Pinoy Weekly

Pinaigting na opensiba, tugon ng NPA sa Con-ass

Patitindihin ng New People’s Army (NPA) ang mga taktikal na opensiba sa kanayunan bilang tugon sa panibagong hakbang para pahabain ang termino ni Gloria Macapagal-Arroyo, ayon sa pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa kanilang website.

Samantala, inihayag ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) na paiigtingin ng NPA ang mga opensibang militar sa rehiyon para gambalain ang mga tropang militar na umano’y dinagdagan at pinoposisyon para supilin ang mapayapang mga kilos-protesta kontra sa Charter Change.

“Nananawagan ang CPP sa lahat ng mga rebolusyonaryong puwersa at sa mamamayang Pilipino na magkaisa at paigtingin ang pakikibaka laban sa rehimeng US-Arroyo at lahat ng mga iskema nito para manatili sa kapangyarihan,” sabi ng CPP.

Sinabi pa ng CPP na “Sa HR 1109, nabubukas ang iba’t ibang posibilidad para manatili sa kapangyarihan ang rehimeng US-Arroyo, kabilang ang ekstensiyon ng termino ni Arroyo at iba pang inihalal na opisyal, o ang paglipat sa parlamentaryong porma ng gobyerno na pinamumunuan pa rin ni Arroyo.”

Pero ayon sa CPP, hindi na matatanggap ng taumbayan si Arroyo. “Halos isang dekada na nilang tiniis ang korupsiyon, pagkabulok, pagkatuta, at panunupil ng kanyang rehimen. Desidido silang patalsikin siya sa puwesto kapag epektibo na nilang natipon ang kanilang mga puwersa, bago o matapos ang halalan sa 2010.”

Sa isa ring pahayag, binatikos ng NDF-EV ang pagdeploy ng 8th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines ng karagdagang 600 sundalo sa mga isla ng Cebu, Negros, at Panay.

“Hindi kapani-paniwala ang pahayag ni Hen. Arthur Tabaquero na dineploy ang mga sundalo para masiguro ang tagumpay ng gobyerno laban sa mga rebelde sa 2010,” ayon kay Fr. Santiago Salas, tagapagsalita ng NDF-EV.

Ipinunto ni Salas na noong diktadurang Marcos, lumakas ang NPA sa Samar sa kabila ng deployment ng mga sundalong militar na doble ng kasalukuyang bilang. Umano’y mas malakas ngayon ang rebolusyonaryong kilusan kumpara 20 taon na ang nakakaraan, at mabilis na lumalawak lalo sa isla ng Leyte at Samar.

“Ang totoong dahilan ng karagdagang tropa ay ang pagsupil sa napipintong mga kilos-protesta kontra sa Cha-cha at ang pagsiguro ng AFP na mananatili sa puwesto si Arroyo…Hinahanda na ni Arroyo na gamitin ang militar at pulisya para banatan ang mga kilos-protesta laban sa kanyang gobyerno,” aniya.

Gayunpaman, sinabi ni Salas na hindi nababahala ang NPA sa karagdagang tropa dahil nangangahulugan ito ng “karagdagang target” para sa hukbong gerilya na umano’y may malawak na suporta ng mga mamamayan.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1859

avatar Posted by on Jun 7 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Pinaigting na opensiba, tugon ng NPA sa Con-ass”

  1. [...] Pinaigting na opensiba, tugon ng NPA sa Con-ass Panawagan ng CBCP para sa mapayapang protesta, sinalubong ‘Lahat posible sa Con-Ass’: Arawang protesta hanggang Hunyo 10 itinakda Mamamayang ayaw sa Con-ass ni Gloria, hinihikayat na lumahok sa protesta ng pesante sa Mendiola sa Hunyo Tangkang ‘puwersahang’ pagpasa ng HR 1109 kinonenda ng senador Militanteng kongresista nanawagan ng malawakang protesta laban sa ‘tiraniya ng mayorya’ sa Kamara [...]

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes