Pinoy Weekly

Militar itinanggi pagdukot kay Melissa Roxas, ebidensiya ng pagdukot ipinrisinta

Itinanggi ng mga kinatawan ng 7th Infantry Division ng Philippine Army na may kinalaman sila sa pagdukot sa Pilipino-Amerikanong si Melissa Roxas at dalawang kasamahan sa La Paz, Tarlac noong Mayo 19.

Gayunman, nagprisinta si Roxas sa pagdinig ng Commission on Human Rights ng ebidensiya na maaaring makatulong sa pagturo ng may salarin. Sinabi rin ni Roxas na nakita niya ang mukha ng isa sa mga dumukot sa kanya bago piniringan noong araw na iyon.

Ayon kay Col. Leonido Bongcawil, na kumawatan sa hepe ng 7th ID na si Maj. Gen. Ralph Villanueva of 7th ID, hindi maaaring sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ikinulong at tinortyur si Roxas dahil nagsisilbing “tourist destination” diumano ang naturang kampo ng militar.

Sinabi pa ni Lt. Col. Hermilo Barrios, kinatawan ng Army, na “hindi tugma” sa aktuwal na katayuan ng Fort Magsaysay sa pagsasalarawan ni Roxas na lugar kung saan siya dinetine at tinortyur.

Gayunman, pinrisinta ni Roxas ang bag na binigay umano sa kanya ng mga militar bago siya pakawalan ng mga ito sa Quezon City noong Mayo 25. Laman nito ang isang pares ng posas, cookies, isang bibliya, at librong Love in the Time of Cholera ni Gabriel Garcia Marquez.

Pakutyang sinabi ni Leila de Lima, tagapangulo ng CHR na nanguna sa pagdinig, na nag-iwan pa ng “remembrance” kay Roxas ang mga nagdukot sa kanya.

Sinabi ni Roxas na mukhang ang iniwan sa kanyang posas ang siyang posas na ginamit sa kanya noong siya’y piniit at tinortyur. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

Determinado umano si Roxas na ipagpatuloy ang pagsampa ng kaso laban sa mga dumukot at nagtortyur sa kanya, at sa mga kasamahang sina Juanito Carabeo at John Edward Jandoc.

Sa Hulyo 30, nakatakdang magtestigo si Roxas sa harap ng Court of Appeals kaugnay ng hiling niya sa korte na protektahan siya at mga kaanak niya sa bisa ng writ of amparo.

Sa parehong araw, makikipagpulong si Pang. Arroyo kay US Pres. Barack Obama sa Washington DC, USA.

Citizen ng US si Roxas pero ipinanganak sa Pilipinas. Miyembro siya ng Bagong Alyansang Makabayan sa US at Habi Arts, isang grupong pangkultura.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2867

Posted by on Jul 23 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Pulsong Pinoy

Naniniwala ka ba na hindi kaya ibigay ng mga employer ang P125 dagdag-sahod?

View Results

Loading ... Loading ...

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes