Pinoy Weekly

Charter Change: Noon at ngayon

Halos isang milyong katao ang tinatayang dumalo sa kilos-protesta laban sa Cha-cha noong Disyembre 17, 2006 sa Quirino Grandstand sa Maynila. (Ilang-Ilang Quijano/ PW File photo)

Halos isang milyong katao ang tinatayang dumalo sa kilos-protesta laban sa Cha-cha noong Disyembre 17, 2006 sa Quirino Grandstand sa Maynila. (Ilang-Ilang Quijano/ PW File photo)

Hindi bago ang mga tangka na baguhin ang Konstitusyong 1987. Sa iba’t ibang paraan, isinulong ang Charter Change mula pa noong administrasyong Ramos. Lagi naman itong tinututulan ng taumbayan dahil sa nasisipat dito ang pansariling interes ng mga pulitiko—lalo ngayon ni Pangulong Arroyo.

Kalahating milyon kontra Cha-cha

Sa ilalim ni dating pangulong Fidel V. Ramos tinangka ang unang Cha-cha o ang pagpapalit sa Konstitusyong 1987. Kasama sa mga pagbabagong nais ipasok sa Konstitusyon ang paglipat tungong sistemang parlamento at ang pagpapalawig sa termino ng mga opisyal pampubliko. Ikinatuwiran ni Ramos na magdudulot ng pananagutan at pagpapatuloy ng responsabilidad ng mga opisyal ang naturang mga pagbabago sa umiiral na sistema.

Tumutol sa Cha-cha ang mga grupong relihiyoso, oposisyon, negosyante at progresibo. Ayon sa mga kritiko, walang ibang makikinabang sa panukala kundi si Ramos at iba pang nakaupo sa kanyang administrasyon. Noong Setyembre 21, 1997, isang rali ang dinaluhan ng halos kalahating milyong tao sa Rizal Park, para tutulan ang Cha-cha.

Lalong napaatras ang mga nagsusulong ng Cha-cha nang ibasura ng Korte Suprema noong Setyembre 23, 1997 ang petisyong isinampa ng People’s Initiative for Reform, Modernization and Action o Pirma na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng signature campaign o People’s Initiative. Ayon sa korte, walang sapat na batas ang People’s Initiative para sa panukalang rebisyon o amyenda sa Konstitusyong 1987.

Ang Concord ni Erap

Sa ilalim naman ng administrasyon ni dating pangulong Joseph Estrada, sinubukan ding baguhin ang Konstitusyong 1987 sa prosesong tinawag na Constitutional Correction for Development o Concord. Kaiba sa Cha-cha ni Ramos, aamyendahan lamang umano ng panukalang Concord ang ilang probisyong pang-ekonomiya ng konstitusyon na itinuturing na sagabal sa pagpasok ng mas maraming dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Tulad noong panahon ni Ramos, nagkaroon din ng malawakang pagtutol sa panukalang pagbabago ng konstitusyon. Tampok na mga kritisismo sa Concord ang mga pagbabagong labag umano sa pambansang patrimonya; at ang paniniwalang magsisilbi lamang ang Cha-cha sa pansariling interes ng mga nasa poder noon. Hindi na naipagpatuloy ni Estrada ang Concord dahil sa pagtanggal sa kanya sa puwesto sa pamamagitan ng pag-aalsang EDSA.

Sa ilalim ni Arroyo: mas solidong pagtatangka

Sa ilalim ni Pangulong Arroyo, nagkaroon ng mas solidong pagtatangka para baguhin ang Konstitusyong 1987. Katunayan, kinonsidera niya itong prayoridad sa kanyang plataporma sa kampanya para sa halalan noong 2004.

Pagkapanalo, agad nilikha ni Arroyo ang Consultative Commission na pinamunuan ni Jose V. Abueva. Tungkulin ng Consultative Commission na magpanukala ng ‘mahahalagang’ rebisyon sa Konstitusyong 1987 matapos ang konsultasyon sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Matapos ang isang taon, naglabas ng mga panukala ang Consultative Commission. Kabilang dito ang paglipat tungo sa unicameral parliamentary na anyo ng gobyerno; liberalisasyon ng ekonomiya; desentralisasyon ng pambansang gobyerno; at pagpapalakas sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagtungo sa sistemang pederal.

Bagamat sinuportahan ng ilang grupong negosyante ang Cha-cha at ang pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhan, tumutol ang maimpluwensiyang Makati Business Club.

Kinampanya ng mga grupong Sigaw ng Bayan at Union of Local Authorities of the Philippines ang rekomendasyon ng Consulative Commission. Pinamunuan ang Sigaw ng Bayan ni Atty. Raul Lambino na dating kasapi ng Consultative Commission. Layon ng grupo na mangalap ng mga pirma para manawagan ng plebisito para sa panukalang pagbabago ng konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative.

Tulad ng nauna, tinutulan ito ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa paniniwalang hindi napapanahon ang Cha-cha at gagamitin lamang ito ni Arroyo para makapanatili sa puwesto.

Noong Oktubre 25, 2006, ibinasura ng Korte Suprema sa botong 8-7 ang People’s Initiative ng Sigaw ng Bayan dahil hindi umano nakatugon ang inisyatiba sa mga batayang rekisito ng modang ito ng pagbabago sa konstitusyon.

Con-Con at Con-Ass

Tinangka ni dating House Espiker Jose de Venecia, Jr. ang pagtulak sa pagbabago ng konstitusyon sa pamamagitan ng pagbuo sa dalawang kapulungan ng Kongreso bilang Constituent Assembly o Con-Ass.

Iniatras ito ni de Venecia dahil sa itinakdang malawakang kilos-protesta ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Para mapahupa ang galit ng mga mamamayan, ipinanukala niya ang Constitutional Convention o Con-Con. Subalit itinuloy noong Disyembre 17, 2006 ang ‘prayer rally’ kontra Cha-cha na pinangunahan ni dating pangulong Corazon Aquino sa Quirino Grandstand sa Maynila. Tinatayang umabot sa isang milyong katao ang dumalo rito.

Nang palitan ni Prospero Nograles si de Venecia bilang House Espiker, ipinagpatuloy ang pagtutulak sa pagbabago ng konstitusyon sa pamamagitan pa rin ng Con-Ass. Pero sa pagkakataong ito, tila wala na silang balak isama ang Senado na simula’t sapul kontra sa Cha-cha sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Noong Hunyo 3, kinagabihan ng huling araw ng sesyon, ipinasa ng mayorya ng Kamara ang House Resolution 1109 para sa pagtitipon ng Con-Ass.

Muli, sinalubong ito ng malawakang kilos-protesta noong Hunyo 10, 2009 sa Ayala Ave. sa Makati City, dahil tinitingnan bilang pakana ni Arroyo na huwag matanggalan ng puwesto at immunity mula sa umano’y mga krimen ng kanyang administrasyon.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1992

Posted by on Jun 14 2009. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes