Muy Bien: Pagtatanghal para sa isang natatanging progresibong Artista ng Bayan

April 18, 2012

Bienvenido Lumbera, artista ng bayan. (Darius Galang)

Bienvenido Lumbera, artista ng bayan. (Darius Galang)

Isang mainit na hapon ang inialay ng mga tagahanga at tagasuporta kay Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, sa kanyang ika-80 kaarawan. Isang mainit din na pagpupugay ang inialay ng kapwa niya manunulat at artista, na nagtanghal sa natatanging progresibong artista, sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City noong Abril 15.

Sa hagdan ng Palma Hall pa lamang, sinalubong na si Lumbera, “Ka Bien” kung tagurian, ng kanyang kaanak at kaibigan mula sa iba’t ibang sektor at sining. Una siyang sinalubong nina Joel Lamangan at Satur Ocampo, habang binabaybay ang mga estasyon ng pagtatanghal na inialay sa may kaarawan.

Pag-akyat sa hagdan ng gusali, sinalubong siya ng Kontra-Gapi ni Prop. Edru Abraham, at nilapatan ng musika ang sipi mula sa “Noong Unang Panahon,” mula sa dulang “Tales of the Manuvu” ni Ka Bien.

Rap at spoken words ang inialay naman ng Ciudad Tribu at Los Indios Bravos sa sumunod na estasyon. Pagpasok sa gusali ng Palma, nakatambad ang mural na dinisenyo ni Boy Dominguez at ipininta ng Ugat Lahi.

Isang tula-dula ang inialay ng Artists Incorporated. Itinuloy ito ng pagbigkas ng mga tula na tugon sa mga likha ni Ka Bien. Halinhinang nagbigkas sina Vencer Crisostomo, pambansang pangulo ng Anakbayan, Nenita Gonzaga ng Kilusang Mayo Uno, Rodel Mesa ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, at Ocampo.

    Si Ka Bien at ang asawang si Cynthia Lumbera, sa harap ng likhang sining ni Boy Dominguez at Ugatlahi. (Darius Galang)

Si Ka Bien at ang asawang si Cynthia Lumbera, sa harap ng likhang sining ni Boy Dominguez at Ugatlahi. (Darius Galang)

Raul Faunilas (Darius Galang)

Raul Faunilas (Darius Galang)

Matapos ang isang bidyo na inihanda ng Munting Media at Tudla Productions, maging ang likha rin nina Sari Dalena at Keith Sicat, ukol sa talambuhay ni Bien, umakyat sa entablado sina Carmen “Nanay Mameng” Deunida at Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list upang iputong kay Ka Bien ang isang laurel wreath na gawa sa tanso.

Likha ito ni Raul Funilas, iskultor at manunulat, na nilapitan ng mga organisasyon sa Pilipinas upang likhain ang laurel wreath. Ito pa lamang ang ikalawang beses sa kasaysayan ng Pilipinas na nagputong ng laurel wreath sa isang artista. Una na rito si Francisco Balagtas.

“Bilang isang iskultor, ako ’yung napili nila dahil mga kaibigan ko rin iyan, artistang bayan rin sila,” saad ni Funilas, na naging bahagi rin ng mga pangyayari noong dekada ’70.

Isa ring awit ang inialay ni Gng. Lorna Llames-Reyes kay Ka Bien. “Kay Bien” ang inawit ng soprano, awiting likha ni Bonifacio Ilagan at nilapatan ng musika ni Lucien Letaba.

Ka Bien at Ka Satur Ocampo (Darius Galang)

Ka Bien at Ka Satur Ocampo (Darius Galang)

Sa kanyang talumpati, ipinagtibay niya ang pagtugon ng pagkilos “upang maganap ang pagbabago sa ating lipunan, upang ang mga nasa ilalim ay pumaibabaw.”

Pangkulturang pagtatanghal sa "Muy Bien." (Darius Galang)

Pangkulturang pagtatanghal sa "Muy Bien." (Darius Galang)

“Sana, ang araw na ito, ay magsilbing tagapagmukha ng isang tunay na malayang lipunan, tunay na pambansang demokrasya,” tugon na pag-aalay ni Ka Bien sa mga manonood at mga artistang nagbahagi ng kanilang sining para sa kanya.

Pagabi na nang nag-alay ng haranahan ang Philippine Philharmonic Orchestra at ng UP Singing Ambassadors na nag-alay pa ng musika ng Beatles. Isang harana na pangsara sa isang makulay at makabuluhang pag-aalay ng sining para sa natatanging progresibong alagad ng sining.