Panaginip ng malinis na halalan


Matagal nang inaasam ng marami ang automated election system. Pero sa pinakahuling mga pangyayari kaugnay nito, tila nababahiran na ito ng duda. Maaasahan ba ang Comelec sa pagsasaayos ng mga gusot nito? O muli bang magagamit ang sistemang ito para sa interes ng nasa kapangyarihan?

Walang dapat ipag-alala, ayon sa Comelec. Magiging malinis at walang pandaraya sa eleksiyong 2010 dahil sa poll automation. Ang mga ispekulasyon na posibleng marami itong kahinaan, ayon sa tagapagsalita ng Comelec, ay nagpaparupok sa tiwala ng taumbayan sa automated polls.

Matagal nang pinapangarap ng bansa ang automated polls. Moderno kasi at, dahil na rin sa mahabang kasaysayan ng dayaan sa halalan, marahil mas gusto ito ng mamamayan dahil mukhang mas mahirap dayain. Para bang maglalaho na ang iba’t ibang maruming taktika sa eleksiyon, tulad ng pamamayani ng pera, dahas at kapangyarihan bago, habang at matapos maganap ang manwal na halalan.

Pinanabikan ito. Pero dahil sa pinakahuling mga pangyayari kaugnay ng poll automation, waring nabahiran na naman ito ng pagdududa. At maraming dahilan. Isa rito ang ibinunyag na mahigit sa 30 bulnerableng erya sa automated election system (AES) ng CenPEG (Center for People Empowerment in Governance) nitong Hulyo 6, 2009.

Kabilang dito ang buong sistema ng pag-iimprenta ng balota, pag-iingat sa mga counting machine, pagboto, bilangan, elektronikong palilipat ng mga boto hanggang sa canvassing at pagpoproklama ng mga nanalo. Sa madaling salita, bulnerable ang buong sistema ng AES.

Hindi pa kasama sa listahan ang mga kahinaan sa imprastuktura tulad ng telekomunikasyon, linya ng telepono at kuryente at cell sites. Maaari umanong maging bulnerable ang mga ito sa pagkasira, sabotahe at ilan pang banta mula sa ilang grupo na may layuning sirain o manipulahin ang eleksiyon.

Dumagdag pa sa ‘batik’ ang gusot sa pagitan ng Smartmatic at Total Information Management (TIM) na ayon sa ulat ay dahil sa pera. Tandaang pera ang isa sa pinakamabisang paraan para manalo sa eleksiyon. Nakakairita rin ang pag-aastang tagapamagitan ng Comelec para magkabati ang dalawang kompanya. Na para bang simpleng awayan lamang ito gayong kinabukasan ng bansang Pilipinas ang nakasalalay. May pangamba ring dala ang napabalitang ‘kaugnayan’ ng isa sa mga opisyal ng TIM kay Unang Ginoo Mike Arroyo. Sa pinakadagling reaksiyon, hindi maiaalis ang duda sa mga Arroyo kapag eleksiyon ang pinag-uusapan.

Higit sa lahat, wala pang edukasyon ang taumbayan kaugnay ng poll automation. Dahil unang pagtatangka ito, siguradong maraming kalituhan sa bagong paraan ng pagboto. At kung hindi kaagad na matuturuan ang publiko, maaaring maging ‘bangungot’ ang inaasahang panaginip na eleksiyon.

Hindi sapat na batayan na nagamit na sa eleksiyon sa Autonomous Region of Muslim Mindanao ang poll automation na Smartmatic rin ang nagsuplay ng makina noong 2008. Batay na rin sa ulat ng Comelec noong 2008, humigit-kumulang sa 23 ang depektong naitala sa paggamit ng optimal mark reader. Kabilang dito ang marami sa pinangangambahan ng CenPEG.

Sa huli, hindi dapat maging kampante ang taumbayan sa paggarantiya ng Comelec sa malinis na halalan sa 2010. Sa kabila ng pangakong safeguard at security measures ng Comelec sa AES, dapat magbantay ang mamamayan at igiit ang transparidad kaugnay ng poll automation. Hindi dapat iasa sa pangako ng iilan ang tunay na tinig ng demokrasya. Sa sandaling maniwala ang taumbayan sa pangakong ‘panaginip na halalan,’ maaaring magising tayo sa isang tunay na bangungot. (SAS)