Countdown sa pagtatapos ng termino ni Arroyo sisimulan sa martsa sa Hunyo 30
Magsisimula nang magbilang ng araw ang taumbayan hanggang bumaba sa puwesto si Pangulong Arroyo.
Mamarkahan ng iba’t ibang grupong tutol sa panunungkulan ni Arroyo ang araw na eksaktong isang taon bago matapos ang termino ng Pangulo sa isang “Martsa kontra Cha-Cha” (Charter Change) sa Hunyo 30.
Ayon sa mga organisador ng martsa, magsisilbi rin itong paunang aktibidad para sa inaasahang mas malaking kilos-protesta laban kay Arroyo at sa Cha-Cha sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo 27.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), magsisimula ang kilos-protesta ng 3:30 ng hapon sa tatlong pangunahing tipunan: Welcome Rotonda sa Quezon City, Adamson University at Pamantasan ng Lungsod ng Manila sa Maynila.
Bandang alas-sais ng gabi magtatagpo ang mga demonstrador sa Liwasang Bonifacio para magprograma. Plano ng mga organisador na magliyab ng “daan-daang sulo.”
Inaasahang marami sa mga dadalo ay manggagaling sa iba’t ibang paaralan at unibersidad sa Kamaynilaan.
Ipinoprotesta ng Bayan at iba pang grupo ang planong pagbuo ng isang Constituent Assembly (Con-Ass) ng Kamara sa bisa ng House Resolution 1109. Anila, tiyak na gustong ilusot sa Con-Ass ang panukalang pahabain ang termino ng Pangulo o gumawa ng paraan para manatili sa kapangyarihan si Arroyo.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2323














