Ang pagkamatay ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining


Pagkatapos nang pagkamatay ng isang pambansang simbolo, isang pambansang simbolo naman ang inilibing, ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining.

Ang mga Pambansang Alagad ng Sining na dumalo sa protesta: mula kaliwa; Ben Cabrera, Bienvenido Lumbera, Virgilio Almario at Salvador Bernal. (Kuha ni Soliman A. Santos)
Ang mga Pambansang Alagad ng Sining na dumalo sa protesta: mula kaliwa; Ben Cabrera, Bienvenido Lumbera, Virgilio Almario at Salvador Bernal. (Soliman A. Santos)

Galit at nagluluksa ang daan-daang artistang nagtungo sa harap ng Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Agosto 7, para iprotesta ang ‘pagpatay’ sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining.

Nagluluksa ang mga artista dahil sa umano’y ginawang pagpatay sa presitihiyosong parangal nang ibigay ito ngayong taon sa mga hindi ‘karapat-dapat’

Pakikialam ng Palasyo

Idineklarang patay ng ilang grupong pangkultura at institusyon ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining dahil sa ‘pakikialam’ ng Malakanyang sa paggawad nito.

Kabilang sa mga nagprotestang grupo at institusyon ang Concerned Artists of the Philippines (CAP), Sinag Bayan, Sining Bugkos, Musicians for Peace, Ugat Lahi Artists Collective, Tudla Productions, University of the Philippines – College of Mass Communication, Film Institute at Department of Visual Communication ng College of Fine Arts.

Nagluluksang alagad ng sining. (kuha ni Maricristh T. Magaling )
Nagluluksang alagad ng sining. (Maricristh T. Magaling )

Binatikos ng naturang mga grupo ang ‘kamay ni Pangulong Arroyo’ sa proseso ng pagpili sa Order of National Artists 2009 partikular ang pagkakasama nina Cecille Guidote-Alvarez (Teatro), Magno Jose Carlo Caparas (Sining Biswal at Pelikula), Francisco Bobby Mañosa (Arkitektura) at Jose Pitoy Moreno (Fashion Design).

Nanguna sa protesta ang ilan sa mga Pambansang Alagad ng Sining kabilang sina Dr. Bienvenido Lumbera, F. Sionil Jose at Virgilio Almario (Panitikan), Eddie Romero (Pelikula), Napoleon Abueva, Ben Cabrera, Arturo Luz, habang kinatawan naman ni Celeste Legazpi ang amang si Cesar Legazpi (Sining Biswal), at Salvador Bernal (Teatro).

Nagsama-sama ang mga artista dahil sa paniwalang ‘nakompromiso’ ang proseso ng pamimili sa naturang gawad.

Partikular na kinukuwestiyon ng mga artista ang  paggawad kay Guidote-Alvarez na siya ring Presidential Adviser on Culture Cecille. Malinaw umanong may ‘conflict of interest‘ dahil si Alavarez din ang kasalukuyang executive director ng NCCA at namumuno sa secretariat para sa paggawad ng National Artists awards.

Nakasaad sa pamantayan ng nominasyon para sa National Artists sa NCCA website, na “NCCA and CCP Board members and consultants and NCCA and CCP officers and staff are automatically disqualified from being nominated.”