Mayorya, naniniwalang CARP di makakasugpo sa kawalan ng reporma sa lupa
Karamihan ng mga Pilipino ang hindi naniniwalang makakasugpo sa monopolyo ng pagmamay-ari sa lupa ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Ayon sa sarbey ng Ibon Foundation, Inc., 67.6 porsiyento o mayorya ng mga Pilipino ang naniniwalang hindi solusyon ang CARP sa di-pagmamay-ari ng magsasaka sa lupang kanyang sinasaka.
Sinabi rin sa sarbey na malaking bilang ng mga Pilipino ang walang alam sa mga panukalang palawigin ang implementasyon ng CARP at ireporma ito. Ayon sa Ibon, 46.6 porsiyento sa 1,496 respondents sa sarbey ang nagsabing wala silang alam sa naturang mga panukala sa Senado at Kamara.
Ipinasa na ng Senado sa ikatlong reading ang panukalang batas sa ekstensiyon ng CARP, samantalang nasa komite na ang resolusyon sa Kamara.
Tutol ang mga grupo ng magsasaka sa pamumuno ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas (KMP) sa pagpapalawig pa sa implementasyon ng CARP. Anila, nakakasangkapan lamang ang CARP ng mga panginoong maylupa para mapanatili ang monopolyo nila sa lupa.
Isinagawa ng Ibon ang sarbey noong Abril 2009 para alamin umano ang pagtingin ng taumbayan sa ekonomiya at suweldo, trabaho ng gobyerno at iba pang mahahalagang usapin. May margin of error na “plus or minus three percent” ang naturang sarbey.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1678













