writ of habeas corpus.
– Mawawalan na rin ng kapangyarihan ang Korte Suprema na i-rebyu ang mga batayan ng pagdeklara ng batas militar.
– Palalabnawin ang mga kasalukuyang pamantayan ng pagdeklara ng batas militar ayon sa nakasaad sa Konstitusyon. Magiging mas bulnerable ito sa pagsasamantala ng mga makapangyarihan.
-Buburahin ang ilang mga makabuluhang probisyon sa Konstitusyon hinggil sa karapatang-tao at sa Bill of Rights.

3. Palalalain ng Cha-cha ang matinding krisis sa ekonomiya at kabuhayan.

– Ibubukas ng Cha-cha ang pambansang patrimonya at ekonomiya sa ibayo pang dayuhang pagsasamantala at pag-aari. Ayon sa probisyon sa Cha-cha hinggil sa ekonomiya, hindi na 60-40 porsiyento ang hatian para sa dayuhang pag-aari sa mga batayang industriya at serbisyo kundi papayagan na hanggang 100 porsiyento.
– Papayagan ang mga dayuhang entidad na magmay-ari maging ng mga lupang residensyal, komersiyal, at industriyal.
– Papayagan ang mga dayuhang entidad na malayang gamitin at lapastanganin ang mga likas-yaman ng bansa.
– Papayagan din ang mga dayuhang entidad na kontrolin at pagmay-arian ang mga pampublikong utilidad at serbisyon tulad ng tubig, kuryente, at telecommunications.

4. Palalalain ng Charter Change ang kolonyal, korap, at komersiyal na katangian ng ating kultura, edukasyon at mass media sa pamamagitan ng pagpayag sa tuwirang dayuhang pag-aari sa kontrol sa mass media, mga eskwelahan at advertising firms.

– Tatanggalin ang probisyong nagtitiyak na prayoridad ng gobyerno ang edukasyon, sining, agham at teknolohiya.
– Tatanggalin ang probisyong kinikilala ng gobyerno ang papel ng kabataan sa pagbubuo ng matatag na bansa
– Tatanggalin ang probisyong nag-aatas sa mga eskwelahan na ituro ang nasyonalismo, pagkilala sa pambansang bayani at karapatang-tao
– Malayang makakapasok ang mga banyagang eskwelahan at papayagan ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa mga edukasyunal na institusyon at pamantasan.
– Idadagdag ang salitang ‘responsable’ sa karapatan sa malayang pamamahayag at malayang asembliya sa Bill of Rights.

5. Papayagan ang higit na dayuhang pakikialam at pananamantala sa pamamagitan ng pagpayag sa mga makaisang-panig na mga tratado

– Bibigyang-daan ang panunumbalik ng mga dayuhang base militar sa bansa.
– Tatanggalin ang mga limitasyon at restriksyon sa pagpasok ng mga tropang dayuhan at kanilang mga pasilidad.
– Mas mapapadali ang pagratipika sa mga makaisang-panig na tratado at internasyunal na mga kasunduang para lamang sa interes ng mga dayuhan.

(Pahayag na inilabas ng iba’t ibang grupong pangkabataan sa pangunguna ng Kabataan Party-list)