Istorya ng Linggo

Tunay na SONA ng maralita


Mula sa kanilang mga komunidad maaaninag ang tunay na lagay ng bayan. Sa isinagawang SOUP o State of the Urban Poor, isiniwalat ang “halos siyam na taong pagkakait ni Pangulong Arroyo sa taumbayan ng batayang mga pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan at serbisyo.”

Maralitang lungsod: lalong dumadausdos ang kalagayan sa ilalim ng gobyernong Arroyo/ (Kuha ni Jes Aznar sa Tondo, Manila)
Maralitang lungsod: lalong dumadausdos ang kalagayan sa ilalim ng gobyernong Arroyo/ (Kuha ni Jes Aznar sa Tondo, Manila)

Taun-taon, dalawang State of the Nation Address (SONA) ang nagaganap sa bansa. Ang isa ay tinatalumpati ng pangulo sa loob ng Batasang Pambansa at ang isa naman ay isinisiwalat ng taumbayan sa lansangan.

Ang mga maralitang lungsod, nagsasagawa rin ng espesyal na SONA. Sa State of the Urban Poor (SOUP) na isinagawa ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) kamakailan, pinasubalian ang tuwinang ipinagmamalaki ng pangulo na pag-unlad ng ekonomiya at pag-angat ng katayuan ng maralitang lunsod at taumbayan.

“(Taliwas dito,) lugmok ang ekonomiya at halos siyam na taon nang ipinagkakait ni Pangulong Arroyo ang batayang pangangailangan ng maralitang lungsod gaya ng pagkain, tirahan at serbisyong panlipunan,” giit ni Leona “Nanay Leleng” Zarzuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay. Patuloy din umano ang pandarahas sa mga maralitang lumalaban para sa kanilang mga karapatan.

Kaya naman mariin din nilang ipinaabot ang pagtutol sa hakbang ng administrasyon na baguhin ang Saligang Batas na wala umanong ibang layunin kundi mapahaba ang pananatili ni Arroyo sa kapangyarihan.

Samantala, ipinaliwanag sa SOUP ng iba’t ibang tagapagsalita mula sa makabayang mga organisasyon ang lumalalang kalagayan ng mga maralitang lungsod at ang kanilang kahandaang tapatan ang SONA ng pangulo.

Buwis sa bawat kibit

Ayon kay Arnold Padilla ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), halos P1,000 na ang kinakailangan araw-araw ng isang pamilyang may anim na kasapi sa kasalukuyan. Aniya, may dalawang dahilan kung bakit ito umabot sa ganito kalaking halaga.

Una, umiiral umano ang “malalaking kartel, monopolyo’t negosyo” na sila namang nagtataas ng presyo ng mga bilihin. Kontrolado umano nila ang mga industriya gaya ng langis, gayundin ng pagkain tulad ng bigas. Sa halip na pigilan ang pagsirit ng presyo, “kinukonsinti” pa ito ng pamahalaan, ani Padilla.

Pangalawa, samu’t sari umanong buwis, sa porma ng value-added tax (VAT), ang ipinapataw sa bawat produkto at serbisyong kailangan ng taumbayan. Paliwanag ng Bayan, utos ito ng World Bank at International Monetary Fund. Pamamaraan umano ito ng nabanggit na mga ahensiyang pampinansiya upang matiyak na mababayaran ng pamahalaan ang inuutang nito kada taon.

Ayon sa Bayan, umaabot ng P3 Bilyon kada araw ang nalilikom mula sa VAT na kikukuha naman sa mga maralita at taumbayan. Ang mas malala, hindi ito ilinalaan para sa kanilang kagalingan tulad ng sinasabi ng pangulo. Malaking bahagi nito ay napupunta sa pambayad sa utang panlabas. Ayon pa rin sa Bayan, malaki din ang napupunta sa militar na kailangang paunlarin ng pangulo upang manatiling tapat sa kanya. Di rin maitatatwang nalulustay ang halagang ito sa sunod-sunod na kaso ng katiwalian na kinasangkutan ng administrasyon at ng Unang Pamilya, dagdag ni Padilla.

Kaya naman sa bawat kibit ng taumbayan, may katapat na buwis na hinuhugot mula sa kanilang butas nang bulsa. Isa umano ang VAT sa mga “krimen” ng pangulo sa maralitang lungsod.

Mamahaling bigas

Sa mga pag-aaral, lumalabas na maraming Pilipino ang dalawang beses na lamang kumakain sa isang araw dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain. Ayon kay Santi Dasmariñas ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) at unyon sa National Food Authority (NFA), hindi tinutupad ng nasabing ahensiya ang tungkulin nitong tiyakin ang accessibility, availability at affordabilty ng pagkain, unang una na ang bigas.

Sa kasalukuyan, pasanin ng maralitang lungsod ang mataas na presyo nito. Sa kabila ng polisiya ng NFA at Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa pagbibigay ng subsidyo sa 21 “priority area” ng Kamaynilaan, marami pa rin ang maralitang lunsod ang napipilitang bumili ng mahal na bigas gaya ng mga residente ng Smokey Mountain. Marami din umanong karapatdapat na makatanggap ng access card para sa murang bigas mula sa DSWD na hindi pa mabibigyan nito.